|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Anim na kawal, nasawi sa ambush sa Basilan; Dalawang kawal nasawi sa Albay
NAPASLANG ng grupong Abu Sayyaf ang anim sa isang koponan ng mga kawal ng 64th Infantry Battalion na ipinadala upang bantayan ang isang proyektong ginagawa sa Sumisip, Basilan kahapon ng umaga.
Nagpapatrolya ang mga kawal sa Sitio Mompol sa Barangay Libug ng makasagupa ang humigit kumulang sa 20 armadong Abu Sayyaf. Kabilang sa nasawi ang isang bagong nagtapos sa Philippine Military Academy noong nakalipas na Marso. Tumagal ang sagupaan ng may 45 minuto.
Kinilala ni Col. Noel Detoyato, Chief ng Public Affairs Office ng Philippine Army ang mga nasawi sa pangunguna ni Second Lt. Jun Corpuz ng Bacnotan, La Union, graduate ng Philippine Military Academy Class 2014, Sgt. Tranquilino G. Germo ng Aleosan, Cotabato, Private First Class Rolando P. Entera, jr. ng Aleosan, Cotabato, PFC Freddie G. Pandoy ng Aleosan, Cotabato, PFC Raffy E. Canuto ng Lebak, Sultan Kudarat at PFC Mark Anthony Singson ng Pigkawayan, North Cotabato.
Ayon kay Col. Rolando Bautista, commander ng 104th Brigade, ay ipinadala sa pook upang bantayan ang mga proyekto ng pamahalaan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Col. Bautista na binabantayan ng mga kawal ang Basilan Circumferential Road project na nakatakdang matapos sa susunod na buwan.
Nagpadala na ng reinforcement teams ang Philippine Army upang tugisin ang mga nakapatay sa ilalim ng isang Radzmi Jannatul.
Suportado ng Kaharian ng Saudi Arabia ang 64-kilometrong proyekto, dagdag pa ni Col. Bautista.
Samantala, dalwang kawal ang nasawi sa pakikipagsagupaan sa mga rebeldeng New People's Army sa Anislag, Daraga, Albay kaninang umaga.
Patungo ang dalawang kawal sa isang evacuation center ng maganap ang pamamaril.
Ayon kay Major Angelo Guzman, tagapagsalita ng Southern Luzon Command, naganap ang pananambang mga ika-7:40 ng umaga. Isang koponan ng mga kawal ang ipinakalat bilang reinforcements at tumagal ng limang minute ang putukan. Madaling naghiwa-hiwalay ang mga gerilya.
Ani Major Guzman, nakalulungkot na ang mga kawal ay kasama sa Humanitarian Assistance ng maganap ang pamamaril ng mga NPA.
Magpapatuloy pa umano ang Southern Luzon Command sa pakikiisa sa mga nagbibigay ng relief goods sa mga inilikas na naninirahan sa dalisdis ng Bulkang Mayon.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |