|
||||||||
|
||
Maarte/20131224.m4a
|
Kuwadraggulong bahay sa Beijing
Ang mga bahay na tinitirhan ng mga Lahing Han ng Tsina ay itinatayo, pangunahin na, alinsunod sa pormal na regulasyon. Tipikal na halimbawa ang kuwadraggulong bahay sa Beijing, na proporsyonado ang pagkakatayo ng mga silid. Nahahati sa dalawang bahagi ang nasabing bahay, ang harapan at likuran. Ang silid sa kalagitnaan ang siyang pinaka-enggrande. Dito makikita ang magandang asal ng pamilya at dito tinatanggap ang mga panauhing dignitaryo. Nakaharap sa panloob na bakuran ang iba't ibang silid na pinag-uugnay ng mga paliko-likong pasilyo. Ang mga bahay ng Beijing ay nagpapakita ng konseptong patriyarkal at sistema ng pamilya noong unang panahon ng Tsina. Pero maluwang ang bakuran, tahimik, magiliw, maayos ang mga bulaklak at ibang halaman, may espasyo para umistambay sa labas ng bahay. Ganito ang karamihan sa mga bahay sa Kahilagaan at Hilagang silangan ng Tsina.
Medyo siksikan ang mga bahay sa Katimugan ng Tsina. Karamihan ay mga bahay na may ilang palapag. Tipikal na halimbawa nito ang tinatawag na tangwu na may maliit na rektanggulong patyo sa gitna. Simple at malinis. Maraming ganitong bahay sa iba't ibang lalawigan sa Katimugan ng Tsina.
Tirahan ng mga Hakka
Medyo malaki ang tirahan ng mga Hakka, isa mga mga minorya, sa Katimugan ng Lalawigang Fujian, Kahilagaan ng Lalawigang Guangdong at Kahilagaan ng Lalawigang Guangxi. Ang bahay ay hugis pabilog o kuwadrado kung titingnan mula sa ibabaw. Isang palapag lamang ang nasa gitna, samantalang may 4 o 5 palapag ang mga bahay sa paligid. May malakas na kapabilidad na pandepensa ang gayong arkitektura. Hugis kuwadrado o pabilog, oktanggulo o eliptiko ang bahay na tinatawag na Tulou. Tipikal na halimbawa nito ang mga tirahan ng mga taong Hakka na matatagpuan sa munisipalidad ng Yongding ng lalawigang Fujian. Mayroon pa ngayong mahigit 8,000 gayong bahay doon. Malawak ang saklaw at maganda ang pagkakaayos, makasiyensiya at praktikal. Talagang katangi-tangi ang pagkakayari. Isang kamangha-manghang bahay.
Tirahan ng Lahing Tibetano
Marami ring klase ang mga bahay sa mga purok panirahan ng mga pambansang minorya sa Tsina. Halimbawa, patag ang bubungan ng karamihan sa mga tirahan ng Lahing Uygur ng Xinjiang sa Hilagang kanluran ng Tsina. Yari sa lupa ang pader, may isa hanggang tatlong palapag at may bakuran sa paligid. Ang tipikal na tirahan naman ng Lahing Tibetano ay yari sa kahoy, patag din ang bubungan at ang pader sa labas ng bahay ay yari sa mga pinagpatong-patong na tipak ng bato; samantalang ang Lahing Monggol ay nakatira sa palipat-lipat na yurt. Ang tirahan naman ng mga pambansang minorya sa Timog kanluran ng Tsina ay yari sa kahoy at may barandilya. Itinatayo ang ito sa gilid ng bundok at tabi ng ilog. Maluwang ang silong at sa itaas nakatira ang mga tao. Ang bahay kawayan ng Lahing Dai ng lalawigang Yunnan ang siyang katangi-tangi sa lahat. Tinatawag na diaojiaolou ang mga tirahan ng mga Lahing Miao at Tujia sa purok sa Timog kanluran ng Tsina. Ang gayong tirahan sa karaniwan ay itinatayo sa burol. Wala itong pundasyon. Mga haligi ang sumusuhay sa bahay. May 2 o 3 palapag, mababa ang huling palapag, kaya hindi puwedeng tirhan ng tao kundi para lamang sa paglalagay ng pagkaing butil, ang silong ay tinggalan ng mga sari-saring bagay o kaya'y kulungan ng mga alagaing hayop.
Iba rin ang estruktura ng mga bahay na malapit sa Yellow River sa Hilagang Tsina. Sa mga purok na may buhaghag na buhangin sa mga Lalawigang Shaanxi, Gansu, Henan at Shanxi, sinamantala ng mga taumbayan ang likas na pader na lupa sa paghukay ng kuweba at madalas na pinag-uugnay ang ilang kuweba at nilalatagan ng mga tisa't bato sa loob ng kuweba upang maging bahay. Ang mga ito'y humahadlang sa apoy at ingay, mainit sa taglamig at presko sa tag-araw, tipid din ito sa lupa, salapi at trabaho. Perpektong porma ito ng konstruksyon ayon sa kalagayan sa lokalidad.
Bukod dito, mayroon pang mga matandang lunsod na mahusay na naipreserba sa Tsina, at may malaking bilang ng mga matandang tirahan ng taumbayan sa loob ng matatandang lunsod na ito. Kabilang na rito ang matandang lusod ng Ping Yao sa lalawigang Shanxi at ang matandang lunsod ng Lijiang ng lalawigang Yunnan na pawang napasama noong 1998 sa "Talaan ng Pamanang Pandaigdig."
Ang matandang lunsod ng Ping Yao ay kasalukuyang nanatiling pinakamahusay na preserbadong matandang lunsod ng mga Ming at Qing Dynasty at tipikal na halimbawa ng matatandang kabayanan sa purok ng gitnang kapatagan ng nasyonalidad Han ng Tsina. Hanggang sa kasalukuyan, mahusay pa rin sa saligan, ang mga estruktura ng lunsod na ito, gaya ng pader ng lunsod, mga lansangan, tirahan ng taumbayan, tindahan, mga templo't iba pang estruktura'y halos hindi nagagalaw ang pagkakaayos ng konstruksyon at katangian ng tanawin nito. Ang Ping Yao ay isang halimbawa sa pagsasaliksik sa kasaysaya't pag-unlad ng politika, ekonomiya, kultura, militar, konstruksiyon, sining at iba pang aspekto ng Tsina.
Ang matandang lunsod ng Lijiang sa Yunnan na simulang itinayo noong South Song Dynasty ay nag-isang kabayanang pinagsama ang tradisional na pagtatayo ng nasyonalidad Naxi at ang katangian ng konstruksyon mula sa labas. Ang matandang lunsod ng Lijiang ay hindi naapektuhan ng maseremonyal na sistema ng pagtatayo ng mga lunsod sa gitnang kapatagan. Hindi regular ang lambat ng kalsada sa gitna ng lunsod at walang mahigpit na pader ng lunsod. Ang lawa ng Maitim na Dragon o Black Dragon Pool ang pangunahing pinanggagalingan ng tubig ng matandang lunsod. Tumatakbo ang tubig-lawa sa maraming maliliit na agusang pader at umaabot sa mga tahanan, kaya bumuo iyon ng isang water network na makikita saan mang dako ng loob ng matandang lunsod, dumadaloy na tubig at ang mga sanga ng weeping willow ay humahalik sa tubig sa pampang ng ilog.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |