Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Valentine's Day ng Tsina

(GMT+08:00) 2017-08-30 14:42:44       CRI

Bago ang lahat, nais ko munang bumati sa inyo ng Happy Valentine's Day! Maligayang Araw ng mga Puso mga kababayan!

Siguro nagtataka kayo kung bakit ako bumabati ng Maligayang Araw ng mga Puso, eh Agosto pa lang at sa susunod na Pebrero pa ang Valentine's Day.

Kasi, dito po sa Tsina, ipinagdiwang lang kamakailan ang Qixi Festival o Valentine's Day ng mga Tsino. Tama po ang narinig ninyo. Tulad ng Chun Jie o Chinese Lunar New Year, may Valentine's Day din ang mga Tsino batay sa Lunar Calendar.

Pero, bago natin pag-usapan ang Chinese Valentine's Day at ang pinagmulan nito, nais ko munang ipaliwanag kung ano ang Lunar Calendar.

Ang Nong Li/ Lunar Calendar ay ang tradisyonal na kalendaryo ng Tsina, at kadalasang ginagamit sa agrikultura.

Ayon sa Nong Li, ang quarter moon ay lumilitaw sa unang araw ng kada buwan, at ang bilog na buwan naman ay lumalabas sa kalagitnaan ng kada buwan. Ang siklong ito ay tumatagal ng tatlumpung araw.

Ayon sa magkakaibang posisyon ng araw, dalawamput apat na araw ang tanda ng dalawamput apat na dibisyon sa solar na taon o solar year ng Nong Li.

Halimbawa, ang dibisyon na Li Chun o pagsisimula ng tagsibol ay nagpapaala-ala sa mga tao na parating na ang tagsibol.

Ang Jing Zhe o paggising ng mga insekto ay nangangahulugang magiging mainit na ang panahon.

Ang Li Xia o pagsisimula ng tag-init ay ang panahon ng pag-usbong ng mga pananim.

Ang Da Han o Dakilang Lamig ay ang katapusan ng mabagsik na taglamig.

Lahat ng mga ito ay bumubuo sa isang siklo.

Ang ikatlumpung araw ng ikalabindalawang buwan ng Nong Li ay ang bisperas ng Bagong Taong Tsino; at ang susunod na araw ay ang Pestibal ng Tagsibol.

Ngayon, magpunta naman tayo sa Qixi Festival o Chinese Valentine's Day.

Ang Pestibal ng Qi Xi, na kilala rin bilang Araw ng mga Puso sa Tsina ay ipinagdiriwang tuwing ikapitong araw ng ikapitong lunar na buwan ng Kalendaryong Tsino.

May isang romantikong kuwentong may kaugnayan sa Qi Xi kaya ito binansagang Chinese Valentine's Day.

Ayon kuwento, sa pagpasyal sa daigdig ng isang diwatang taga-langit na nagngangalang Zhi Nv, nagustuhan niya at nahulog ang kanyang damdamin sa isang pastol ng baka na nagngangalang Niu Lang. Di kalaunan, sila ay naging magkasintahan.

Napagpasiyahan ni Zhi Nv na manatili sa daigdig kasama si Niu Lang at mamuhay bilang ordinaryong nilalang.

Pero, ang pagmamahalan sa pagitan ng isang ordinaryong nilalang at diwata ay mahigpit na ipinagbabawal ng mga bathalang diwata sa langit.

Kaya, ang magkasintahan ay pinarusahan ng mga bathalang diwata sa langit, at ginawa silang bituwin na inilagay sa magkabilang dulo ng kalawakan. Maaari lamang nilang silayan ang isat-isa at hindi kailanman magkakasama dahil sa pambihirang distansya sa pagitan nila.

Pinapayagan lamang silang magkasama tuwing ikapitong araw ng ikapitong lunar na buwan kada taon.

Sa araw na ito, nagtitipun-tipon ang mga ibong magpie para gumawa ng tulay sa kalawakan upang muling magkasama ang magsing-irog.

Ang Qi Xi ang pinaka-romantiko sa lahat ng mga tradisyonal na pestibal ng Tsina.

Sa pestibal na ito, ginugunita ng mga Tsino ang katapatan sa pag-ibig at nananalangin sila para sa kaligayahan.

Ito ay isang matandang alamat kung saan nakabase ang Chinese Valentine's Day, at sa panahon ngayon, malawakan itong ipinagdiriwang sa Tsina, taun-taon, lalo nan g mga kabataan.

Tulad din nating mga Pinoy, maraming Tsino ang pumupunta sa mga flower shop upang bumili ng bulaklak para sa kanilang minamahal, gf/bf, asawa at iba pang miyembro ng kanilang pamilya. Sa hapunan ng gabing itoi, kadalasang fully booked ang mga restawran sa dahil sa mga nagde-date na magkasintahan at mag-asawa. Ito'y isang tunay na romantikong araw para sa mga Tsino.

Alam po ninyo mga kaibigan, marami pang ibang pestibal ang Tsina na kahalintulad o ipinagdiriwang din sa Pilipinas. Ilan dito ay Chinese New Year, Dragon Boat Festival, Mid-autumn Festival, Tomb Sweeping Festival at iba pa.

(Ang Pestibal ng Tagsibol o Chun Jie ay ang unang araw sa Kalendaryong Tsino).

(Kapag papalapit na ang Chun Jie, abala ang mga tao sa pagbili ng mga kagamitan, paglilinis ng bahay, pagluluto ng mga tradisyonal na pagkain, paggawa ng mga couplet, at pagsasabit ng mga dekorasyon).

(Ang pagsasalu-salo ng buong pamilya sa hapunan ay ang pinaka-importanteng aktibidad sa Pestibal ng Tagsibol o Chun Jie).

(Ang dumpling ay esensyal na bahagi ng hapunan).

(Nagsasama-sama ang buong pamilya para magdiwang at magsaya).

(Kapag Chun Jie, suot ang kanilang mga bagong damit, binibisita ng mga tao ang isat-isa, at binibigyan ng pera ang mga bata upang magpahayag ng mabuting hangarin).

(Tuwing panahon ng Chun Jie, ibat-ibang selebrasyon ang idinaraos tulad ng mga perya sa templo, mga pagtatanghal, at mga eksibisyon ng parol, na tumatagal nang halos kalahating buwan).

(Ang Zhong Qiu o Pestibal ng Gitnang Taglagas ay pestibal ng pagsasama-sama ng mga pamilya sa Tsina).

(Ito ay ipinagdiriwang tuwing ikalabinlimang araw ng ikawalong lunar na buwan sa Kalendaryong Tsino, kapag nagpapakita ang bilog na buwan sa kalangitan).

(Sa araw na ito, ang mga tao ay kumakain ng minatamis na hugis buwan, na kung tawagin ay "moon cake").

(Sama-samang kumakain ng moon cake at sariwang prutas ang lahat ng miyembro ng pamilya habang pinagmamasdan ang bilog at maliwanag na buwan).

(Sa mga hindi nakauwi sa pamilya, kanilang pinagmamasadan ang bilog na buwan at ina-ala-ala ang mga mahal sa buhay).

(Ang tradisyong ito ay ipinagdiriwang ng lahat ng Tsino sa buong mundo).

(Ang etnikong grupong Dai ay matatagpuan sa probinsyang Yunnan, sa gawing timog-kanluran ng Tsina. Kada taon, ipinagdiriwang nila ang isang enggrandeng pestibal na kung tawagin ay Pestibal ng Pagsasaboy ng Tubig o Po Shui Jie).

(Suot ang magagandang damit, ang mga tao ay kumakanta, sumasayaw, at nagsasabuyan ng tubig sa umaga ng nasabing pestibal).

(Kung mas basa sa tubig, ito ay nangangahulugang mas maraming suwerte sa paparating na taon).

(Kung ang binata ay makakatanggap ng mga pakete mula sa isang dalaga, ito ay nangangahulugang nahulog na ang damdamin ng dalaga sa binata).

(Ang Po Shui Jie ay itinuturing na Araw ng mga Puso ng etnikong grupo ng Dai).

(Ang Po Shui jie ay naging bahagi na ng kultura ng probinsyang Yunnan).

(Sa ngayon, bukod sa mga mamamayang Dai, sumasali rin ang mga turista sa kapana-panabik na pagdiriwang na ito).

(Ang Pestibal ng Qing Ming ay araw ng pagpupugay at paggunita para sa mga Tsino. Idinaraos ng mga tao ang mga seremonya para sa kanilang mga ninuno at namayapang mahal sa buhay, at winawalis ang kanilang mga nitso tuwing ikalima ng Abril ayon sa Kalendaryong Tsino).

(Ayon sa tradisyon, habang winawalis ang nitso, ang mga tao ay naglalagay ng pagkain sa harap ng nito, tinatabunan ng bagong lupa, nilalagyan ng sariwang sanga ng halaman bilang dekorasyon, at niyuyukuran bilang tanda ng paggalang).

(Sa tradisyonal na pintang Tsinong pinamagatang "Tagpo sa Tabi ng Ilog sa Pestibal ng Qing Ming," na iginuhit 900 taon na ang nakakaraan, makikita ang mayamang atmospera at aktibidad sa nasabing araw. Sakay ng kanilang kabayo, ang mga tao ay bumabalik mula sa pagwawalis ng nitso, dala ang kanilang mga kagamitan).

(Ngayon, ang Qing Ming ay isa nang pampublikong piyesta-opisyal sa Tsina. Kahit nagbago nang kaunti ang mga seremonya sa paglipas ng panahon, ipinapahayag pa rin ng mga Tsino ang kanilang pagpupugay at paggunita sa kanilang namayapang mahal sa buhay).

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>