|
||||||||
|
||
Melo 20160504
|
Epekto ng "command votes," maliit lamang
WALANG gasinong bisa ang dikta ng mga alkalde, punong-barangay at maging pinuno ng pananampalataya sa desisyon ng botante kung sino ang nais niyang ihalal.
Ito ang sinabi ni G. Leo Rando S. Laroza, Director of Survey Data Archives, Library, Communications and Publications Group ng Social Weather Stations sa isang panayam kanina.
Hanggang sa mga oras na ito, wala pang nakatitiyak na magwawagi sa halalan sa Panguluhan at Pangalawang-Panguluhan at mga Senador, dagdag pa ni G. Laroza. "It's anybody's ballgame," dagdag pa niya.
Naniniwala umano sila sa SWS, isa sa mga kinikilalang survey entities sa Pilipinas na may bisa ang endorsements sa mga kandidato sa pamahalaang panglalawigan, lungsod o bayan.
Walang gasinong epekto ang mga endorsements para sa mga kandidato sa pamahalaang pambansa.
Ang Social Weather Stations ay nakagawa na ng mga panananliksik sa nakalipas na 30 taon. Ipinaliwanag ni G. Laroza na gumagawa sila ng survey upang mabantayan ang uri ng buhay ng mga mamamayan at mabatid ang kanilang kalagayan at kung ano ang kanilang pananaw sa takbo ng pamahalaan.
Idinagdag pa ni G. Laroza na gumagawa sila ng mga survey sa panahon ng halalan upang mabatid kung tama ang kanilang pamamaraan ng pag-aaral ng lipunan at malaman na rin kung tama ba ang kanilang nakuhang datos mula sa mga mamamayang kumakatawan sa populasyon ng bansa.
Sa mga pagsusuring ginawa hinggil sa mga ibinoto ng mga mamamayan at kung tumugma ang sagot ng mga botante sa kinalabasan ng halalan, napakalaki ng posibilidad na hindi sila nagsisinungalin sa mga sagot hinggil sa lipunan at pamahalaan.
Bago pa man naglabas ng talaan ang Commission on Elections ng mga kandidato sa pagka-pangulo hanggang senador, nagtanong na sila sa mga mamamayan kung sino ba ang kanilang ihahalal kung gagawin ang eleksyon sa partikular na araw.
Ayon kay G. Laroza, walang gasinong epekto ang kinalalabasan ng mga survey sa magiging desisyon ng mga botante kung sino ang ihahalal pagsapit ng eleksyon sapagkat sa kanilang mga pagsusuri, umaabot lamang sa 2% ang sumusunod sa kinalalabasan ng survey o nagpapahalaga sa partikular na kandidatong nangunguna sa surveys.
Samantala, mayroon ding mumunting epekto sa desisyon ng mga botante kung sino ang kinikilalang underdog sa survey sapagkat kung pagsasamahin ang mga botanteng pabor sa kandidatong popular at ang mga botanteng susuporta sa mga kinikilalang underdog, magkakapareho lamang ang suportang makakamtan ng dalawang panig.
May mga botanteng nakukumbinse ng impormasyong lumalabas sa mga balita, sa pamamagitan ng mga kamag-anak at kapitbahay.
Ayon kay G. Laroza, may ginawa na silang surveys noon pa mang 2015. Matapos lumiwanag kung sino ang mga kandidato sa halalang pambansa, gumawa ng surveys ang Social Weather Stations noong Enero, Pebrero, Marso, April at maglalalabas sila ng survey sa linggong ito sapagkat gagawin ang pambansang halalan sa Lunes, ika-9 na araw ng Mayo.
Ipinagmalaki ni G. Larosa na nakita nila ang pagwawagi ni dating Makati Mayor Jejomar C. Binay noong 2010 sa patuloy na pagtaas ng kanyang ratings ilang araw bago naganap ang halalan. Sa mga nakalipas na buwan bago idinaos ang halalan noong 2010, natuon ang pansin ng mga mamamayan kina Mar Roxas at ngayo'y Senador Loren Legarda.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |