|
||||||||
|
||
melo
|
Sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag, sinabi niyang apektado ng kahirapan ang pamilyang Filipino. Magugunitang naibalita ng pamahalaang patuloy na gumaganda ang takbo ng ekonomiya sa mga nakalipas na pahayag.
KAHIRAPAN SA PILIPINAS NARARAPAT LUTASIN. Ito ang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag matapos ang dalawang linggong Extraordinary Synod on the Family sa Vatican. Ang kahirapan ang pinakamahalagang isyu na kailangang lutasin sa likod ng pahayag ng pamahalaang maganda ang takbo ng ekonomiya. (Melo M. Acuna)
Ani Cardinal Tagle, nakikita ang kahirapan sa kawalan ng angkop na hanapbuhay. May mga kabataan umanong kahit may mga napupusuan na ay hindi nagpapakasal sapagkat wala pang sapat na hanapbuhay at kulang ang sinasahod sa oras ng kalagitnaan at katapusan ng buwan.
Nagdadalawang isip ang mga kabataang magpakasal dahilan sa isyu ng kahirapan.
Nababahala rin ang Simbahan sa pagkakaroon ng mas maraming "single parents" sa Pilipinas. Ipinaliwanag niyang naghihiwalay ang mga mag-asawang Filipino hindi sa hindi magkasundo. Kaya nangingibang-bansa ang mga ama o ina ng tahanan ay sapagkat mahal nila ang kanilang pamilya sa pag-asang ang overseas employment ang mag-aangat sa kanila sa kahirapan.
Pamahalaan na ang nagtataya na mayroong humigit-kumulang sa 10 milyong mga Filipino ang nasa iba't ibang bahagi ng daigdig. Kailangang daluhan ng Simbahan ang mga manggagawang nasa ibang bansa at ang mga pamilyang naiwan sa Pilipinas.
Ani Cardinal Tagle, matapos ang dalawang linggong pakikinig sa pagpapalitan ng pananaw at paninindigan sa katatapos na sinodo, ang isyung dulot ng kahirapan ang dapat pagtuunan ng pansin.
Idinagdag niya na ang kahirapan ang nagdudulot ng drama sa buhay ng pamilyang Filipino sapagkat sa pagkakaroon ng kahirapan, apektado ang hanapbuhay, pagkain, matitirhan at edukasyon. Hindi umano isyung pang-Simbahan lamang ang kahirapan sapagkat ito'y nararapat daluhan ng pamahalaan, pribadong sektor at maging ng mga mangangalakal.
Ayon sa cardinal, sa kanilang pulong sa Pontifico Collegio Filippino sa Roma na dinaluhan ng mga manggagawang Filipino, may mga inang nagsabi na kung mayroon lamang sapat na hanapbuhay sa Pilipinas, hindi n asana nila iniwanan pa ang kanilang mga anak at esposo.
Kahit umano siya ay apektado ng mga nakaluluhang pagkakataon sa paliparan ng Maynila sapagkat nakikita niya ang mga nag-aatubiling mga manggagawa na umalis ng bansa.
May mga nakikita siyang walang humpay na paalaman sa pagitan ng mangingibang-bansa at ng mga naghahatid.
Naniniwala si Cardinal Tagle na magiging tulay ang Simbahan sa mga susunod na pagkakataon sa pag-uusap ng mga bansang nagpapadala ng manggagawa tulad ng PIlipinas at ng mga bansang nakikinabang sa mga manggagawa.
Layunin nitong mga pag-uusap na matiyak ang paggalang sa karapatang pangtao ng migrant workers at ang maayos na pasahod. Nararapat ding magsama-sama ang mga manggagawa na makumbinse ang kanilang host countries na higit silang makatutulong sa lipunan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |