|
||||||||
|
||
Political Dynasties, nararapat matapos na
"SUNDIN ANG SALIGANG BATAS." Ito ang nagkakaisang pananaw nina Ateneo de Manila Prof. Richard Heydarian (may mikropono), G. Sonny Melencio ng Partido Lakas ng masa (dulong kanan), Congressman Fred Castro, Chairman ng House Committee on Suffrage (naka polo barong) at Sonny Africa ng Ibon Foundation sa katatapos na TApatan sa Aristocrat kaninang umaga. Nabatid na mangilang-ngilang pamilya lamang ang may tangan sa 74% ng ekonomiya ng bansa. Bukod sa mga mamamahayag, dumalo rin ang mga Mass Comm students ng Miriam College. (Sky Ortigas)
BAGAMA'T walang nakikitang koneksyon sa pag-itan ng kahirapan at political dynasties, makabubuting sundin ang itinatadhana ng Saligang Batas ng 1987 na nagsasabing nararapat mawaksan ang kinaugaliang ito.
Sinabi ni Capiz Congressman Fred Castro, chairman ng House Committee on Suffrage sa Tapatan sa Aristocrat na nakapasa na sa kanilang kumite ang panukalang batas na nagbabawal sa political dynasties. Maituturing umanong isang malaking milagro ang pagkakapasa nito sa kanyang komite sapagkat mula noong 1987, ang anumang hakbang laban sa political dynasties ay hindi nakalalampas sa committee level.
Ayon kay Sonny Melencio, Pangulo ng Partido Lakas ng Masa at isa sa mga punong-abala ng People's Initiative Coalition Against Dynasties, ang pagkilos sa Kongreso ay sinasabayan nila ng pag-iipon ng mga lagda sa lahat ng congressional districts upang magkaroon ng sapat na batas laban sa pagsasama-sama ng magkakamag-anak sa pamahalaan, sa mga halal na posisyon.
Hindi lamang naman sa Pilipinas nagaganap ang political dynasties. Mayroon ding political dynasties sa Indonesia, sa Thailand, India at maging sa Bangladesh. Ito naman ang pahayag ni Professor Richard Heydarian ng Ateneo de Manila University.
Ang nakakasulasok lamang sa Pilipinas ay ang pagkakaroon ng mangilan-ngilang mga Pilipino na naghahari at nakikinabang sa 74% ng mga ari-arian ng bayan.
Ipinangangamba naman ni Sonny Africa ng Ibon na malaki ang posibilidad na pinananatili ng mga politikong mahihirap ang mga mamamayan upang magpatuloy ang kanilang paghahari sa mga daigdig ng ekonomiya at kalakal.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |