Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pagsisiyasat ng NBI sa Taiwan, nagsimula na; Mga Taiwanes ng imbestigador, dumalaw sa Philippine Coast Guard

(GMT+08:00) 2013-05-28 19:08:10       CRI

Pagsisiyasat ng NBI sa Taiwan, nagsimula na; Mga Taiwanes ng imbestigador, dumalaw sa Philippine Coast Guard

MULA sa Lungsod ng Pintung, ang walo kataong koponan mula sa National Bureau of Investigation ang nagtanong sa tatlong mangingisdang mula Taiwan na nakasaksi kung paano pinaputukan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang kanilang bangkang pangisda. Ikinasawi ng isa nilang kasama ang pagpapaputok na ito sa Balintang Channel sa hilagang bahagi ng Pilipinas noong ika-siyam ng Mayo.

Ayon sa mga balitang lumabas sa Kamaynilaan, pinangasiwaan ni Pintung County Chief Prosecutor Choi Long Long ang pagtatanong.

Ayon sa nakasaksi sa pagdinig, ang koponan ay nakaupo ng nakaharap kay chief prosecutor Choi, na nakaupo sa isang mataas na bahagi ng silid, tulad ng mga hukom. Na sa gitna ng silid ang pamilya ng biktima. Naroon din ang mga taga-usig na Taiwanese at ang mga abogado ng mga mangingisda.

Nagsimula ang pagtatanong ganap na ikalawa ng hapon subalit walang sinabi kung hanggang kalian magpapatuloy ang imbestigasyon.

Samantala, dumalaw sa Punong Tanggapan ng Philippine Coast Guard ang sampu hanggang labing-dalawang imbestigador mula sa Taiwan kaninang umaga.

Ayon kay Lt. Cmdr. Armando Balilo, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard, sinuri ng koponan ang sasakyang dagat ng Pilipinas na nasangkot sa insidente sa Balintang Channel noong ika-siyam ng Mayo.

Nagtagal ng isa't kalahating oras ang koponan sa tanggapan ng Philippine Coast Guard. Walang anumang itinanong o hiniling mula sa mga opisyal ng PCG ang mga imbestigador.

American Chamber of Commerce, nababahala sa smuggling at pagkabalam ng paglilitis

NABABAHALA ang impluwensiyal na American Chamber of Commerce of the Philippines sa malawakang smuggling na nagaganap sa bansa at sa pagpapataw ng Court of Appeals ng restraining order sa Kagawaran ng Katarungan noong ika-siyam ng Mayo na magtatagal ng 60 araw upang hindi muna matuloy ang paglilitis sa pangulo at chief executive officer ng Phoenix Petroleum Philippines at sa customs broker nito at iba pang mga mamamayan.

Sinabi ni Rhicke Jennings, pangulo ng AMCHAM sa isang pahayag na inilabas ngayon na marapat lamang na ipagsakdal ang mga smuggler sa pinakamadaling panahon sapagkat maituturing na pandarambong sa pamahalaan na nararapat masugpo sa pinakamadaling panahon.

Ang Bureau of Customs ang isa sa sinasabing pinaka-masamang tanggapan sa pamahalaan sa nakalipas na ilang dekada. Sa pinakahuling pagsusuri ng Social Weather Stations, ang Customs ang mayroong net satisfaction rating na -45% noong 2012.

Nararapat ding isabay sa kampanya ang paglilitis at pagpaparusa sa mga malalaking smuggler na kabakas na mga tiwaling tauhan ng Bureau of Customs. Sa ilalim ng Run After the Smugglers (RATS) campaign ng Kagawaran ng Pananalapi, ilang mga usapin na ang naiparating laban sa mga negosyanteng hindi nagbabayad ng sapat na Value Added Tax (VAT) at mga bayarin sa mga inaangkat. Nararapat lamang kumilos ang Kagawaran ng Katarungan at ang judicial system upang masiyasat ang lahat ng mga usaping ito at kumilos upang litisin ang mga sinasabing lumalabag sa batas.

Sinabi ng AMCHAM na ang kita ng pamahalaang hindi natatanggap dahilan sa smuggling ay masusukat sa mga silid-aralan at mga health clinics na hindi naitatayo, mga lansangang hindi naaayos at ang nalilimutang physical at social infrastructure.

Inihalimbawa nila ang mabagal na pagkilos ng gulong ng katarungan kaya't halos natunaw ang automotive industry sapagkat ang pagpapatupad ng executive order na nagbabawal sa importasyon ng mga pinaglumaang mga sasakyan ay napigil ng isang regional trial court sa Olongapo City. Sinangayunan pa ito ng Court of Appeals hanggang sa nagwagi ang pamahalaan noong Oktubre ng 2007 sa pagtanggi ng Korte Suprema sa motion for reconsideration ng mga importer. Sa kabagalang ito, higit sa 150,000 mga pinaglumaang mga sasakyan mula sa Japan at Korea ang naangkat. Sa halip na magkaroon ng maayos na domestic auto industry tulad ng Thailand at Indonesia, sumunod ang Pilipinas sa mga pamamalakad na puminsala sa may-uring trabaho para sa mga Pilipino.

Ambassador Basilio, kinapanayam ng China Net

ISANG serye ng mga panayam sa mga ambassador at senior diplomats sa Beijing ang ginawa ng China Economic Net bilang paghahanda sa pagdiriwang ng ika-sampung anibersaryo ng CHINA-ASEAN Strategic Partnership. Ito ay sa pakikipagtulungan sa China-ASEAN Business Council na naglalayong maging tagapagsulong ng kalakal at investment cooperation sa pag-itan ng China at mga bansang kasapi sa Association of Southeast Asian Nations.

Ayon kay Bb. Li Hongmei, executive deputy director ng International News Division ng China Economic Net, kinapanayam nila si Philippine Ambassador to Beijing Erlinda F. Basilio sa Embahada ng Pilipinas mismo.

Pinag-usapan nila ang kalagayan ng relasyong namamagitan sa Pilipinas at Tsina, business at investment opportunities sa Pilipinas at potensyal ng kalakalan sa iba't ibang sektor. Binigyang pansin din ang ASEAN-China Free Trade Area upang higit na lumas ang economic relations sa pag-itan ng Pilipinas at Tsina.

Ani Ambassador Basilio, mahalaga ang pagpapayabong ng magandang relasyon sa larangan ng ekonomiya, turismo, kultura at people to people exchanges.

CBCP – NASSA, duda sa halalang naganap

ISANG pangungutya sa Kalayaan ang naganap noong nakalipas na halalan. Ito ang pahayag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-National Secretariat of Social Action, Justice and Peace na ipinalabas ngayon.

Ang mga balitang malawakang pamimili ng boto, hindi pagkakaboto ng mga mamamayan, kapalpakan ng precinct count optical scan (PCOS) machines, ang mga siyang Compact Flash (CF) cards, sobrang bagal na transmission at hindi pagtalima sa mga batas na may kinalaman sa halalan ng Commission on Elections. Nararapat sanang ipagtanggol ng Comelec ang lahat ng ito subalit naging dahilan pa ito ng pagdududa ng mga mamamayan.

Ang pagtanggi ng Comelec na payagan ang mga interesadong lupon na suriin ang source code at ang hindi paglalagay ng kaukulang safeguards sa mga PCOS machine tulad ng isinasaad sa batas at random manual audit ang siyang nagpalago sa pagdududa ng mga mamamayan sa halalan.

Hindi umano maunawaan ng CBCP NASSA kung bakit isinakripisyo ng Comelec ang katotohanan sa ngalan ng bilis sapagkat ang lahat ng mga transaksyon at desisiyon ng Comelec ay lubhang napakabilis tulad ng bidding at pagbili ng PCOS machines. Hindi naman nakita ang ganitong bilis sa mga mungkahi at rekomendasyon ng mga election advocates at watchdogs.

Kaduda-duda ang proklamasyon ng 12 nagwaging senador nang walang legal at factual basis. Ipinagtataka rin nila ang patingi-tinging proklamasyon ng mga sinasabing nagwaging senador. Ipinagtatanong din nila kung totoo ba ang 8-3-1 conspiracy.

Nanawagan sila sa civil society groups na papanagutin ang Commission on Elections sa pamamagitan ng pagsisiyasat. Nararapat lamang papanagutin ang Comelec sa kanilang mga ginawa at hindi ginawa, dagdag pa ng CBCP-NASSA.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>