|
||||||||
|
||
20150824 Melo Acuna
|
NANINIWALA ang mga naging panauhin ng "Tapatan sa Aristocrat" na malawakang pagbabago ang kailangan upang madama ang kaunlaran sa bansa. Ito ang lumabas sa pagsusuri at mga kuro-kuro nina Dr. Ronaldo Mendoza ng Asian Institute of Management, Arsobispo Oscar V. Cruz, dating Congressman Willie Villarama at election lawyer Romulo Macalintal.
70% NG MGA NAHALAL SA PAMAHALAANG LOKAL AT KONGRESO AY MULA SA POLITICAL DYNASTIES. ito ang sinabi ni Dr. Ronaldo Mendoza, isang propesor sa Asian Institute of Management na kabilang sa nagsuri sa political dynasties sa bansa mula noong 2010 hanggang ngayon. Ito ang kanyang inilabas sa "Tapatan sa Aristocrat" kanina. Na sa dulong kanan si Sky Ortigas, co-host ng Tapatan. (Melo M. Acuna)
Ayon kay Dr. Mendoza, ginawa nila ang pagsusuri sa mga pamilyang may mga nahalal sa Mababang Kapulungan sa taong 2010 hanggang ngayong taong ito. Pinakamalalaki ang mga pamilyang may mga nahalal sa Kongreso at Pamahalaang Lokal sa mga rehiyong nasa hilaga at katimugang bahagi ng Pilipinas.
Ipinaliwanag pa ni Dr. Mendoza na sa mga pook na mas malayo sa Maynila naghahari ang mga pamilya tulad ng mahihirap na lalawigan ng Maguindanao, Dinagat Island sa Mindanao at Ilocos Sur sa hilagang Luzon.
Isang malaking hamon sa mga namumuno sa mga pamahalaang panglalawigan ang pag-iiwan ng poder sa ibang mga pinuno sa halip na kanilang sariling anak, asawa at maging apo.
Sinabi naman ni Arsobispo Cruz na isang malaking hamon sa madla ang paghahanap ng mga taong may integridad at kakayahang mamuno. Nagkakataon lamang na tanging mga may salapi at may malalaking pamilya ang nahahalal sa puesto.
Para kay daring Congressman Villarama, kailangang magkaroon ng mga alternatibong mga kandidato sa mga nagmumula sa mga pamilya at angkang malaki ng impluwensya sa lipunan. Ang kailangan ay magkaroon ng mga kabataan at mgva mamamayang bubuo ng partido politikal at magpapakandidato para sa mga puestong pang-gobernador, bise-gobernador, punongbayan at maging mga mambabatas.
Kahit pa walang pag-asang magwagi, ang mga ito ang siyang lalabas na "fiscalizer" sa mga magwawaging kandidato. Sila ang magtatanong kung saan napunta ang salapi at kung bakit kakaiba ang takbo ng pamahalaan taliwas sa pangakong maganda at maayos at bukas na pagpapatakbo ng local government unit.
HINDI LAHAT NG BATAS AY AYON SA MORALIDAD. Ipinaliliwanag ni Atty. Romulo Macalintal, isang bantog na election lawyer na may mga batas sa bansa na lumalabas na legal subalit taliwas sa moralidad, tulad ng anti-dynasty law. Maganda ito subalit hindi naman naipatutupad. (Melo M. Acuna)
Sinabi ni Atty. Macalintal na mayroong sapat na batas laban sa mga malalaking angkan kahit pa kulang ang implementing rules and regulations na nararapat lagdaan ng pangulo matapos makapasa sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
Ginunita ni Dr. Mendoza na noong mga nakalipas na taon, mga dalawampung taon na ang nakalilipas, manipis ang political dynasties sapagkat iisa ang kandidato mula sa iisang angkan lalo pa't naghahalinhinan ang ama, asawa at kanilang anak sa iisang puesto.
Binanggit din ni Dr. Mendoza na may 70% ng mga nahalal na opisyal sa bansa ay kabilang sa political dynasties kahit mayroong probisyon sa Saligang Batas na magbibigay ng patas na oportunidad sa lahat na maglingkod sa bayan at pagbawalan ang political dynasties ayon sa itinatadhana ng batas.
Ayon sa kanilang pagsusuri, laganap ang political dynasties sa pinakamahihirap na pook at may kalayuan sa Maynila. Naghahari ang political dynasties sapagkat sa halip na sa pamahalaan umaasa ang mga nangangailangan, natatagpuan nila ang tulong sa mga tahanan ng punongbayan sa halip na sa tanggapan o sa pagamutan. Ang political dynasties ang may control sa galaw ng pamahalaan.
Malaki rin ang posibilidad na makaimpluensya ang political dynasties sa kalalabasan ng napipintong halalan sapagkat may 10 milyong botante ang nagmumula sa mahihirap na lalawigang pinamumunuan ng political dynasties.
Upang mabuwag ang political dynasties, nararapat maputol ang ugaling pagpila sa tahanan ng gobernador at mayor sa darating ng halalan.
Nagkataon nga lamang na nagbago na ang kalakaran sapagka't mas murang magpatakbo ng anak, asawa at apo kasabay ng pinakapuno ng tahanan. Nawalan na umano ng delicadeza, sabi ni Dr. Mendoza sapagkat mas magaan na para sa mga angkan na gumasta kung sabayan na silang kakandidato sa pagka-gobernador, mayor, bise-gobernador, provincial board member at iba pa (dahil sa name recall).
Napuna rin ng mga panauhin sa "Tapatan sa Aristocrat" na mayroon ding mga nagawa ang mga political dynasties sa kanilang mga nasasakupan sa pamamagitan ng mga pagawaing-bayan at poverty-alleviation programs.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |