|
||||||||
|
||
20170125 Melo Acuna
|
BINIGTI na si Jakatia Pawa, isang Filipina na nahatulan ng parusang kamatayan matapos patayin ang anak ng kanyang pinaglilingkuran noong 2007.
Malungkot na ibinalita ni Assistant Secretary Charles Jose ang pagpapatupad ng parusang kamatayan sa Filipina sa isang press conference kanina. Ipinarating din ni G. Jose ang pakikiramay sa pamilya ng manggagawang Filipina. Isang ina'ng may dalawang anak, si Pawa ay ginawaran ng parusang kamatayan kaninang alas tres dies y nuebe ng hapon oras sa Pilipinas at pasadong ika-sampu ng umaga sa Kuwait.
Ito ang unang pagkakataong pinarusahan ng kamatayan ang isang Filipino sa nakalipas na ilang taon. Nahatulan ng kamatayan si Pawa, 42 taong gulang ng Court of First Instance noong 2010 sa pagpaslang sa 22 taong gulang na anak ng kanyang pinaglilingkuran.
May dalawang anak na 18 at 16 na taong gulang atg isang taga-Zamboanga del Norte, nakapagtapos si Pawa ng banking and finance sa Arturo Eustaquio College ng Zamboanga City na ngayo'y kilala sa pangalang Universidad de Zamboanga.
Sa paglilitis, sinabi ni Pawa na naglingkod sa Kuwait noong 2002 na wala siyang kinalaman sa pagpaslang sapagkat ang pamilya nito ang mayroong motibo sa pakikipagrelasyon ng biktima sa isang kapitbahay.
Sinabi ni G. Jose na mula pa noong panahon ni dating Pangulog Gloria Macapagal-Arroyo ay nanawagan na ang Pilipinas sa pamilya ng biktima na patawrin ang akusado kapalit ng blood money.
Hanggang sa wakas ay tumanggi ang pamilya ng biktimang patawarin ang akusado.
Mayroon pang 88 mga Filipinong nahaharap sa parusang kamatayan sa iba't ibang bansa. Nabigyan si Pawa ng abogado at nakadalaw ang kanyang pamilya sa Kuwait ng tatlong ulit, ang pinakahuli ay noong nakalipas na Oktubre 2016. Nasabihan na rin ng kondenado na gagawaran na siya ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng tawag sa telepono kahapon.
Ayon sa batas ng Islam, ililibing siya sa Kuwait.
Mayroong 10 milyong mga manggagawa na karamiha'y mga kasambahay, construction workers, medical personnel na kalat sa Asia, Middle East, Africa at Estados Unidos at Europa kaya't nahaharap sila sa mga pang-aabuso at iba pang trahedya.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |