|
||||||||
|
||
IBINALITA ni Kalihim ng Paggawa Rosalinda Dimapilis-Baldoz na sampu pang overseas Filipino workers ang ligtas na nakauwi ng Pilipinas mula sa Saudi Arabia matapos kumilos ang Philippine Overseas Labor Office na madali ang kanilang repatriation.
Kinilala ni Kalihim Baldoz ang mga nakauwi sa Maynila sa mga pangalang Meldie F. Fabros, Shiel Marie Gutierrez, Mary Ann Ngateb, Gemma P. Medina, Junky Conception Inguidez, Tracy Franzuela, Angelyn de Leno, Jennylyn A. Alimbuyao, Precious Ann C. Pablo at Sarah M. Lipura.
Ikinalugod ni Kalihim Baldoz na ligtas na nakarating ng Maynila ang mga narses matapos dumaan sa napakahirap na situasyon sa kanilang trabaho sa Saudi Arabia. Hiwa-hiwalay na biyahe ng eroplano ang kanilang sinakyan pabalik ng Maynila.
Ayon kay Welof Leogrado, ang unang apat na narses, ay humingi ng tulong ng POLO matapos tumanggi ang employers sa Safar Medical Center na pauwiin sila. Hindi sila pinayagang nakauwi kahit natapos ang kanilang kontrata noon pang huling araw ng Enero. Nakarating ang narses as Saudi Arabaia sa pamamagitan ng isang autorisadong manpower agency. Nakumbinse naman ang mga opisyal ng ahensya at pinayagang makaalis ang apat sa pamamagitan ng pagkakaloob ng kanilang exit visas.
Tatlong iba pang narses ang dumaan sa isa pang ahensya para sa dalawang taong kontratang natapos noong ika-31 ng Enero. Hindi na sila pinayagang umalis, hindi pa binayaran ng kanilang vacation leave benefits at end of service awards. Nakumbinse rin ang employer at nabayaran din ang kanilang mga benepisyo.
Ang nalalabing tatlong narses ay dumaan din sa isang autorisadong manpower agency at matatapos pa lamang ang kanilang mga kontrata sa Disyembre ng 2014 kaya nga lamang ay 'di sinunod ang nasasaad sa kanilang kontratang sahod, walang overtime pay, 'di ligtas na tahanan.
Idinagdag ni Kalihim Baldoz na pagbabalik-aralan nila ang datos ng mga employer at kung kakailanganin ay isasailalim ng blacklist upang huwag nang makakuha ng mga manggagawang Pilipino.
Kumpanyang Pinoy, nakasama sa bidding sa paggawa ng daungan sa Australia
NAKASAMA ang International Container Terminal Services, Inc. sa talaan ng mga makakalahok sa subasta ng mga gagawa at magpapatakbo ng ikatlong pandaigdigang container terminal sa Melbourne, Australia.
Kabakas nila ang Anglo Ports para sa subasta at kasama ang dalawa pang grupo ang magsasama-sama ng mga pagkadalubhasa sa proyektong magpapalawak sa container terminal development, operations at logistics.
Pinatatakbo na ng ICTSI ang 27 marine terminals sa 19 na bansa. Pinangungunahan ng Pilipinong bilyonaryong si Enrique K. Razon, Jr. ang chairman at pangulo ng ICTSI, sa nakalipas na dekada ang nangasiwa sa lumalagong kumpanya para sa developed at emerging markets. Si Ginoong Razon ay mayroon ding kalakal sa mga casino at pagmimina.
Ang mga kumpanya ni G. Razon ay mayroong market cap na sobra sa US $ 4 bilyon.
Ahensya ng Estados Unidos, nagdaos ng pagsasanay sa Maynila
ISANG pagsasanay na pinangalanang National Coast Watch System (NCWS) Operational Planning Table Top Exercise ang idinaos sa Maynila ng United States Department of Defense Threat Reduction Agency upang tumulong sa iba't ibang ahensyang kasama sa domain awareness at makaiwas sa pagpapakalat ng weapons of mass destruction.
Ilang workshops ang idinaos mula ika-14 hanggang ika-17 ng Mayo upang magkaroon ng multi-agency system na sangkot sa maritime security sa karagatang nasasakupan ng Pilipinas.
Ang NCWS ay itinatala ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III noong Setyembre 2011 sa ilalim ng Executive Order No. 57 na naglalayong magkaroon ng inter-agency coordination sa mga isyung may kinalaman sa mga karagatan.
Hackers, nadakip ng pulisya
NADAKIP ng mga tauhan ng Regional Police Operating Unit ng National Capital Region Police Office ang isang nagngangalang Joseph Calderon sa loob ng isang fastfood sa Novaliches, Quezon City kamakalawa.
Ayon sa tanggapan ni Police Director Leonardo Espina, nasamsam sa suspect ang isang cloned Globe Wimax Broadband na may kasamang antenna booster. Isa umanong taga-Litex ang kinunan niya ng cloned Globe gadgets.
Sa ginawang follow-up operation, nadakip pa ang isang Rodel Ancheta, ang sinasabing hacker ng Wimax na nadakip samantalang pina-aandar ang 'di na magamit na Wimax broadband na dinala sa kanya ng isang nagpanggap na magpapagawa.
Natagpuan sa kanyang pag-iingat ang isang activated Globe Wimax internet modem, 16 na deactivated Globe Wimax internet modems, isang set na desktop computer, 391 piraso ng scrap Wimax IC board at sampung tig-iisang daang piso na may ultra-violet powder.
Ayon kay Director Espina, tumutugon sila sa mga bagong uri ng krimen sa Metro Manila at ang hacking ay isang uri ng economic sabotage. Kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 8484 na kilala sa pangalang Access Device Act, Republic Act 8792 o E-Commerce Act and Presidential Decree 1612o Anti-Fencing law ang inihahanda laban sa mga suspect na maaaring magmula ng P 24,000 hanggang P 100,000.00 na may kaukulang pagkakakulong ng higit sa anim na taon ng walang probation.
Kamakailan, nadakip din ang isang nagngangalang Yooun Nayong, isang Korean national sa parehong paglabag sa batas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |