|
||||||||
|
||
ANG problema sa transmission ng datos ang dahilan kaya't hindi itutuloy ng Commission on Elections ang unang itinakdang proklamasyon ng mga nagwawaging senador. Sa kanilang pagpupulong, ang mga bumubuo ng National Board of Canvassers ay nagsabing 20 pa lamang mula sa 304 na Certificates of Canvass ang kanilang natatanggap.
Sa isang press briefing, sinabi ni Chairman Brillantes na kanselado ang proklamasyong unang itinakda sa ganap na ikapito ng gabi ngayong Miyerkoles. Wala pang kasunduan kung kalian gagawin ang proklamasyon bagama't malaki ang posibilidad na gawin ito bukas.
Walang proklamasyon kung mayroong bitin. Hindi magandang magproklama ng dalawang mga nagwawagi at lalabas na piecemeal ang proklamasyon.
Inaalam pa nila mula sa board of canvassers sa mga lalawigan, lungsod at bayan kung bakit mabagal ang transmission, dagdag pa ni Chairmal Brillantes.
Kinatawan ni Pangulong Aquino sa Taiwan, hinirang
ITINALAGA ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III si Chairman Amadeo R. Perez ng Manila Economic and Cultural Office bilang personal na kinatawan na magpaparating ng kanyang pakikiramay at ng mga mamamayang Pilipino kasabay ng paghingi ng paumanhin sa pamilya ni Ginoong Hung Shi-chen at sa mga mamamayan ng Taiwan sa nakalulungkot na pangyayari at 'di sinasadyang pagkasawi ng mangingisdang mula sa Taiwan.
Ayon kay Kalihim Edwin Lacierda, ang Tagapagsalita ni Pangulong Aquino, nagsimula na ang National Bureau of Investigation ng pagsisiyasat at inaasahang magkakaroon ng malawakan, walang kinikilingan at madaliang imbestigasyon.
Ito ang prayoridad ng NBI ngayon. Nauunawaan ang pagdadalamhati at pagdurusa ng pamilya ng nasawi at ng mga mamamayan ng Taiwan sa hindi inaasahang pangyayari at nakikiisa ang Pamahalaan ng Pilipinas sa mga taga-roon.
Samantala, umalis na si Ginoong Perez patungong Taipei kaninang umaga. Naroon pa rin sa Taipei si Ginoong Antonio I. Basilio, ang Managing Director at Resident Representative ng MECO sa Taiwan.
Samantala, lumabas na rin sa media outlets sa Maynila ang balitang mula sa Agence France Presse na nagdesisyon na si Pangulong Ma Ying-jeou na huwag munang kukuha ng mga manggagawa mula sa Pilipinas upang iparating ang sama ng loob sa pagkasawi ng isang mangingisdang Taiwanes noong ika-siyam ng Mayo sa kamay ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Nabaril ang 65-taong gulang na mangingisda matapos pumasok umano ang bangkang pangisda sa karagatang sakop ng Pilipinas. Ayon sa tagapagsalita ni Pangulong Ma, si Lee Chai-fei, wala umanong katapatan at pabagu-bago ang pahayag at paninindigan ng PIlipinas kaya't pinauuwi na nila ang kanilang kinatawang nasa Maynila.
Inulit niya ang kahilingan ni Pangulong Ma na magkaroon ng "formal apology," kabayaran sa pamilya ng nasawi, dakpin ang nakabaril at magsimulang mag-usap tungkol sa pangingisda.
Kung hindi umano matutugunan ang kanilang kahilingan pagsapit ng ika-anim ng gabi ngayon, magkakaroon pa ng karagdagang sanctions, dagdag pa ni Ginoong Lee.
Ito pa rin ang naging desisyon ng Taipei kahit pa humingi na ng paumanhin si Ginoong Basilio matapos ang isang closed-door meeting kasama si Foreign Minister David Lin kahapon.
Ayon kay Premier Jiang Yi-huah, hindi katanggap-tanggap na ang paghingi ng paumanhin ay mula sa mga mamamayan ng Pilipinas sa halip na mula sa Pamahalaan ng Pilipinas sapagkat ang tauhan ng Coast Guard ang nakabaril sa mangingisda.
Nasa Taipei na si Ginoong Perez samantalang isinusulat na ang balitang ito. Nagbabala rin ang Taiwan na magsasagawa ng naval exercise sa karagatang malapit sa Pilipinas.
Padalang salapi ng mga manggagawa umabot na sa US $5.6 bilyon
PATULOY na tumaas ang salaping ipinadadala ng mga manggagawang Pilipino mula sa iba't ibang bansa sa unang tatlong buwan ng 2013. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, umabot na sa 3.7% ang inilago kung ihahambing sa ipinadala noong nakalipas na taon at umabot sa US $1.9 bilyon.
Ayon kay Gobernador Amando Tetangco, umabot ang pinagsanib na padala mula Enero hanggang Marso sa halagang US $5.6 bilyon at mas mataas ng 6.2% kaysa naitala noong 2012. Nakita ang paglago mula sa land-based workers na may kontratang higit sa isang taon at nagkahalaga ng US $ 4.2 bilyon at maging sa mga magdaragat at land-based workers na mayroong short-term contracts at umabot sa US $ 1.3 bilyon.
Ang salaping idinaan sa mga bangko sa unang tatlong buwan ng taon ay umabot din sa US $ 5.1 bilyon at 5.6% na mas mataas kaysa noong unang tatlong buwan ng 2012.
Ang remittances ng mga sea-based (US $1.2 b) ay lumago naman ng 6.1% at land-based(US $ 3.9 b) ay lumago naman ng 5.4%.
Ang pinakamalaking remittance ay mula sa Estados Unidos na 42.6%, Canada, 8.2%, Saudi Arabia 7.9%, United Kingdom 5.7%, United Arab Emirates 4.5%, Singapore 4.2% at Japan 3.7%
Libu-libung delegado, inaasahang dadalo sa Congress on Liturgical Renewal
MAGSASAMA-SAMA ang mga kinatawan ng mga parokya sa Congress on Liturgical Renewal ng Archdiocese of Manila sa darating na Sabado, ika-18 ng Mayo sa SM Mall of Asia Arena.
Ayon kay Peachy Yamsuan ng Archdiocese of Manila Communications Office, dadalo sa pagtitipon sina Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle at Manila Archbishop Emeritus Gaudencio B. Cardinal Rosales sa temang "Faith Celebrated and Lived."
L GAUDENCIO B. ROSALES. Siya ang mamumuno sa Misa na idaraos sa pagtitipon ng mga kinatawan ng iba't ibang parokya sa Sabado, Mayo 18, 2013. (Larawan ni Noli Yamsuan)
CARDINAL LUIS ANTONIO G. TAGLE. Nakatakdang magsalita si Cardinal Tagle sa harap ng may 13,000 mga kinatawan ng mga parokya sa Arkediyosesis ng Maynila sa Sabado, ika-18 ng Mayo sa SM Area. (Larawan ni Noli Yamsuan)
Dadalo ang inaasahang 13,000 mga kinatawan ng iba't ibang parokya. Magsasalita si Cardinal Tagle sa ganap na ika-8:00 ng umaga at sa magtitipon sa ganap na ikalawa't kalahati ng hapon sa pagksang Major Themes of Sacrosanctum Concilium.
Si Cardinal Rosales ang mamumuno sa Misa sa umaga at sa pagtatalaga ng lay liturgical ministers na kinabibilangan ng Extraordinary Ministers for Hily Communion, Lectors and Commentators, Alter Servers, Greeters and Collectors at mga kasama sa Music Ministry at Mother Butlers' Guild.
Nakatakda ring magsalita sina Novaliches Bishop Emeritus Teodoro C. Bacani, Jr. at Fr. Genaro Diwa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |