Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga banyaga nadakip sa Vigan, Ilocos Sur

(GMT+08:00) 2013-05-22 18:59:18       CRI

NAGMULA sa pangakaraniwang inspeksyon ng Vigan City Mayor's Office, Business Permits and License Office, mga bumbero at pulis noong Lunes ang nauwi sa pagkakadakip sa 58 katao na binubuo ng 40 Taiwanes at 18 mga Tsinong nagmula sa People's Republic of China matapos pagdudahan na may paglabag sa immigration laws ng Pilipinas.

MAAYOS ANG PAGTRATO SA MGA TSINONG NADAKIP.  Tiniyak ni Police Supt. Maximo Almachar Taclas, Vigan City Chief-of-Police, na maayos ang pagtrato sa mga Tsinong nadakip kahapon sa isang resort.  Dinala ang mga Tsino sa Bureau of Immigration and Deportation sa Laoag City, Ilocos Norte.  Legal umano ang paninirahan ng mga Tsino sa bansa, ayon sa BID-Manila.  (Melo Acuna)

Naganap ang insidente ng makita ng mga tauhan ng pamahalaang lokal na mayroong maihahambing sa isang call center na mga silid sa Mom's Courtyard and Resort sa Bongtolan, Vigan City. Nagulat ang mga tauhan ng pamahalaang lokal ng makita ang operasyon ng mga banyaga sa loob ng resort samantalang ang tanging permiso nito ay para lamang sa isang resort.

Ayon sa unang ulat ng pulisya, pito sa mga banyaga ang walang naipakitang pasaporte.

ANG MOM'S COURTYARD AND RESORT.  Dito nadakip ng pulisya ang mga Tsinong pinaniniwalaang illegal entrants.  Lumabas sa follow-up sa Bureau of Immigration legal and kanilang paninirahan.  (Melo Acuna)

Sa isang exclusive interview kay Police Supt. Maximo Almachar Taclas, Officer-In-Charge ng Vigan City police, kumuha sila ng search warrant sa Metropolitan Circuit Trial Court upang mahalughog ang Mom's Courtyard and Resort. Kasama ng Vigan City Police, sumalakay ang PNP CIDG-Anti-Cybercrime Group, mga tauhan ng intelligence service ng pulisya sa paghahalughog sa resort kahapon at natagpuan ang iba't ibang kagamitan tulad ng 31 piraso ng Voice Over Internet Protocol, 117 pirasong telepono, 38 piraso ng routers, 83 maliliit na charger, 19 pirasong malalaking charger, limang pirasong extension wires, apat na pirasong computer mouse, limang pirasong networking tools, isang set na server, isang printer, isang carton ng electrical cord, isang head set, 30 pirasong wireless phones, 26 na assorted wires, 16 na iba't ibang uri ng kagamitan.

HAWAK NI DIRECTOR YABES ANG ISA SA MGA TELEPONO.  Hawak ni National Telecommunications Director Amadeo Yabes ang isa sa maraming telepono sa Mom's Courtyard and Resort na pinaniniwalaang gamit sa mga illegal na transaksyon. (Melo Acuna)

IPINALILIWANAG NI ATTY. ALBANO NA ILLEGAL ANG PAGKAKAROON NG VOIP GADGETS.  Hiwaga para sa pulisya at sa National Telecommunications Commission kung paano nagkaroon ng VOIP equipment sa isang resort sa Vigan.  Ito ang pahayag ni Atty. Wyndel P. Albano ng Legal Division ng NTC sa San Fernando, La Union. (Melo Acuna)

Ang resort ay pag-aari umano ng isang Jackson Lim Chan, 48 taong gulang at isang taga-Vigan City.

Samantala, kahapon din ay dinala ang mga Tsino sa Laoag City, sa tanggapan ng Bureau of Immigration and Deportation sa ilalim ni Immigration Officer Paul Verzosa.

Sa follow-up ng CBCP Online Radio, sinabi ni Atty. Mary Antonette Mangrobang, Public Information Officer ng Bureau of Immigration and Deportation, pawang legal ang paninirahan ng mga Tsino sa Pilipinas.

Na sa pangangalaga na ng isang Atty. Melver Tolentino, abogado ng mga Tsino ang custody sa mga dinala sa Bureau of Immigration and Deportation kahapon.

Kaninang mga ika-sampu ng umaga, dumalaw sa Vigan City Police Station si Director Amadeo Yabes ng National Telecommunications Commission, isang tanggapan sa ilalim ng Office of the President upang makiisa sa pagsisiyasat.

HINDI NA NAGPUMILIT PUMASOK SA COMPOUND SI NTC DIRECTOR YABES.  Nananatiling nasa labas na lamang ang koponan ng NTC at pulisya, kasama ang mga taga-media sa compound ng Mom's Courtyard and Resort.  Posibleng paglabag sa E-Commerce law ang ipararating ng kinauukulan laban sa mga nasa nadakip na banyaga.  (Melo Acuna) 

Sa panayam kay Director Yabes, nagpasalamat siya sa paanyaya ng pulisya para sa joint inspection ng mga kagamitang nasamsam. Buong akala ni Director Yabes na karaniwang illegal call center operations lamang ang nadiskubre subalit laking gulat nila ng mabatid na mayroong mga kagamitang kinabibilangan ng "voice over internet protocol" kaya nga lamang na mayroong kakaibang kagamitan. Lumalabag sila sa mga batas ng Pilipinas sapagkat may mababang presyo kaysa sa halagang sinisingil ng telecommunications companies, walang prangkisa mula sa kongreso at walang permit mula sa National Telecommunications Commission.

Wala umanong papeles na naipakita ang mga nadakip. Maaaring mayroong anggulo ang usapin na "economic sabotage" sapagkat may illegal operations ng VOIPs sa NTC regional office sa San Fernando, La Union laban sa isang nagngangalang Jackson Lim Chan, na umaako ng pag-aari ng mga kagamitang nasamsam.

Tiniyak ni Director Yabe sang paggalang sa "due process." Hindi nila mapupwersa si Ginoong Chan na humarap sa imbestigasyon ng NTC na maaaring maging dahilan ng pormal na usapin laban sa umaakong may-ari ng kagamitan.

Sinabi ni Atty. Wyndel P. Albano, Legal Officer ng NTC Regional Office No. 1 na hindi basta makakapasok ang mga VOIP equipment na walang pahintulot mula sa pamahalaan tulad ng NTC. Tinitingnan din ang posibilidad na may smugglers na kasapakat ang grupo sa Vigan na may kinalaman sa pagpapasok ng VOIP equipment. Malaki ang posibilidad na may nawalang revenue mula sa telco operators mula sa Pilipinas, dagdag naman ni Director Yabes.

Sa panig ni Supt. Taclas, maayos ang naging pagtrato sa mga Taiwanes at Tsino samantalang isinasagawa ang paghahalughog sa kanilang tinitirhang resort. Dinala na rin nila sa Bureau of Immigration and Deportation sa Laoag City ang mga banyaga. Matapos magpahayag ang mga taga-Bureau of Immigration and Deportation na legal ang paninirahan ng mga Tsino at Taiwanes sa Pilipinas, ipinangalaga na sa kanilang abogado, isang Atty. Mervel Tolentino ang custody sa mga dinakip.

Idinagdag pa ni Director Yabes na ito ang kauna-unahang insidente sa kanyang paglilingkod sa National Telecommunications Commission sa nakalipas na 30 taon.

Pamahalaan ng Pilipinas, nakiramay sa mga biktima ng buhawi sa Estados Unidos

NAKIKIISA ang mga Pilipino sa mga biktima ng mapaminsalang buhawi sa Oklahoma City at mga kalapit pook nito. Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ipinararating ng pamahalaan at ng mga mamamayan ng Pilipinas ang pakikiramay sa libu-libong apektado ng kalamidad, kabilang ang mga bumubuo sa Filipino-American community, na nahaharap sa matinding hamon ng pagbuo ng bagong buhay at tahanan.

PILIPINAS, NAKIRAMAY SA MGA BIKTIMA NG BUHAWI SA ESTADOS UNIDOS.  Ipinarating ni Deputy Presidential Spokesperson Atty. Abigail Valte ang pakikiramay ng Pamahalaan ng Pilipinas at ng mga mamamayan sa naging biktima ng mapaminsalang buhawi sa Oklahoma City at mga kalapit pook.  (File photo ni Melo Acuna)

Ikinalulungkot din ng mga Pilipino ang pagkasawi ng mga kabataan na karamiha'y nasawi sa loob ng isang paaralan na kanilang pinagkublihan.

Nakikiisa ang Pilipinas at mga Pilipino sa pandaigdigang komunidad sa mga biktima ng matinding trahedya, dagdag pa ni Atty. Valte.

Pamahalaan naglabas ng P 42 milyon para sa ARMM

NAGPALABAS na ang Department of Budget and Management ng may P 42 milyon na kinabibilangan ng P 29 milyon upang suprotahan ang operational requirements ng Bangsamoro Transition Commission kasabay ng palatuntunan ni Pangulong Aquino na madaliin ang socio-economic reform sa Autonomous Region in Muslim Mindanao sa pamamagitan ng pagbuo ng Bangsamoro Basic Law.

Sinabi ni Budget and Management Secretary Florencio "Butch" Abad na ang paglalabas ng salapi ay upang matustusan ang pangangailangan ng Transition Commission. Ang administrasyon ay nagpakilos na ng kailangang resources upang maitatag ang komisyon at matiyak ang tagumpay sa pagbuo ng Bangsamoro Basic law. Mahala ang magiging papel ng Transition Commission sa pagsusulong ng mapayapang pag-uusap sa pagitan ng pamahalaan at ng Bangsamoro, paliwanag pa ni G. Abad.

Arsobispo Palma: Maraming gagawin ang mga nagwagi sa halalan

HINDI napag-usapan ang nakalipas na halalan sa kanilang katatapos na Permanent Council meeting noong Lunes. Maraming pagtingin kong nagkaroon ng "Catholic vote" noong nakalipas na linggo.

Iniiwasan ng CBCP ang pangalang Catholic Vote sapagkat ang kanilang pagkakasangkot sa halalan bilang mga obispo ay ang pagiging non-partisan. Sa nakalipas na halalan sa Cebu, nagkaroon ng Lay Initiatives For Election o LIFE. Nagkaroon ng impact sa mga botante ang pagsusuri at pagmumuni-muni sa kakayahan ng mga taong nababagay sa kanilang mga posisyong kinatatayuan partikular sa isyung may kinalaman sa buhay.

Mahalaga ang pagtingin sa buhay at mga isyung bumabalot sa lipunan.

Mungkahi ni Arsobispo Palma na bigyang prayoridad ng mga nagwagi ang mga naganap sa nakalipas na halalan sapagkat mayroong mga reklamo kahit pa kakaunti ang kaguluhan sa nakalipas na halalan noong Mayo 13. Dapat umanong maikintal sa isipan ang kahalagahan ng mga paninindigan ng mga kandidato sa halip na pamamagitan ng salapi. Nararapat maging maliwanag ang mga programang ipatutupad para sa mga mamamayan. Nararapat ding itanong sa madla kung ano rin ang magiging responsibilidad nila sa lipunan.

Kailangan din ang suporta ng pamahalaan para sa Edukasyon sapagkat malaking gastos na rin ang pag-papaaral ng mga anak. Kailangan ding tingnan ang mga paraan upang maiwasan ang pagkawala ng buhay at mga ari-arian sa mga pook na madalas daanan ng bagyo. Kailangang magkaroon ng palatuntunan upang maiwasan ang matinding dagok ng mga trahedya sa buhay at mga ari-arian. Kailangan ding suriin ang uri ng kaunlarang magaganap at kung ano ang magiging kapalit nito mula sa lipunang Pilipino.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>