|
||||||||
|
||
Mga detenidong magsasaka, pinalaya na
PINALAYA na ng Municipal Trial Court of Kidapawan ang mga magsasakang detenido mula noong maganap ang madugong pagbuwag sa mass action noong unang araw ng Abril.
Ayon kay Atty. Edre Olalia, Secretary General ng National Union of People's Lawyers, napalaya na ang 76 na magsasaka kaninang umaga samantalang pinalaya na pagkatanghalian sina Ruben Carlos Mangga at Ponciano dela Pena Paunil.
May 79 na karamiha'y magsasaka ang detenido at kinasuhan ng direct assault. Isa ang nakapag-piyansa ng mas maaga.
Magpapahinga na muna ang mga magsasaka at makakasama ng kanilang pamilya at gagawa ng kanilang ma sinumpaang salaysay, dagdag pa ni Atty. Olalia.
Kasama ang NUPL sa mga abogadong kumatawan sa mga magsasaka na kinabilangan ng Union of People's Lawyers in Mindanao, Public Interest Law Center, mga kasapi ng Integrated Bar of the Philippines at Public Attorneys Office.
Ayon kay Chief Public Attorney Persida V. Rueda-Acosta, nagpapasalamat siya kina Aiza Seguerra at iba pang mga artista at mga mamamayan na naglikom ng piyansa ng mga akusado.
Nagpapasalamat din si Atty. Acosta sa mga obispo at kaparian at religious leaders na nagpatotoo sa pagkatao ng mga akusado. Hindi na nangailangan ng mga identification card.
Nagpasalamat din siya sa mga abogado mula sa Integrated Bar of the Philippines at iba pang tagapagtanggol. Kinatigan ng hukuman ang Motion for Suspension for Arraignment subalit tinanggihan ang Motion to Quash. Magpapatuloy ang mga abogado ng PAO mula sa Kidapawan at Davao sa pagbibigay ng legal assistance sa mga akusado.
Pinaglamayan din ng hukom kasama ang mga tauhan ng hukuman upang matapos ang kailangang requirements sa pagpapalaya sa mga akusado.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |