|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Mga Simbahang Protestante, nagkaisang manawagan para sa malinis na halalan
SINUPORTAHAN ng pastor ng simbahang Protestante ang mga Katoliko sa panawagang magkaroon ng maayos at payapang halalan.
Sa kanilang paglahok sa Tapatan sa Aristocrat, sinabi nina Pastor Carlos Cao, Jr. at Jose Biasong na nahaharap ang bansa sa mahigpit na pagsubok at ito ay may kinalaman sa pagpili ng magiging pinuno. Mahalaga ang papel na gagampanan ng mga mamamayan at ng boto ng lahat ng mga kwalipikadong botante.
Kailangan umanong makita ang kapayakan ng buhay ng mga kandidato at walang anumang bahid ng 'di maipaliwanag na yaman tulad rin ng kanyang pamilya na maaaring nabubuhay sa luho.
Kailangan ding makita kung may nagawa na ang kandidato at kinakitaan ng pagiging tunay na lingkod-bayan. Nais din nilang malaman kung isinusulong ng kandidato ang transparency at accountability sa tanggapan.
Marapat din umanong nakababatid ang kandidato ng mga karanasan ng karamihan ng mga mamamayan, ng mahihirap at kikilos upang bumaba ang halaga ng gamot, kuryente, medical health services at kung nagsusulong din ng katatagan sa supply ng pagkain, pagkakaroon ng daan tungo sa edukasyon at pagpaparami ng hanapbuhay.
Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit kailangang suriin ng mga mamamayan ang katangian ng mga kandidato sa darating na halalan.
| ||||
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |