|
||||||||
|
||
20130723mel
|
State of the Nation Address ni Pangulong Aquino, pinuri, pinuna
EFFIGY NI PANGULONG AQUINO, SINUNOG NG MGA MILITANTE. Halos naging tradisyon na ang pagsunog sa effigy ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III samantalang idinaraos ang kanyang "State of the Nation Address sa Batasang Pambansa. Nagkaroon din ng mga nasaktan sa pagsasagupa ng mga pulis at militanteng grupo sa labas ng Batasang Pambansa kahapon. (Mga larawan ni Roy Lagarde)
MAGKAKAIBA ang reaksyon ng iba't ibang grupo sa naganap na State of the Nation Address kahapon sa pinag-isang sesyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay na isang tapat na talumpati ang ginawa ni Pangulong Aquino kahapon. Hinarap umano ni G. Aquino ang lahat ng isyu at ibinalita ang mga napagwagian sa nakalipas na tatlong taon. Hindi mababago ang lahat sa madaliang paraan. Sumang-ayon siya kay Pangulong Aquino na ginawa na ang mga unang hakbang upang ituwid ang lahat para sa kabutihan ng mga mamamayan.
Bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council, natutuwa umano siya sa paglalaan ng disente, kayang-kaya at ligtas na pabahay sa mga tauhan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines. Ikinatuwa rin niya ang paalala sa lahat ng naglilingkod sa pamahalaan na manatiling tapat sa kanilang tungkulin.
Ayon sa IBON Foundation, sa halos dalawang oras na talumpati ng pangulo kahapon, walang binanggit tungkol sa interes ng nakararaming mga mamamayan. Ito umano ay nagpapakita lamang ng malaking agwat ni Pangulong Aquino sa napakaraming mga suliranin lalo na ng mahihirap.
Ang ipinagmamalaking kaunlaran sa ekonomiya at pagtaas ng rankings at investment grade ratings at papuri mula sa World Bank ay inaasahan na subalit walang binanggit kung paano malulutas ang kawalan ng hanapbuhay, kakulangan ng trabaho at kahirapan na lahat ay tumaas sa nakalipas na tatlong taon.
Kung inamin ang pagkakaroon ng suliranin, mas madali itong malulutas subalit hindi ito ang naganap. Para sa kanyang imahen lamang ang kanyang anti-corruption campaign kahit na hiniya niya ang ilang mga opisyal ng pamahalaan upang higit na paniwalaan ng madla.
Hindi rin binanggit ang FOI bill, Freedom of Information Bill. Sa sinabi ni Pangulong Aquino na "napakasarap maging Pilipino sa panahong ito," ay nangangahulugan ng kaunlaran ng iilan at kawalan ng kabatiran ng administrasyon sa kalagayan ng karamihan ng mga mamamayan.
Samantala, tatlong obispo naman ang nagsabing hindi nila narinig ang State of the Nation Address sapagkat nasa retreat sila na tumatagal ng isang linggo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |