|
||||||||
|
||
melo/20130917.m4a
|
NAGBAHAGINAN ng kanya-kanyang mga pananaw at paniniwala ang mga lumahok sa Sixth Senior Officials' Meeting at Ninth Joint Working Group meeting sa pagpapatupad ng Declaration of Conduct sa Suzhou, Jiangsu Province ng Tsina mula noong Sabado hanggang Linggo.
Ayon kay Ginoong Zhang Hua, Political Officer at Tagapagsalita ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas, nagpalitan ng mga pananaw ang mga lumahok upang maging matagumpay ang pagpapatupad ng DOC at mapayabong ang maritime cooperation. Nagsagawa rin ng mga konsultasyon sa Code of Conduct sa ilalim ng balangkas na magpapatupad ng DOC sa isang magandang paaran.
Idinagdag pa ni G. Zhang na ang lahat ng mga lumahok ay nagkasundong simulan at bumuo ng pagkakasunduan at palawakin ang consensus at maiwasan ang mga pagkakaiba ng mga pananaw at paniniwala sa ilalim ng prinsipyong "seeking gradual progress and consensus through consultatians," upang maisulong ang COC process samantalang ipinatutupad ang Declaration on the Conduct.
Nagkasundo rin ang mga lumahok na bigyan ng poder ang Joint Working Group na magkaroon ng detalyadong konsultasyon sa COC at nagkasundong bumuo ng lupon na magkakaroon ng konsultasyon sa pamamagitan ng mga dalubhasa. Mahalaga ang kahulugan ng katagang "konsultasyon" para sa lahat ng mga kasapi.
Chief of Police ng Zamboanga, dinukot ng MNLF
GINAGAMIT na human shield ng mga MNLF rebels si Sr. Supt. Jose Chiquito Malayo, ang Chief of Police ng Zamboanga ayon sa pinakahuling media reports mula sa lungsod.
May ilang hostages pa rin ang mga MNLF sa limang mga barangay sa tabing-dagat ng Zamboanga.
Ang impormasyon ay mula kay Sr. Supt. Edwin de Ocampo, logistics officer ng pulisya sa Kanlurang Mindanao.
Ayon kay de Ocampo, buhay pa si Malayo at nakausap pa niya sa pamamagitan ng radyo. Dinukot si Lamayo sa barangay ng Arena Blanco.
Sa pakikipanayam kay Lt. Col. Harold Cabunoc, ang acting Public Affairs Office chief ng Armed Forces of the Philippines ng CBCP Online Radio, natanggap na rin nila ang impormasyon na nadukot si Malayo ng mga tagasunod ni Nur Misuari.
Kalihim Deles: Pamahalaan, humiling ng tulong sa Indonesia
NILIWANAG ni Kalihim Teresita Quintos-Deles na sila ang humiling sa Indonesia na buksan ang kanilang komunikasyon upang makatulong sa payapang solusyon sa nagaganap sa Zamboanga City.
Sa isang pahayag na inilabas ngayong hapon, sinabi ni Kalihim Deles na sumangayon ang Indonesia ay inatasan ang Embahada ng Indonesia sa Maynila.
Ayon sa mga kawani ng Indonesian Embassy ito'y nangangahulugan na bukas silang tumanggap at magparating ng mga mensahe mula sa isang panig patungo sa kabilang panig at wala sa kanilang kakayahang manawagan sa alinmang panig.
Ani Kalihim Deles, ipinarating nila sa Indonesia noong Martes at sa buong Organization of Islamic Conference Peace Committee noong Huwebes ang kahilangan na tumulong upang malutas ang sigalot.
Wala umanong ni isa sa walong bansa ang sumagot at nag-alok ng anumang panukala. Nauunawaan umano ng Pilipinas na ang Indonesia sa ilang pagkakataon, ay nakatanggap ng mensahe mula sa grupo ni Chairman Misuari at ang kanilang kahilingan ay tungkol sa travel arrangements upang makadalo sila sa pulong sa Yoghakarta hanggang sa humiling sila ng postponement ng pulong noong Huwebes. Bilang tugon sa katanungan ng Pilipinas, niliwanag ng Indonesian Embassy na hindi kailanman humiling ang Misuari group o nag-alok na makipag-usap sa pagkakalutas ng sigalot sa Zamboanga.
Magugunitang nagpaabot ng pagkabahala si Indonesian Foreign Minister Marty M. Natalegawa sa nagaganap sa Zamboanga peninsula.
Sinabi ng opisyal na bilang magkakalapit-bansa at bilang facilitator sa pagtatamo ng Final Peace Agreement noong 1996 sa pagitan ng Pilipinas at Moro National Liberation Front, nananawagan ang Indonesia sa magkabilang-panig na maging mahinanon at tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga sibilyan.
Ang payapang solusyon sa sigalot ang nalalabing paraan upang bumalik ang kapayapaaan.
Idinagdag pa ni Indonesian Foreign Minister Natalegawa na ang paghahanap ng payapang solusyon ay nakapahalaga sapagkat bahagi ito ng nilalaman ng final Peace Agreement. Komprehensibo umano ang kasunduan kaya't may napapaloob na paraan ng paglutas sa 'di pagkakaunawaan.
Laging handa ang Pamahalaan ng Indonesia, sa kahilingan ng stakeholders, na makatulong sa pagbabalik ng maayos na kalagayan ng katimugang bahagi ng Pilipinas.
Kalihim Alcala: May sapat na bigas
MAYROONG sapat na bigas para bansa. Ito ang sinabi ni Kalihim Proceso J. Alcala ng Kagawaran ng Pagsasaka sa pagdinig ng Senado na pinamunuan ni Senador Cynthia Villar.
Wala umanong dahilan upang mabahala ang mga mamamayan at umaasa silang mababalik sa normal ang presyo ng mahalagang butil sa pagsisimula ng tag-ani sa mga lalawigan.
Nagsimula nang umani ang mga magsasaka sa hilangang bahagi ng Luzon at magpapatuloy ito hanggang sa Oktubre. Ipinaliwanag pa ni Kalihim Alcala na ang mga magsasaka mula sa iba pang natatamnam ng palay ay nakatakda na ring umani.
May isinasagawang imbestigasyon ang Senado sa supply ng bigas sa bansa. Dumalo rin sa pagdinig si Senador Antonio Trillanes IV.
Ang mga nasa industriya ng palay mula sa Cagayan Valley, Central Luzon, Western Visayas at SOCCSKARGEN ay dumalo rin sa pagdinig.
Kamakailan ay dumalaw na rin si Kalihim Alcala sa Isabela upang saksihan ang anihan. Umaasa siyang magkakaroon ng 167,000 metriko tonelada ngayong Setyembre. Sa buong Cagayan Valley, umaasa siyang magkakaroon ng aning hindi magkukulang sa 264,700 metriko tonelada sa may higit sa 61,000 ektaryang mga palayan.
Dumalaw din si Kalihim Alcala sa Iloilo at makipag-usap sa mga magsasaka at iba pang mga opisyal ng pamahalaan.
Sa kabilang dako, sinabi ni National Food Authority Administrator Orlan Calayag na umaasa ang kanyang tanggapan na magkakaroon ng mas malaking imbentaryo ng palay ngayong 2013 kung ihahambing sa nakalipas na taon. Mamimili pa rin ang NFA ng palay sa halagang P 17.00 bawat kilo upang madagdagan ang kanilang imbentaryo. Wala umano silang nakikitang kakulangan.
Nurse sa Riyadh, nasawi dahilan sa Middle East Respiratory Syndrome coronavirus
ISANG nurse sa isang pagamutan sa Riyadh, Saudi Arabia ang kauna-unahang Overseas Filipino Worker na namatay mula sa Middle East Respiratory Syndrom coronavirus. Kumpirmado ito ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas.
Ayon kay Asst. Secretary Raul Hernandez, kumpirmado ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh na pumanaw ang isang 41-taong gulang na staff nurse sa isang pagamutan sa Saudi Arabia noong ika-29 ng Agosto.
Positibo umano ang yumao sa coronavirus bago siya pumanaw. Napabilang ang Filipina sa apat na pinakahuling nasawi mula sa karamdaman.
Ayon sa pahayag ng World Health Organization na inilabas noong Sabado, ika-pito ng Setyembre, ang pasyente ay walang anumang karamdaman at nagkasakit lamang noong ika-15 ng Agosto. Patuloy na lumala ang kanyang kundisyon at pumanaw noong ika-29 ng Agosto. Walang anumang exposure ang biktima sa mga hayop o sa mga nagkaroon ng MERS-CoV ang nadidiskubre at tuloy ang kanilang pagsisiyasat.
Idinagdag ng WHO na isang 79 na taong gulang na babaeng tubong Saudi Arabia ang namatay matapos magkaroon ng karamdaman noong ika-21 ng Agosto. Dalawang lalaking taga-Saudi, isang 30 taong gulang at isang 47 taong gulang ang nasa malubhang kalagayan.
Sa buong daigdig, mula noong Setyembre 2012, mayroon ng 114 kaso ng karamdaman na kinabilangan ng mga nasawi.
Idinagdag ni G. Hernandez na tinanggap sa pagamutan ang biktima na mayroong lagnat at ubo. Nabatid na mayroon siyang malalang pneumonia at kinailangang ilipat sa Intensive Care Unit. Pumanaw siya dahilan sa karamdaman noong ika-29 ng Agosto, dagdag pa ni G. Hernandez.
Puspusang paghahanda para sa 2nd Catholic Social Media Summit nagsimula na
SA halos dalawang buwan na lamang para sa 2nd Catholic Social Media Summit, nagsimula na ang puspusang paghahanda.
Ayon sa organizers, ang unang 500 magrerehistro mula kahapon hanggang sa katapusan ng Setyembre ay magbabayad lamang ng P 1,000. sa halip na P 1,200. Ang early bird registration ay mapapakinabangan lamang ng mga Pilipinong nasa Pilipinas.
Ang mga banyaga ay sisingilin ng $ 30.00 at hindi pa kasama ang singil ng mga bangko.
Ang regular online registration ay maaaring gawin sa website na www.catholic socialmediasummit.com hanggang sa ika-30 ng Oktubre.
Ang walk-in registration ay P 1,500 samantalang ang mga banyaga na magrerehistro sa lugar ng summit ay sisingilin ng $ 40.00.
Kabilang na sa babayaran ang tanghalian at hapunan sa ika-23 ng Nobyembre at tanghalian sa ika-24 ng Nobyembre at kaukulang identification card at seminar kit. Hindi kasama sa babayaran ang accommodations at transportasyon.
Idaraos ito sa Collegio de San Juan de Letran sa Intramuros, Maynila. Bukas ito para sa mga kabataang aktibo sa social media, social communication ministries sa mga dioceses, parokya at mga samahan.
Panauhing pandangal at taga-pagsalita si Msgr. Paul Tighe, Secretary ng Pontifical Council for Social Communications.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |