|
||||||||
|
||
Deklarasyon ng Martial Law, tinutulan ng BAYAN
NANINDIGAN ang militanteng Bagong Alyansang Makabayan na hindi angkop na magdeklara ng Batas Militar sa buong Mindanao.
Sa isang pahayag, sinabi ni G. Renato Reyes, nararapat mapigil ang mga armadong alyado ng ISIS sa Marawi City. Nararapat masugpo ang panununog ng mga paaralan kasabay ng kanilang pagkondena sa ginawang ito.
Sa isang pahayag, sinabi ng BAYAN na tama ang desisyon ni Pangulong Duterte na tapusin ang kanyang paglalakbay sa Russia upang pamunuan ang paglutas sa krisis.
Niliwanag nilang tutol sila sa deklarasyon ng Batas Militar sapagkat magiging daan ito ng pag-abuso ng mga alagad ng batas. Magkakaroon ng warrantless arrest, paghahalughog, at walang basehang pagdedemanda laban sa mga karaniwang tao. Higit na madaragdagan ang problema sa halip na magkaroon ng kalutasan. Ang pagdedeklara ng batas militar sa buong Mindanao ay maaaring maging daan upang harapin ang mga katunggaling hindi naman Maute, Abu Sayyaf at ISIS.
Sinabi ng BAYAN na sa tagal na ng kaguluhan sa Mindanao, ugat pa rin ang ibayong kahirapan, 'di pagkakapantay-pantay at paglabag sa karapatan ng mga mamamayang umukit ng kanilang sariling kinabukasan. Hindi ito malulutas ng mga kawal. Hindi tugon ang Martial Law, dagdag pa ni G. Reyes.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |