|
||||||||
|
||
Maarte/20140114.m4a
|
Simulan natin mula sa kasaysayan ng chopsticks. Ayon sa mga datos, walang nakakaalam kung kailan nagsimulang gamitin ng mga Tsino ang chopsticks o sipit; pero, tiyak na ito'y naimbento sa Tsina. Matutunton ang kasaysayan nito mula noong ikatlong siglo, bago ipanganak si Kristo. May mga nagsasabing ang pilosopong si Confucius ang nagbigay-impluwensiya sa pag-unlad ng sipit dahil sa kanyang mga turo hinggil sa prinsipyo ng kawalan ng dahas. Kaya, ang mga kutsilyo, at lahat ng may kaugnayan sa digmaan at kamatayan, ay hindi inilalagay sa hapag kainan, na di tulad ng sa kanluran. Ngayon, ang sipit ay ginagamit sa Hapon, Korea at Vietnam, gayundin sa Tsina; kaya ito ang ikalawang pinakapopular na paraan ng pagsubo ng pagkain sa daigdig. Ang pinakakilala ay paggamit ng kamay.
Ang sipit ay kadalasang yari sa kawayan o ibang kahoy, pero maaari rin itong gawing pandekorasyon. Lalo na sa Hapon, ang mga ito'y yari sa lacquered wood at kung minsan ay napakadetalyado ang pintura, at pasadya pa.
Sa Tsina, ang sipit ay karaniwang yari sa kawayan o ibang kahoy. Ang mga ito'y tinatawag na Kuai-tzu, na nangangahulugang "bagay na mabilis." Ang salitang ito ay sinasabing nagmula sa mga mamamangka. Dati, ang chopstick ay tinatawag na chu ("tulong"), sapagkat ang kataga'y kasintunog ng kanilang mga salita para sa mabagal o nahintong bangka dahil sa kawalan ng hangin. Pero, dahil ang salitang ito'y hindi angkop para sa isang kagamitan sa pagkain, ito'y pinalitan. Ang katagang pamilyar sa ating lahat ay sumulpot noong ika-19 na siglo, nang ang mga salitang Tsino ay isalin ng mga manlalakbay sa Pidgin English. Ang katagang "chop" ay nangangahulugang mabilis--gaya ng sa salitang "chop chop."
Okay punta naman tayo sa pagkain sa mesang Tsino.
Ang pinakasentro ng Chinese meal ay ang Fan o pagkaing-butil. Sa Timog at sa mga pamilya sa kalunsuran ng ibang lugar, ang fan ay maaaring bigas o mga pagkaing gawa sa bigas, maaaring millet, sorghum o mais ang kinakain. Ang karne at gulay, ay kilala bilang "ts'ai," na nangangahulugang tulad ng ulam, maaari rin itong tawagin na pampalasa ng fan.
Sa mesa, ang bawat tao ay may kanya-kanyang tasa ng fan, isang pares ng sipit, isang kutsarang pantay ang ilalim at isang platito. Ang mga ulam na karne at gulay ay inihahain agad sa gitna ng mesa at ang mga kakain ay tuwirang kumukuha ng pagkain mula sa iisang plato sa pamamagitan ng kanilang sipit. Ang sabaw ay sinasandok din mula sa iisang tasa. Ang platito ay ginagamit na lalagyan ng kinuhang ulam kapag masyadong malaki ito sa isang kagat. Katanggap-tanggap ang pag-abot ng ulam mula sa malayo. Upang mapabilis ang pag-abot sa lahat ng ulam, ang mga mesang kainan sa Tsina ay kuwadrado o pabilog, kaysa pahabang gaya ng sa kanluran.
Nagsisimula ang kainan, alinsunod sa tanda o edad: ibig sabihin ang pinakamatanda ang magsisimula sa pagkain. Ang mga bata sy tinuturuang huwag maging masyadong pihikan sa ulam. Upang medyo mapalamig ang mainit na sabaw, ito ay hinihigop mula sa kutsara na may kasamang pahigop na hininga. Ang paraang ito ay maaring lumikha ng nakakainsultong tunog na bawal sa kanlurang estilo ng pagkain. Sa pagkain ng fan, inilalapit ng kumakain ang tasa sa tabi ng labi at itinutulak ang kanin sa loob ng bibig sa pamamagitan ng sipit. Ito ang pinakamadaling paraan ng pagkain nito at nagpapakita ng angkop na kasiyahan.
Ang pagtitira ng isa mang butil ng kanin ay itinuturing na masamang ugali, at isang kawalan ng paggalang sa mga nagpatulo ng pawis sa paggawa niyon. Ang mga inumin at pamghimagas ay karaniwang inihahain kasama ng pagkain. Halos maghapong umiinom ng tasa ang mga tao. Pero sa kainan, ang sabaw ang kadalasang tanging likidong ibinibigay. Sa mga espesyal na okasyon, may inihahaing alak, pero hindi kailanman makakatagpo sa mesa ng tubig na gaya ng iniinom ng mga kanluranin kapag kumakain. Ang matatamis na kakanin ay karaniwang isinisilbi para sa mga espesyal na okasyon, kung saan inihahain iyon sa pagitan ng mga putahe, o para sa mga meryenda sa mga tea house.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |