|
||||||||
|
||
PINAGHAHANDA ng pamahalaan ang mga naninirahan sa Metro Manila at mga lalawigan sa Timog Luzon sa pagragasa ng bagyong si "Nona" na mayroong international name na "Melor."
Inaasahang dadaan ito sa timog ng Metro Manila subalit ang ulang may lawak na 400 kilometro ang magdadala pa ng malakas na hangin at pagbuhos ng ulan sa susunod na ilang oras.
Sinabi ng mga autoridad na kahit pa hindi tatama sa Matro Manila, madarama pa rin nito ang epekto ng bagyo at magiging malakas ang ulan at hangin bukas hanggang sa Miyerkoles.
Itinaas na ang Signal No. 1 sa Metro Manila at kalapit lalawigan. Pinag-aaralan na rin nilang itaas ang Signal Number 2.
Inaasahang hihina si "Nona" pagdaan sa kalupaan subalit inaakalang aabot pa rin sa 135 kilometro bawat oras ang hanging dala nito sa oras na lumapit sa Metro Manila.
Makakasira ng mga barung-barong at magpapalipad ng mga bubong. Posible ring matumba ang mga mahihinang billboard. Kailangang maghanda ang madla sa patuloy na pagbuhos ng ulan bukas hanggang sa Miyerkoles.
Kaninang umaga, tumama na si "Nona" sa Batag, Northern Samar at patuloy na kikilos pa-kanluran at tatamang muli sa Sorsogon. Nanatili ang lakas nitong 150 kiloemtro bawat oras at pagbugsong aabot sa 185 kilometro bawat oras.
Nakataas na ang Signal No. 3 sa Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate, kasama ang Ticao at Burias Islands, Northern Samar, Eastern Samar at Biliran. Samantala, nakataas ang Signal No. 2 sa Camarines Norte, Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Batangas, Laguna, Southern Quezon at Leyte.
Nakataas naman ang Storm Signal No. 1 na nangangahulugang makararanas ng hanging hanggang 60 kilometro sa bawat oras sa susunod na 36 na oras ang Metro Manila, Bataan, Lubang Island, Coron, Cavite, Rizal, Quezon Province kasama na ang Polillo Island, Southern Leyte, Northern Cebu kasama ang Bantayan at Camotes Islands, Aklan, Capiz, Northern Negros Occidental, Northern Iloilo, Dinagat Province at Siargao island.
Nagbabala rin ang PHIVOLCS sa posibleng pagragasa ng lahar sa silangang Luzon at Visayas, partikular sa paligid ng Bulkang Mayon sa Albay at Bulusan sa Sorsogon.
Daang libong mga mamamayan ang inilikas sa kalagitnaan ng Pilipinas kanina sa paglapit ng bagyong si "Nona" na may dalang malakas na buhos ng ulan na posibleng magpabaha at magpaguho ng lupa.
Umabot sa 40 domestic flights ang suspendido at mayroong 73 sasakyang dagat at daan-daang bangkang pangisda ang hindi nakaalis sanhi ng bagyong "Nona."
Halos magkatulad ang daan ni "Nona" at ni "Yolanda" na tumama sa kalagitnaan ng Pilipinas noong 2013.
Umabot naman sa 750,000 katao ang inilikas mula sa barangay at dinala sa mga paaralan at mga kolehiyo sa tatlong lalawigan. May 8,000 katao ang 'di nakapaglakbay sapagkat pinagbawalan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard dahil sa sama ng panahon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |