|
||||||||
|
||
NANAWAGAN ang Philippine Chamber of Commerce and Industry sa mga mangangalakal na Filipinong sumama sa delegasyong makikiisa sa 13th China-ASEAN Business and Investments Summit (CABIS) sa ika-13 hanggang ika-14 ng Setyembre sa Guangxi Province.
Ito ang sinabi ni PCCI President George Barcelon sa isang pahayag. Naghahanda na ang kanyang samahan para sa tauhang pagtitipon matapos dumalaw ang isang pito-kataong delegasyon mula sa China Council for the Promotion of International Trade – Guangxi Committee at delegasyon ng CABIS na nagparating ng pormal na paanyaya.
Humarap sa delegasyon si Dr. Francis Chua, PCCI Chairman – Emeritus, Seregio Ortiz Luis, Jr. at Crisanto Frianeza, pawang mga opisyal ng PCCI. Pinamunuan ang delegasyon ni Din Yuanglong, deputy secretary-general, CABIS secretariat at vice-chairman ng China Committee on the Promotion of International Trade at Wu Yihul, secretary-general ng CCPIT Guangxi committee at Guangxi International Chamber of Commerce.
Sinimulan ang CABIS may 13 taon na ang nakalilipas at nanguna na ang PCCI sa pagiging kinatawan ng pribadong sektor sa pagtitipon.
Pag-uusap ang susi sa kapayapaan
NANINIWALA si Dean Zhao Qizheng ng School of Journalism ng Renmin University of China na sa likod ng mga 'di pagkakaunawaan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina ay nananaig ang tinaguriang common interests.
Sa isang media briefing Martes, Hulyo 19, 2016 isang araw matapos ang Think Tank Seminar on South China Sea and Regional Cooperation and Development sa Singapore, sinabi ni Dean Zhao na ang pag-uusap ng magkabilang panig ay makatutulong sa higit na unawaan.
Maaaring maging malalim ang mga paksang pag-uusapan na magtatagal ng mga ilang taon. Kabilang sa posibleng pag-usapan ang paggamit ng likas na yaman mula sa karagatan, pangingisda, search and rescue at iba pang mahahalagang bagay.
Kahit pa malaki ang posibilidad na magtagal ang pag-uusap, tiyak na magkakaroon ng magandang epekto sa rehiyon, dagdag pa ni Dean Zhao.
Naunang binanggit ni Dean Zhao sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng maghapong pulong na sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga pananaw ay higit na huhupa ang tensyong namamagitan matapos lumabas ang desisyon ng Arbitral Tribunal.
Sa pananaw ng mga Tsino, ang desisyon ay nag-ugat sa politika na nagkubli sa batas. Maliwanag umano ang karapatan ng Tsina na mamili ng paraan ng dispute settlement.
May naunang kasunduan ang Pilipinas at Tsina na lulutasin ang 'di pagkakaunawaan sa pamamagitan ng negosasyon at konsultasyon na ayon din sa pangako ng Pilipinas sa 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea.
Ipinagtataka rin ng propesor ang bahagi ng desisyon na nagsabing hindi pulo ang Taiping kaya't hindi rin maliwanag sa kanya kung ano ang pananaw ng nasabing tribunal sa mga batuhan at mga pulo. Naging maingat ang international community sa pagkilala ng mga batuhan at pagkakaiba nito sa mga pulo.
Sinabi naman ni Professor Sienho Yee ng School of Law ng Wuhan University sa nasabing na media briefing na kailangang magkasundo ang dalawang bansa kung ano ang pag-uusapan sapagkat sa mga oras na ito, hindi magiging madali ang paghaharap ng dalawang panig.
Para kay Prof. Yee, isang magaling na abogado si Pangulong Rodrigo Duterte at marahil ay isang magandang makadebate.
Ulat: Melo
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |