|
||||||||
|
||
KAKAIBA ang kilos ng bangkang pangisda ng Taiwan noong nakalipas na Huwebes, ika-siyam ng Mayo sa Balintang Channel. Magugunitang isang mangingisdang Taiwanes ang nasawi ng magpaputok ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Sa idinaos na forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines kaninang umaga, sinabi ni Kalihim Joseph Emilio Aguinaldo Abaya karaniwang pumapayag ang mga Taiwanes na mangingisda na sumakay ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard upang magsagawa ng inspeksyon at magsuri ng mga kagamitan at papeles ng mga tripulante. Sa inisyal na ulat ng Philippine Coast Guard, lumalabas na tumanggi ang mga Taiwanes na sumakay at mag-inspeksyon ang mga magdaragat na Pilipino.
Dumating umano sa punto na sasakay ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa mas malaking bangkang pangisda na biglang magmane-obra ang isang mas maliit na sasakyang pangisda at doon na naganap ang pagpapaputok ng baril ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard upang pigilan ang mas maliit na sasakyang pangisda na banggain ang kanilang sasakyan.
Autorisado umano ang Philippine Coast Guard na magpakilala sa mga sasakyan-dagat na papasok sa nasasakupan ng Pilipinas.
Ani Kalihim Abaya, mayroong autorisadong rules of engagement. Mayroon umanong mga larawan at pelikulang aabot sa isa't kalahating oras na magpapatunay na kinailangang magpaputok bilang babala ng mga tauhan ng Coast Guard.
Binanggit din niya na walang pang dileanation sa pag-itan ng Taiwan at Pilipinas. Wala umanong bandilang iwinawagayway ang mas malaking barkong pangisda. Pinagtangkaan din ng Philippine Coast Guard na makipag-ugnayan sa mas malaking barko subalit hindi sila sinasagot. Mayroon umanong ikatlong kulay abuhing barko na hanggang ngayo'y hindi makilala.
Hindi masabi ni Kalihim Abaya kung dumaraan lamang ang mga sasakyang pangisda o talagang nangingisda sa nasasakupan ng Pilipinas.
Samantala, ibinalita rin ni Kalihim Abaya na mayroong sampung 40-meter boats mula sa Japan sa ilalim ng Japan International Cooperation Agency na magagamit ang Philippine Coast Guard. Maglalagdaan pa lamang sa kasunduan. Ang naunang kasunduan ng Pilipinas sa Francia para sa pagtatayo ng mga roll on-roll off ports ay pinalitan na ng apat na mga barkong ihahatid sa Pilipinas mula sa taong 2015. May isang barkong may habang 82-metro ang magmumula rin sa Francia na maaaring makarating sa Pilipinas sa taong 2016. Ito ang magiging pinakamalaking barko ng Philippine Coast Guard.
Kabilang sa mga dumalo sa FoCAP Forum sa Mandarin Oriental Hotel ay si Wang Huayu na kilala sa pangalang Ernest ng China Radio International-Filipino Service.
Estados Unidos, nagbabala sa mga maglalakbay sa Pilipinas
NAGPA-ALAALA ang US state department sa mga Amerikanong naglalakbay sa Pilipinas lalo na ang mga magtutungo sa Zamboanga Peninsula.
Ibinalita ng Embahada ng Estados Unidos sa Maynila sa kanilang mga kababayan na mayroong binabalak ang mga terorista na magsagawa ng kidnap-for-ransom activities laban sa mga banyagang na sa Zamboanga area sa Mindanao.
Pinayuhan ang mga Amerikano na naninirahan o nagbabalak maglakbay sa Zamboanga na suriin ang kanilang kalagayan at pag-aralang huwag na munang ituloy ang kanilang paglalakbay. Ito ang buod ng pahayag na may petsang ika-29 ng Mayo ng taong ito.
Pinayuhan ang lahat ng mga tauhan ng America na nasa Zamboanga na magtungo sa isang secure area. Ang paalalang ito ay may bisa hanggang sa ika-12 ng Hunyo ng 2013. Maging mapagbantay at makinig sa mga nagbabalita para sa kaukulang updates, dagdag pa ng Embahada ng America sa Maynila.
Arkediyosesis ng Cotabato, naghahanda para sa National Consecration to the Immaculate Heart of Mary
MASIGASIG na naghahanda ang Arkedisyosesis ng Cotabato para sa pambansang pagdiriwang ng National Consecration to the Immaculate Heart of Mary sa darating na ika-walo ng Hunyo.
Isang sirkular ang inilabas ni Arsobispo Orlando B. Quevedo, OMI kamakailan at ipinaliwanag ang kahalagahan ng pagdiriwang kasabay ng Year of Faith. Inatasan niya ang mga pari at mga relihiyoso ng arkediyosesis na paghandaang mabuti ang pagdiriwang. Mayroon ding panawagan sa mga kapisanan-banal lalo na ang may debosyon sa Mahal na Ina.
Samantala, ipinaliwanag din ni Auxiliary Bishop Jose Colin M. Bagaforo na ang pinakabuod ng pagdiriwang ay sa Immaculate Conception Cathedral na dadaluhan ng mga delegasyon mula sa iba't ibang mga parokya. Lalahok din ang mga mula sa Tacurong at Midsayap.
Isang nobena ang gagawin mula bukas hanggang sa ika-pito ng Hunyo at magkakaroon din ng prusisyon bago maganap ang pagdiriwang sa ika-walo ng Hunyo sa ganap na ika-sampu ng umaga sa buong bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |