|
||||||||
|
||
Melo 20171208
|
Rekomendasyon ng pulisya na isang taong extension ng Martial Law sa Mindanao, pasado sa DILG
KUMATIG ang Department of Interior and Local Government sa rekomendasyon ng Philippine National Police na patagalin pa ang Martial Law sa Mindanao. Ito rin ang kanilang ipinadalang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay DILG Officer-In-Charge Catalino Cuy, ipinasa na nila ang rekomendasyon ng PNP sa tanggapan ng pangulo ng bansa. Kailangan umanong matugunan ang mga panganib na dulot ng mga terorista sa Mindanao, tulad ng Maute at upang madali ang rehabilitasyon ng Marawi City na prayoridad ng Duterte administration.
Kailangan umanong matiyak ang kaligtasan sa Marawi samantalang ginagawa ang rehabilitasyon kaya kailangan ang isang taong extension.
Sinabi naman ni Major General Restituto Padilla, Jr., tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines na nagrekomenda sila ng pagpapalawig ng martial Law sa Mindanao subalit hindi sinabi kung kailan o gaano katagal.
Sumiklab ang kaguluhan sa Marawi City noong ika-23 ng Mayo at tumagal ng limang buwan ang mga sagupaan. May halos 900 mga kasapi ng Maute ang napaslang samantalang may 163 mga kawal ang nasawi kasama ng may 47 mga sibilyan. Mayroong higit sa 1,400 mga kawal ang nasugatan sa mga sagupaan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |