Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

May mananagot sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard

(GMT+08:00) 2013-06-13 18:27:12       CRI

May mananagot sa mga tauhan ng Philippine Coast Guard

KUMPIRMADO NI KALIHIM LEILA DE LIMA NA MAY REKOMENDASYON ANG NBI.  May rekomendasyon na ang National Bureau of Investigation na papanagutin ang ilang tauhan ng Philippine Coast Guard sa pagkasawi ng isang mangingisdang Taiwanes noong isang buwan.  (File photo ni Melo Acuna)

KALIHIM DE LIMA, NAGHIHINTAY NG KAUTUSAN NI PANGULONG AQUINO. Naghihintay na lamang si Kalihim de Lima ng instructions mula kay Pangulong Aquino kung ipagsusumbong na at lilitisin ang ilang mga tauhan ng Philippine Coast Guard.  Si Kalihim de Lima ay nasa Madrid, Spain ngayon.  Nasa larawan siya kasama ni Kuya Ramon ng CRI sa isang file photo kasama ang isang Chinese scholar na si Della mula sa Beijing. (Melo Acuna)

NAKATITIYAK si Kalihim Leila de Lima ng Kagawaran ng Katarungan na mayroong tauhan ng Philippine Coast Guard na pananagutin sa malagim na pagkasawi ng isang Taiwanes ng mangingisda noong nakalipas na buwan.

Wala pa lamang clearance na natatanggap ang Kagawaran ng Katarungan mula sa Tanggapan ng Pangulo na litisin na ang mga tauhan ng PCG. May rekomendasyon nga ang National Bureau of Investigation na kasuhan ang ilang mga tauhan ng PCG na nasangkot sa pagpapaputok ng kanilang baril sa Balintang Channel.

Sa isang text message sa isang pahayagan sa Maynila, sinabi ni Kalihim de Lima na kumpirmadong mayroong rekomendasyong isuplong ang mga sangkot sa pamamaril. Bukod sa kasong criminal ay magkakaroon pa sila ng kasong administratibo.

Walang anumang pressure o impluwensya mula sa Taiwan ang kinalabasan ng rekomendasyon ng NBI, dagdag pa ni Kalihim de Lima. Umaasa siyang magtutugma ang findings ng magkabilang panig sa kanilang pagsisiyasat.

Natanggap na umano ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang report. Nasa Madrid, Spain si Kalihim De Lima ng makabalitaan ng mga mamamahayag sa Maynila. Dumadalo siya sa 5th World Congress Against the Death Penalty.

P 4.5 bilyon, inilaan sa Kagawaran ng Edukasyon

NAGLABAS ang Department of Budget and Management ng P 4.5 bilyon para sa Kagawaran ng Edukasyon upang mapanatiling maayos ang mga silid-aralan at makapagtayo ng mga palikuran. Ito ay nauugma sa layunin ng pamahalaang mapataas ang antas ng public education sa buong bansa.

Ayon kay Kalihim Florencio Abad, ang pinakahuling release ay upang matustusan ang pag-aayos at rehabilitasyon ng mga silid-aralan kabilang na ang mga palikuran at tubig na maiinuman ng mga mag-aaaral. Ipinaliwanag pa niya na layunin nilang mapag-lapit ang pangangailangan at mga naibibigay ng pamahalaan sa public education.

Sa halagang P 4.5 bilyon, nagkakahalga ng P 1.1 bilyon ang para sa pagsasaayos ng mga silid-aralan samantalang ang P 3.4 bilyon ay para sa mga palikuran. Ito ay nagmula sa pondo ng DepEd na pinangalanang Requirement of Basic Education Facilities sa ilalim ng 2013 General Appropriations Act.

Ang Gitnang Luzon ay magkakaroon ng P 122 milyon, ang MIMAROPA ay mayroong P 117 milyon at ang Kanlurang Kabisayaan ay P 110 milyon para sa pag-aayos ng mga silid-aralan.

Ang P 3.4 bilyon ay para sa sanitation facilities sa Gitnang Luzon na mayroong P 417 milyon, Bicol Region na mayroong P 397 milyon at Kanlurang Kabisayaan na mayroong P 304 milyon

Bukod nga sa karagdagang kagamitang ilalaan para sa mga guro sa public schools, mayroon ding investments sa kalusugan at magandang kalagayan ng mga mag-aaral. Idinagdag pa ni Kalihim Abad na ng ligtas na tubig ay makakatulong sa pagpapanatili ng kalinisan at tiyak na makakaiwas sa anumang karamdaman.

Suportado pa rin ni Pangulong Aquino ang sektor ng edukasyon sa pagkakaroon ng 61,510 bagong position para sa mga magtuturo sa iba't ibang paaralan ng pamahalaan sa buong bansa.

Mas maraming trak ang nabili kaysa kotse

HIGIT na maraming trak, mga bus at light commercial vehicles ang binili ng mga Pilipino sa unang limang buwan ng 2013. Ayon sa Marketing Committee ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc., umabot sa 72,988 na mga unit, mas mataas ng 23% kaysa 59,174 units na nabili noong 2012. Kung ihahambing ang benta sa bawat buwan, lumago rin ng 11 % mula sa 14,262 noong Abril at nakarating sa 15,859 units noong buwan ng Mayo.

Ang mga trak at bus ay lumago ng 58% mula 493 units ay umabot sa 778 unit dahilan sa patuloy na pangangailangan ng mga construction companies at bilang tugon sa panawagan ng pamahalaan na magkaroon ng re-fleeting ng public utility vehicles.

Ang light commercial vehicles ay nagkaroon ng 29% increase mula sa 23,807 units noong 2012 at nakarating na sa 30,680 ngayong taong 2013.

Ang light commercial vehicles ay lumago rin mula sa 57% ay umabot na sa 63% ayon kay Atty.Rommel Gutierrez, pangulo ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc.

Idinagdag pa niya na ang kaunlaran sa ekonomiya ay nakita na sa pagtaas ng benta ng light commercial vehicles. Ang mga LCV ay bukod tanging sasakyang nagagamit ng pamilya at nagagamit na pangkalakal.

Ang mga kotse ay kinakitaan din ng increase sa benta ng may 35% mula sa 17,656 units sa unang limang buwan ng 2012 at narating na ang 23,904 units ngayong 2013. Higit itong lalago sapagkat maraming bagong modelo, mas maraming promo packages na may mababang interest rates.

Toyota pa rin ang nangunguna sa pagkakaroon ng 40%, Mitsubishi Motors na may 24%, Honda Cars Philippines na nagkaroon ng 8.4%. Pang-apat ang Ford Motor Philippines na may 6.9% at Isuzu Philippines na nagtamo ng 6.6%.

Enrollment sa mga paaralang Katoliko, bumababa

NAPUNA ng Catholic Educational Association of the Philippines na bumababa ang bilang ng mga nagpapatala sa mga paaralang kalat sa buong bansa. Matapos sumang-ayon ang Kagawaran ng Edukasyon at Commission on Higher Education na makapagtaas ng matrikula ang may 903 pribadong paaralan at 354 na dalubhasaan at pamantasan, patuloy nang nagreklamo ang mga magulang na hindi na nila kaya ang patrikula kaya't ililipat na lang sa mga paaralan ng pamahalaan ang kanilang mga supling.

Ipinaliwanag ni Fr. Gregorio Bañaga, CM at pangulo ng CEAP na kahit ang mga school administrators ay nagpapasan na rin ng mataas na presyo ng matrikula. Lalo umanong mahihirapan ang mga paaralan sa kanilang operasyon at pagpapatakbo sa patuloy na pagbaba ng mga mag-aaral.

Mayroong 1,450 mga kasaping paaralan, dalubhasaan at pamantasan ang Catholic Educational Association of the Philippines sa buong bansa.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>