Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Tsina, nangungunang supplier ng imported goods

(GMT+08:00) 2013-05-24 18:37:55       CRI

Tsina, nangungunang supplier ng imported goods

IBINALITA ng National Economic and Development Authority na ang pag-angkat ng raw materials at intermediate goods ang siyang nagpagaan ng pagbaba ng merchandise imports noong nakalipas na buwan ng Marso, 2013.

Sinabi ni Kalihim Arsenio M. Balisacan, ang Socioeconomic Planning Secretary na ang mas magandang consumer at business confidence ang nag-angat ng overseas purchases ng raw materials at intermediate goods, consumer goods at capital goods noong Marso.

Lumiit ang merchandise imports noong Marso at umabot sa $ 4.9 bilyon at mas mababa ng 8.4% mula sa $ 5.4 bilyon noong Marso 2012.

Ang imports ng raw materials at intermediate goods ay tumaas at umabot sa $ 1.9 bilyon noong Marso 2013 dahilan sa mas mataas na kabayaran sa unprocessed (7.9%) and semi-processed raw imports (0.6%).

Ang Tsina pa rin ang top supplier ng imported goods at may 11.5% na bahagi sa total value ng inward shipments noong Marso 2013. Pangalawa ang United States of America na may 11.1%, Taiwan na nagkaroon ng 10%, Japan, 9.6% at Republic of Korea na may 8.5%.

Militar: MILF at MNLF, nagkasundo na

LUMAGDA na sa isang peace agreement ang Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front sa Matalam, North Cotabato kasunod ng serye ng mga sagupaan noong unang linggo ng Mayo. Mayroong higit sa 7,000 katao ang nagsilikas.

Ayon kay Colonel Dickson Hermoso, tagapagsalita ng 6th Division ng Philippine Army sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, nagkasundo ang magkabilang-panig na tumigil na sa pakikipaglaban sa isa't isa.

Makakabalik na rin sa kanilang mga tahanan ang sibilyan sa pinakamadaling panahon.

Ayon pa rin kay Hermoso na nagmula ang sagupaan noong ika-lima ng Mayo sa pagitan ng dalawang grupo. Pinagbawalan umano ng mga MNLF na pumasok sa isang barangay ang MILF na magsasagawa ng palatuntunan tungkol sa Bangsamoro Framework.

Kampanya laban sa korupsyon, tamang hakbang sabi ng Makati Business Club

MABISA ang kampanya ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III laban sa korupsyon upang maglagak ng kapital ang tamang uri ng mga mangangalakal at madadali ang kaunlaran na siyang magbabalik ng pagtitiwala sa sarili at dangal ng mga Pilipino.

Sa isang pahayag na inilabas sa mga banyagang mamamahayag, ikinalungkot ng Makati Business Club ang malawakang smuggling na nananatiling malaking problema ng pamahalaan at dagok sa local manufacturers at traders. Ayon umano sa pagtataya mismo ng pamahalaan ay nawawalan ito ng halagang mula iyan sa P 30 hanggang P 150 bilyong piso ngayong 2013.

Ang salaping ito ay makagagawa na ng mas maraming pagamutan, lansangan, paaralan at makakabayad na ng sahod ng mga guro at maging pambili ng aklat sampu ng iba pang social services..

Hindi kailanman magaganap ang smuggling kung walang makikipagsabwatan sa opisyal o pinuno ng pamahalaan. Sa lahat ng indikasyon, kung saan may smuggling, tiyak na may korupsyon.

Kapuri-puri ang pinakahuling ginawa ng pamahalaan upang mapigil ang korupsyon at ito ay ang pagsasamam sa ipunuslit na bigas, pagsalakay sa mga nagbibenta ng smuggled goods, pagpapaabot ng usapin laban sa smugglers at mga protector sa pamahalaan at ang pagpapatupad ng institutional reforms tulad ng mga regulasyon pipigil o susugpo sa smuggling ng mga produkto ng langis.

Ang lahat ng pagtatangkang masugpo ang smuggling ay nahahadlangan ng mga Temporary Restraining Orders, injunctions, motions for reconsideration, inhibitions, postponements at extensions ng walang legal o factual basis. Ang mga ito ang sumasagka sa pagkakaroon ng mas magandang katayuan ang Pilipinas, dagdag pa ng Makati Business Club.

Simbahan sa Nueva Segovia, abala sa problemang dulot ng black sand mining

NAKAPIPINSALA ANG BLACK SAND MINING.  Ayon kay Sr. Lilian Carranza, OSB, Social Action Directress ng Nueva Segovia, kahit na may permiso mula sa pamahalaan ang mga nagmimina, lumalabag naman sila sa tamang sukat na ibinigay sa mga nagmimina.  Dinadala ang black sand sa Currimao, Ilocos Norte at sinasabing dinadala ng mga barko sa Taiwan.

ISANG malaking problema para sa Simbahan ng Nueva Segovia ang patuloy na pagmimina ng "black sand" sa mga baybay-dagat sa Ilocos Sur. Ayon kay Sr. Lilian Carranza, OSB, directress ng Social Action Center, lubhang napipinsala na ang mga sakahan sa pagpasok ng tubig mula sa karagatan.

Nagkaroon na ng mga pagmimina sa mga bayan ng San Sebastian, San Vicente at Santa Catalina at maging sa Caoayan.

Nakalulungkot, ani Sr. Lilian na ang mga pagmiminang ito ay may kaukulang papeles mula sa pamahalaan. Ang problema ay nalalampasan pa nila ang itinadhana sa kanilang mga pahintulot mula sa pamahalaan.

Idinagdag pa ng Social Action directress na dumalaw siya sa isang barangay noong kasagsagan ng bagko at nakita niya ang pagpasok ng tubig-dagat sa mga gulayan. Malayo na ang barangay sa karagatan subalit napasok pa rin ng tubig mula sa karagatan. Anim na barangay sa Sta. Catalina ang apektado na ng black sand mining.

Nakatanggap na umano ng pagbabanta ang tatlong paring nakadestino sa mga pook na mayroong black sand mining.

Liliham na rin siya sa provincial director ng Philippine National Police upang hingan ng tulong na magdokumento ng mga truck na lumalabas ng iba't ibang bayan patungo sa Currimao, Ilocos Norte. Ininalulungkot kasi ni Sr. Lilian na tuloy ang pagmimina kahit pa mayroong Cease and Desist Order mula sa DENR sa San Fernando La Union.

Special Feature

Maglakbay Tayo Patungong Vigan!

 

Ito ang Cordillera Inn sa Crisologo St. sa Vigan, Ilocos Sur.  Deklarado ng UNESCO bilang Heritage Site.  Dinudumog ng mga banyaga at mga Pilipinong turista ang magandang pook na ito.

HOTEL NA ITINAYO PARA SA MGA KASAPI NG DIPLOMATIC CORPS.  Ito ang kwento ni Gng. Carmeling P. Crisologo, ngayo'y 89 na taong gulang na.  Mas makakapagtipid ang mga turista kung sa Ilocos Region sila dadalaw.  Maraming makikitang magagandang pook at mga lugar na naging bahagi ng Kasaysayan.MAY 

MARAMING pook na madadalaw sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas. Tanyag ang Boracay dahilan sa karagatan at mala-rosas at pinong buhangin. Ang Boracay ang isa sa kinikilalang tourist mecca sa Pilipinas.

Subalit ang paglalakbay patungong hilagang bahagi ng Pilipinas ay mayroon ding magagandang tanawin at higit sa lahat, malaki ang pagkakaiba ng halaga ng hotel at pagkain.

Sa isang panayam kay dating Ilocos Sur Governor Carmeling P. Crisologo, sinabi niyang isang magandang pook na nararapat dalawin ay ang Lungsod ng Vigan. Ang dating politiko at maybahay ng dating gobernador ng Ilocos Sur na napaslang na Gobernador Floro Crisologo ang siyang nangangasiwa sa 25-silid na Cordillera Inn na nasa puso ng Crisologo Road sa "Heritage Area".

Naideklara na ng UNESCO ang Vigan bilang "best preserved Spanish colonial town" mga ilang taon na ang nakalilipas. Sabi ni Gng. Crisologo, higit na makakatipid ang maglalakbay patungong Vigan sa halip na magtungo sa ilang mga baybay-dagat sa Kabisayaan.

Hindi birong magdala ng pamilya sa Kabisayaan lalo't eroplano ang sasakyan. Sa Vigan, ani Gng. Crisologo, makapagdadala ng mga sasakyan at makikita ang ganda ng kapaligiran samantalang naglalakbay patungong Vigan.

Tanyag ang "Heritage Road", ang lansangang kilala sa pangalang Crisologo Street na kakikitaan ng mga sinaunang tahanan, gusali at uri ng lansangan. Makapag-iikot ang isang pamilya, sakay ng calesa sa halagang P 150.00 sa bawat oras.

Matagal umanong nakatiwangwang ang gusaling kinatatayuan ng Cordillera Inn sapagkat natupok ito ng apoy noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Itinayo nila ang hotel sapagkat dumami ang mga dumadalaw na mula sa diplomatic corps na naghahanap nang ibang matitirhan maliban sa kaisa-isang hotel sa bayan ng Vigan.

Tuwing umaga, dinadalaw si Gng. Crisologo ng mga nagtitinda ng gulay na nakalagay sa kanilang mga tradisyunal na bakol. Sabi niya, livelihood na rin ang kanyang naibibigay sa kanyang mga suking maggugulay at sa kanyang mga kawani. Maliit man ang hotel, may nakikinabang din.

Iminungkahi din ni Gng. Crisologo na tikman ng mga dumadalaw sa Vigan ang mga pagkaing Ilocano na karamiha'y gulay. Aniya, wala pa mang shabu-shabu sa Pilipinas ay mayroon nang mga gulay na niluluto ang mga Ilocano.

Bakit nga ba kinatutuwaan ni Gng. Crisologo ang pagpapatakbo ng kanyang standard hotel na karaniwang katatagpuan ng mga banyagang turista? Ayon sa 89-taong gulang na abala sa pagiging Red Cross volunteer at patron, Girl Scouts of the Philippines leader at isa sa moving spirits ng Mother Butler Mission sa Arkediyosesis ng Nueva Segovia, sa Intramuros sila isinilang at doon na rin siya lumaki hanggang sa nakatapos ng kanyang pag-aaral sa St. Scholastica's College.

Idinagdag pa niyang kinagigiliwan na niya ang kapaligiran ng Vigan na naging bahagi ng Kasaysayan. May pahabol pa si Gng. Crisologo: hindi siya magtataas ng singil sapagkat nakalaan ang Cordillera Inn sa mga budget-conscious tourists maging mga Pilipino man o mga banyaga.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>