|
||||||||
|
||
20170921 Melo Acuna
|
NAGSAMA-SAMA ang mga pumapabor at kontra kay Pangulong Rodrigo Duterte sa magkakahiwalay na pook. Ganap na ikalawa ng hapon, nagsama-sama ang mga kaalyado ni dating Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa Church of the Holy Sacrifice sa University of the Philippines upang gunitain ang pagdedeklara ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos noong 1972.
Samantala, nagsama-sama ang mga kabilang sa militanteng grupo at mga alagad ng Simbahan sa San Agustin Church sa misang pinamunuan ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David.
Sa kanyang mensahe, nanawagan si Bishop David sa pamahalaan na kilalanin ang kasagraduhan ng buhay at paggalang sa due process sapagkat lahat ng tao'y may karapatan.
Kasama ni Bishop David ang iba't ibang kinatawan ng mga diyosesis at mga kongregasyon ng mga relihiyoso.
Nagtipon din ang mga taga-hanga ni Pangulong Duterte sa Plaza Miranda sa Quiapo. Ayon sa impormasyon bigla silang tumugon sa panawagang magpahayag ng suporta sa pangulo bilang pangbalanse sa mga pagtuligsang magmumula sa iba't ibang grupo. May mga nakalaang t-shirt na ipinamahagi sa mga lumahok.
Naunang niliwanag ni G. Teddy Casino na walang balak ang kanilang grupong pabagsakin ang pamahalaang Duterte bagkos ay mananawagan lamang silang itigil na ang walang pakundangang pagpatay.
Isa sa mga isyu ng grupo nina Sr. Mary John Mananzan at Teddy Casino ay ang paghadlang sa anumang balak ng pamahalaang magdeklara ng Martial Law na unang binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang mga talumpati.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |