|
||||||||
|
||
20170511PCOOMartin.mp3
|
Upang mapasulong ang pagpapalitan ng Pilipinas at Tsina sa larangan ng kultura at media, dumalaw kamakailan si Kalihim Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at kanyang delegasyon sa tanggapan ng Radyo Internasyonal ng Tsina (CRI).
Mainit namang pagtanggap ang isinalubong ng mga opisyal ng CRI, partikular ng Serbisyo Filipino kay Andanar at kanyang delegasyon. Sa kanyang pakikipagtagpo kay Tian Yuhong, Pangalawang Pangulo ng CRI, ipinahayag ni Andanar ang pasasalamat sa suporta at tulong ng Tsina sa ekonomiya ng Pilipinas.
Sinabi ni Sec. Andanar, na ang Tsina ay hindi lamang kaibigan ng Pilipinas, kundi isang kapatid.
Sinabi niyang, pinirmahan kamailan ng CRI at PCOO ang ilang kasunduan upang mapalakas ang pagpapalitan ng dalawang bansa sa pamamahayag.
Nakatuon ang atensyon ng Pilipinas sa pagpapatupad ng mga ito, dagdag ni Andanar.
Iminungkahi rin ni Andanar ang pagsasahimpapawid sa Pilipinas ng mga lokal na programa ng CRI sa pamamagitan ng Radyo ng Bayan.
Samantala, pinapurihan niya ang mga mamamahayag ng Serbisyo Filipino ng CRI sa magandang trabahong kanilang ginagawa at kanilang magaling na pagsasalita ng wikang Filipino.
Ipinapakita nito aniya ang adhikain ng Pamahalaang Tsino, hindi lamang sa matagumpay na pamamahala ng bansa, kundi rin sa pagpapa-abot at pagbabahagi ng kaisipan, kultura at kaunlaran ng Tsina sa iba pang dako ng daigdig.
Dagdag pa ng kalihim na Pilipino, lubhang napakalaki ng potensyal sa kooperasyon ng CRI at Radyo ng Bayan.
Kaya naman, nais aniya ng Pilipinas na palakihin at i-overhaul ang Radyo ng Bayan, at palakasin ang pagsasahimpapawid nito sa short wave (SW).
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng CRI at Radyo ng Bayan sa SW, maipapaabot aniya ng Tsina sa mga Pilipino ang magandang balita at ganoon din ang Pilipinas sa mga Tsino, at malalabanan ng dalawang bansa ang paglaganap ng mga pekeng balita.
Samanatala, ipinahayag naman ng Pangalawang Pangulo ng CRI na si Tian Yuhong, na ang mga nilagdaang kasunduan ng CRI at PCOO noong Pebrero ng taong ito ay nagsisilbing pundasyon ng pagtutulungan ng dalawang panig.
Dagdag niya, bilang bahagi ng mga nasabing kasunduan, kasalukuyang nakikipag-usap ang Serbisyo Filipino ng CRI sa People's Television Network (PTV) hinggil sa magkasamang paggawa ng isang documentary series sa telebisyon na pinamagatang "Mga Pinoy sa Tsina."
Ito ay dokumentaryo hinggil sa pamumuhay, pagtatrabaho at pananaw ng mga Pilipinong nasa Tsina, dagdag ni Tian.
Umaasa aniya ang CRI na maisasahimpapawid ang naturang documentary series sa Tsina at Pilipinas.
Bukod dito, pag-iibayuhin aniya ng Serbisyo Filipino ng CRI ang pagpupunyagi upang maging katotohanan ang mga mungkahi ng panig Pilipino at ang mga nilalaman ng nasabing mga kasunduan.
Pag-aralan din aniya ng CRI ang posibilidad ng pagsasahimpapawid ng mga programa nito sa Radyo ng Bayan at inaasahan din niyang magkakaroon ng mga detalyadong plano hinggil dito.
Sinabi ni Tian, na sa pamamagitan ng Serbisyo Filipino ng CRI, nais ihatid ng CRI sa mga Pilipino ang mga makatotohanan at walang bias na impormasyon tungkol sa Tsina.
Aniya pa, mayroon ding WeChat account ang Serbisyo Filipino ng CRI na nagsasahimpapawid para sa mga Tsino, at misyon nitong ipakilala sa mga Tsino ang magagandang lugar, pagkain at kulturang Pilipino.
Ani Tian, hangad ng CRI na maging isang platapormang multi-media maghahatid sa mga Pilipino ng tunay na mga impormasyon hinggil sa Tsina at maghahatid sa mga Tsino ng tunay na impormasyon hinggil sa Pilipinas, sa pamamagitan ng radio, at new media.
Ang Serbisyo Filipino ng CRI ay ang kaisa-isang himpilang multi-media sa buong mundo na nagsasahimpapawid sa wikang Pilipino mula sa labas ng Pilipinas.
Sec.Martin Andanar(8th mula sa kaliwa), kasama nina Direktor An Xiaoyu ng South east Asia Broadcasting Center (7th mula sa kaliwa), Direktor Xian Jie ng Serbisyo Filipino (una mula sa kaliwa ) at delegasyon ng PCOO
Sec Martin Andanar (kanan) at Rhio Zablan (kaliwa)
Sec. Martin Andanar (kaliwa) at Tian Yuhong (kanan) habang ipinipresenta ang munting ala-ala mula sa CRI
Sec. Martin Andanar (kaliwa) at Tian Yuhong (kanan) habang nagkakamay
Sec. Martin Andanar (kaliwa) habang kinakapanayam ni Rhio Zablan ng Serbisyo Filipino ng CRI
Sec. Martin Andanar sa Bulwaganng CRI
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |