|
||||||||
|
||
gnm20130602
|
June 2, 2013 (Sunday)
Magandang-magandang gabi at welcome sa Gabi ng Musika atbp.
Sabi ni Buddy Boy Basilio ng M/V Aldavaran Singapore, hindi raw niya narinig noong basahin ko iyong sulat niya, kaya babasahin ko uli for the second time.
Sabi ng sulat:
Lutuing Tsino, Gusto ng Karamihan sa mga Pilipino
"Alam niyo, mga kaibigan, hindi ako mahilig magluto dahil allergic ang ilong ko sa amoy ng nilulutong pagkain, pero nagpapasalamat ako sa inyong programang 'Cooking Show' kasi magmula nang makapakinig dito ang misis ko, nabawasan ang kaniyang pag-sho-shopping dahil naloka sa pagluluto at nagsisimula ngayong gumawa ng koleksiyon ng recipes ng Chinese food. Maraming salamat sa inyong lahat at happy cooking."
Salamat, Pareng Buddy. Wala na akong utang, ha?
Tunghayan natin ang ilang piling mensahe.
Sabi ni Connie Raymundo ng Yishun Ring Road, Singapore: "Tatlo ang wishes ko: pagkakaisa ng mga pulitikong Pilipino for a better Philippines; ang pagpapatuloy ng pagtatag ng Tsina bilang vanguard ng Asia; at equal distribution ng resources ng mundo at kapayapaan sa mundo."
Sabi naman ni Lourdes Nartates ng Bigornia Drive, Singapore: "Malayo na ang narating ng Filipino Service at malayo pa ang mararating. Sana manatiling malakas ang inyong mga pangangatawan para lalo ninyo kaming mabigyan ng magagandang programa na gaya ng lagi ninyong ibino-broadcast."
Sabi naman ni Natalie Baylon ng Carlson Mansion, King's Road, Hong Kong: "Sana dumalas ang pagtuturo ninyo ng pagluluto ng Chinese food sa taong ito. Natutuwa kaming pag-aralan kung paano ninyo iniluluto at inihahanda ang inyong pagkain. Nalalaman din namin mula sa inyo ang nutritional value ng mga putaheng natututuhan naming lutuin."
Maraming-maraming salamat sa inyong mga mensahe.
WONDERFUL TONIGHT
(ERIC CLAPTON)
Narinig ninyo si Eric Clapton sa kanyang awiting "Wonderful Tonight," na lifted sa album na may pamagat na "Eric Clapton Live in Hyde Park."
Kayo ay nakikinig sa himpilang China Radio International at sa programang Gabi ng Musika atbp. ng Serbisyo Filipino. Ito si Ramon Jr., ang inyong loving, ever loving DJ.
TAWA NA
Tunghayan naman natin ang e-mail ni Josie Campos ng Kalibo, Aklan. Sabi ng kanyang sulat:
Kawanggawa Huwag nang Isapubliko
Dear Kuya Ramon,
Gusto ko lang magbigay ng comment hinggil sa paksa ninyong media hype na kawanggawa.
Alam naman ng mga tao kung ang pagbibigay-tulong sa kapuwa ay isang palabas lang. Hindi nila maloloko ang mga tao lalo na sa ngayon. Para sa akin, dapat tigilan na nila ito dahil walang naniniwala sa kanila at nag-aaksaya lang sila ng oras. Hindi kailangang i-televize o idiyaryo ang pagtulong sa kapuwa.
Pasensiya ka na Kuya Ramon ngayon lang ako nakasulat. Hayaan mo, pagka- natapos ang problema ko susulat uli ako nang mahaba na katulad ng dati.
Kumusta na lang sa lahat ng mga paborito kong announcers niyo.
God bless.
Josie Campos
Kalibo, Aklan
Philippines
Salamat, Josie. Matagal ka ngang nawala sa sirkulasyon, ah. Ano ba ang problema mo? Baka naman may maitutulong kami rito. I-text mo lang ako, okay? Sige, God bless you rin, Josie.
Ngayon, bigyang-daan naman natin ang tinig ng ating reporter sa Maynila. Super DJ Happy, pasok!
Salamat, Super DJ!
PARADISE
(JOLIN TSAI)
Jolin Tsai sa kanyang awiting "Paradise," na buhat sa album na "You Can Listen and Sing with Us."
Tunghayan naman natin ang ilang mensahe.
Sabi ng 919 012 0792: "Sa pakikinig ko sa inyong mga balita, lalo na kung hinggil sa China, nakakasiguro ako na ang mga facts ay tama kaya happy newscasting sa inyo."
Sabi naman ng 910 435 0941: "Sana, pagkaraan ng imbestigasyon sa naganap na pamamaril ng Philippine Coast Guard sa barkong pangisda ng Taiwan, lumitaw na ang lahat ng katotohanan at magkasundo na muli ang dalawang panig."
Araw ng Pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas
Sabi naman ng 928 415 6462: "Malapit na tayong magdiwang ng Araw ng Pagsasarili at Araw ng Pagkakaibigan ng Pilipinas at Tsina. Sana matuldukan na, once and for all, ang pagtatalo ng dalawang bansa dahil sa territorial issue."
Maraming-maraming salamat sa inyong mga mensaheng SMS.
At diyan sa puntong iyan nagtatapos ang edition sa araw na ito ng Gabi ng Musika atbp.
Para sa inyong mga reaction na may kinalaman sa programang ito o sa alinman sa mga programa ng Serbisyo Filipino, ang aming website ay filipino.cri.cn; ang e-mail, filipino_section @yahoo.com; ang facebook, crifilipinoservice@gmail.com; at ang telephone number (Buddy Smart) 0921 257 2397.
Itong muli si Ramon Jr. Maraming-maraming salamat sa inyong walang- sawang pakikinig. God bless.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |