Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pitumpu't walo katao, nailigtas ng Philippine Red Cross

(GMT+08:00) 2015-10-19 19:04:29       CRI

Pitumpu't walo katao, nailigtas ng Philippine Red Cross

BARKO, SUMADSAD SA TABING-DAGAT. Tinangay ng malalaking along dala ng habagat at bagyong "Lando" ang isang barko sa may Baywalk sa Roxas Blvd. kahapon. Walang nabalitang nasaktan subalit maghihintay ng pagganda ng panahon ang mga tripulante bago mahila ang kanilang sasakyan palayo sa baybay-dagat ng Maynila. (Melo M. Acuna)

BARGE NA MAY ULING, SUMADSAD DIN. Makikita ang halos mga kabundok na uling na lulan ng isang barge na sumadsad sa baybay ng Manila Bay sa Manila kamakalawa ng gabi. Makikita rin sa larawan ang isang tugboat na nadala rin ng malalaking alon. (Melo M. Acuna)

UMABOT sa 78 katao ang naialigtas ng water search and rescue teams ng Philippine Red Cross sa Nueva Ecija sa pagpapatuloy ng rescue operations sa lalawigan dahil sa pagbaha dulot ng bagyong "Lando."

May 53 katao na ang nailigtas mula sa mga binahang tahanan sa Sumacab, Cabanatuan City at 25 katao naman sa San Jose, Sta. Rosa sa Nueva Ecija.

Ayon kay Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon, nagpadala sila ng rescue teams sa Nueva Ecija matapos makatanggap ng ulat ng pagbaha at panawagang iligtas ang mga taong nasa tahanan at iba pang pook. Idinagdag pa niyang siyam na koponan ng WASAR mula sa national headquarters, Tarlac, Bulacan at Olongapo na kinabibilangan ng tatlong 6 by 6 trucks at dalawang Hummer vehicles ang kanilang ipinadala sa apektadong lalawigan.

Umabot umano ang baha sa dibdib at hanggang sa ikalawang palapag ng ilang mga tahanan. Ilang mga lansangan ang 'di madaanan at kinabibilangan ito ng Daang Maharlika dahil sa mga naputol na puno tulad na rin ng Rizal-Pantabangan, Langka sa Cabanatuan City, San Miguel at San Antonio.

Lima katao rin ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Red Cross sa isang van na hindi nakakilos dahil sa baha kagabi sa San Jose-Sta. Rosa Road, Nueva Ecija.

Nakapamahagi na ang Red Cross ng pagkain para sa 2,902 katao sa Aurora, Kalinga at Isabela. Namahagi rin ang Pangasinan chapter ng mga kumot at banig na plastic para sa mga lumikas.

Hanggang kaninang umaga, 19 na lalawigan ang apektado ni "Lando" kasama ang 39 na bayan at lungsod, 98 barangay, 6.140 pamilya o 18,769 katao. Mayroong 129 na evacuation centers na kinalalagyan ng may 3,324 pamilya.

Dalawa umano ang nasawi, isa sa Zambales sa pagguho ng isang bakod at isa sa Quezon City dahil sa bumagsak ng puno.

May 18 bayan sa apat na lalawigan ang binaha. Anim sa mga bayang ito ang nasa Nueva Ecija tulad ng Gabaldon, Laur, Cabanatuan City, Palayan City, Gapan at San Antonio; lima sa Pampanga tulad ng San Fernando, Candaba, Minalin, Macabebe at Sto. Tomas. May walo sa Isabela tulad ng Ilagan City, Sto. Tomas, Tumauini, San Pablo, Cabagan, Sta. Maria, Cauayan City at San Mariano.

Pinasalamatan ni Chairman Gordon ang lahat ng nakiisa sa paghahanda ng mga makakain at maisusuot. Pinasalamatan din niya ang mga taga-PAGASA, NDRRMC, mga militar, ang pambansang pulisya at mga local government units.

Signal No. 2 nakataas pa rin sa Hilagang Luzon

NANATILING mabagal ang pagkilos ni "Lando" (Koppu) kaninang katanghalian samantalang patungo sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Abra at Apayao.

Natagpuan ng mga taga-PAGASA ang bagyo may 20 kiloemtro sa kanluran ng Vigan City sa bilis na limang kilometro bawat oras. Sa pagtahak ni "Lando" sa direksyon patungong hilagang Luzon, Inalis na ng PAGASA ang storm warning signal sa Metro Manila.

Nakataas pa rin ang Signal No. 2 sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Abra, Apayao, Kalinga, Mt. Province, Ifugao, Benguet at Cagayan kasama na ang Calayan at Babuyan Group of Islands. Mananatiling masama ang panahon sa mga pook na ito.

Samantala, nakataas naman ang Signal No. 1 sa Pangasinan, Zambales, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, Isabela at Batanes. Ang mga pook na ito ay magkakaroon ng manaka-nakang pag-ulan at pagbugso ng hangin.

Nagbabala pa rin ang PAGASA na baka tumaas ang daluyong ng may dalawang metro sa mga lalawigang apektado ng bagyo. Nananatili ang lakas ng hangin nitong 120 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot sa 150 kilometro bawat oras

Tumama ang bagyo sa Aurora kahapon ng madaling araw at humina dahil sa high pressure area at isa pang sama ng panahon sa labas ng Philippine Area of Responsibility.

Foreign policy nararapat maliwanag sa mga kandidato sa 2016

INDEPENDENT FOREIGN POLICY MAHALAGA. Sinabi ni Prof. Rolando Simbulan ng University of the Philippine na dapat magkaroon ng independent foreign policy ang Pilipinas at piloting makipagkaibigan sa lahat ng bansa. Mahalaga ito pang maisulong ang interes ng bansa at mamamayan lalo pa't milyon-milyong mga Filipino ang nasa iba't ibang bansa ngayon. (Contributed Photo)

INTERES NG BANSA NARARAPAT PAHALAGAHAN. Ayon kay dating National Security Adviser at Congressman Roilo Golez, kailangang isaalang-alang ng sinumang maluluklok sa Malacanang sa 2016 ang kahalagahan ng diplomasya upang manatiling matatag ang seguridad ng Pilipinas. (Contributed Photo)

KAILANGANG liwanagin ng mga kandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo ang kani-kanilang mga pananaw sa ugnayang panglabas upang maisulong ang mga interes ng bansa at mga mamamayan sa pandaigdigang larangan.

Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni dating national security adviser at Paranaque congressman Roilo Golez na mahalaga ang pakikipag-ugnayan sa iba't ibang bansa sapagkat milyong mga Filipino ang naghahanapbuhay sa halos lahat ng sulok ng mundo.

Para kay dating Philippine Ambassador to Hungary, Poland, Bosnia-Herzegovina, Serbia at Montenegro (Alejandro del Rosario), nararapat maging kakaiba ang isip ng mga hahaliling pangulo at pangalawang pangulo hinggil sa ugnayang panglabas. Ipinaliwanag ni Ambassador Alejandro del Rosario yang nararapat isaalang-alang ang milyon-milyong mga Filipinong nasa iba't ibang bansa na naghahanapbuhay.

Nakabubuti ring makalabas ng bansa ang mga Filipino sapagkat wala namang oportunidad sa Pilipinas kaya't naghahanap sila ng mapapagkakitaan.

Sa panig ni Professor Rolando Simbulan ng University of the Philippines kung mayroon lamang masiglang mga pagkakakitaan sa sektor ng pagsasaka at manufacturing, tiyak na hindi na lalabas pa ng Pilipinas ang mga manggagawa na pinakikinabangan ng iba't ibang pamahalaan at lipunan.

Ikinalungkot naman ni Fr. Restie Ogsimer na sa halip na dagdagan ang salaping inilaan para sa pagtulong sa mga manggagawa ay nanatili lamang sa halagang P 100 milyon. Ipinaliwanag din ni dating Congressman Golez na dating nakalaan ay P 150 milyon subalit hindi nagastos ng Department of Foreign Affairs ang buong halaga kaya't binawasan sa sumunod na pagdinig sa Committee on Appropriations.

Magkakaroon ng epekto ang paglikas ng mga taga-Syria, Afghanistan at Iraq sa mga manggagawang Filipino na naglilingkod sa mga bansang na sa Europa. Magugunitang libu-libong mga refugee ang nagsisilikas at sumasakay ng mga bangka tungo sa Grecia, Italya at iba pang mga bansa at naglalakbay sakay ng mga tren patungo sa mga bansang tatanggap sa kanila.

Bagaman, ipinaliwanag ni Ambassador del Rosario na sa Hungary, hindi basta nagpapapasok ng mga manggagawa mula sa ibang bansa. Kung mayroon mang mga overseas workers ay tanging anim na buwan lamang ang itinatagal sa kanilang trabaho.

Sa panig ni Fr. Ogsimer, sa talaan ng mga manggagawa, nagmumula ang pinakamataaas na bilang ng mga manggagawang Filipino sa Middle East na pinagmumulan din ng malaking bahagi ng foreign remittances tulad rin ng Estados Unidos. Nagkataon nga lamang na mas maraming naaabusong mga mangagawang-bahay sa kanilang mg trabaho. Nong nakalipas na taon, umabot sa US$ 24.5 bilyon ang naipadalang salapi pabalik sa Pilipinas.

Para kay Professor Simbulan, masdan ang bilang ng mga naaabuso at nasasaktang mga kababayan sa Gitnang Silangan kaya't nanawagan siyang pakilusin ang mga embahada sampu ng kanilang mga tauhan upang maiwasan ang pagka-argabyado sa kamay ng mga employer ng mga Filipina.

Senador Grace Poe, ipinatatanggal sa talaan ng mga kandidato

DUMULOG sa Commission on Elections si dating Senador Francisco "Kit" Tatad upang mawala sa talaan ng mga kandidato sa pagkapangulo si Senador Grace Poe.

Nagtungo si Senador Tatad dala ang kanyang petiston sa Commission on Elections sa Palacio del Gobernador sa Manila. Kasama niya ang kanyang abogadong si Manuelito Luna.

Tumanggi ang dating senador na tumakbo kasama ng ama ni Senador Grace Poe noong 2004, na may bahid politika ang kanyang inihaing usapin. Walang sinumang makikinabang na kandidato sa pagkapangulo sa kanyang petisyon.

Sinabi ng grupo ni Senador Tatad na hindi natural-born Filipino si Senador Poe at hindi niya natugunan ang sampung taong residency requirement na kailangan upang maging lehitimong kandidato sa pagka-pangulo ng bansa. Ito na ang ikatlong usaping inihain laban kay Senador Poe sa Commission on Elections.

Noong Agosto, dumulog din sa kinauukulan si Jose Rizalito David upang ibunyag na nagkaroon ng material misrepresentation sa kanyang certificate of candidacy si Senador Grace Poe. Noong nakalipas na linggo, nagtungo rin sa hukuman si Estrella Elamparo na humihiling na kanselahin ang mga dokumento ni Senador Grace Poe.

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>