Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Bagong Taon ng Tsina

(GMT+08:00) 2018-02-19 10:56:31       CRI

Manigong Bagong ng Aso! Gou Nian Da Ji!

Ang Bagong Taong Tsino o Chun Jie (春节) sa wikang Tsino ay ang pinaka-importanteng pagdiriwang ng Nasyong Tsino. Pero, ano nga ba ito?

Para maliwanag po nating maisalaysay ang tungkol sa Chun Jie, kailangan muna nating talakayin ang tungkol sa kalendaryong Tsino, o Nong Li (农历).

Ang Nong Li ay ang tradisyonal na kalendaryo ng Tsina, at kadalasang ginagamit sa agrikultura.

Ayon sa Nong Li, ang buwang gasuklay o quarter moon ay lumilitaw sa unang araw ng kada buwan, at ang bilog na buwan naman ay lumalabas sa kalagitnaan ng kada buwan.

Ang siklong ito ay tumatagal ng mga (humigit-kumulang) tatlumpung araw.

Ayon sa magkakaibang posisyon ng araw, dalawamput apat na araw ang tanda ng dalawamput apat na dibisyon sa solar na taon ng Nong Li. Halimbawa, ang dibisyon na Li Chun o pagsisimula ng tagsibol ay nagpapaala-ala sa mga tao na parating na ang tagsibol.

Ang Jing Zhe o paggising ng mga insekto ay nangangahulugang nagiging mainit na ang panahon.

Ang Li Xia o pagsisimula ng tag-init ay ang panahon ng pag-usbong ng mga pananim.

Ang Da Han o Dakilang Lamig ay ang katapusan ng mabagsik na taglamig.

Lahat ng mga ito ay bumubuo sa isang siklo ng pag-ikot ng mundo sa araw.

Ang ikatlumpung araw ng ikalabindalawang buwan ng Nong Li ay ang bisperas ng Bagong Taong Tsino; at ang susunod na araw ay ang Pestibal ng Tagsibol o Chun Jie.

Ang Pestibal ng Tagsibol/Chinese New Year o Chun Jie ay ang unang araw sa Kalendaryong Tsino, at ito ang pinaka-importanteng araw o pagdiriwang para sa Nasyong Tsino.

Kapag dumarating ang panahong ito, tulad din nating mga Pilipino tuwing sumasapit ang panahon ng Kapaskuhan, nagiging abala ang mga Tsino sa pagbili ng mga kagamitan, paglilinis ng bahay, pagluluto ng mga tradisyonal na pagkain, paggawa ng mga couplet at pagsasabit ng mga dekorasyon at pinta.

Ang pagsasalu-salo ng buong pamilya ay ang pinaka-importanteng aktibidad sa Chun Jie.

Ang dumpling ay hindi maaaring mawala, dahil kinakatawan nito ang pagsasama-sama ng pamilya at magandang hangarin para sa papasok na taon.

Sa araw ng Chun Jie, kailangang magsalu-salo ang buong pamilya para magdiwang at magsaya.

Ang mga magulang, anak, at iba pang miyembro ng pamilya ay kailangang umuwi sa kanilang lupang tinubuan upang bisitahin ang kanilang mga mahal sa buhay.

Kapag Chun Jie, suot ang kanilang mga bagong damit, binibisita ng mga tao ang isat-isa, at binibigyan ng pera ang mga bata upang magpahayag ng mabuting hangarin.

Sa panahong ito, ibat-ibang selebrasyon ang idinaraos tulad ng mga perya sa templo, mga pagtatanghal, at mga eksibisyon ng parol, na tumatagal nang halos kalahating buwan.

Kapag Chinese New Year sa Pilipinas, kadalasang makikita ang mga parada sa China Town, mga lion dance, paputok at ibat-ibang palabas; at siyempre, hindi mawawala ang tikoy at hopya.

Pero, rito sa Mainland Tsina, lalo na sa bandang hilagang Tsina, iba po ang kagawian.

Ang mga taga-hilagang Tsina ay may kakaibang kagawian at uri ng pamumuhay kumpara sa mga Tsino sa timog.

Dito po sa hilagang Tsina, may mga kagawian tuwing panahon ng Chun Jie.

Sa ika-24 na araw ng huling lunar na buwan, naglilinis ng bahay at kapaligiran ang mga Tsino. Ito'y simbolo ng pagwawaksi ng mga di-kanais-nais, at paghahanda sa pagpasok ng bagong taon.

Sa ika-26 at ika-27 araw ng lunar na buwan, namimili o nag-sha-shopping ang mga Tsino, bilang paghahanda sa mga bisita. Ang masaganang hapag-kainan ay simbolo ng suwerte sa pagpasok ng bagong taon.

Ang huling araw ng lunar na buwan ay ang bisperas ng Chun Jie. Dito, nagsasalu-salo sa hapunan ang buong pamilya, nanonood ng Spring Festival Gala sa CCTV, at pinapanood ang mga paputok.

Ang unang araw naman ng unang lunar na buwan ay panahon ng pagkain ng dumpling, pagbisita sa bahay ng mga kamag-anak, pagbibigay ng regalo sa mga bata at pamamasyal.

Sa ikalawang araw ng unang lunar na buwan, nagninilay at bumibisita sa mga templo ang mga Tsino. Sa panahong ito, ang mga may-asawang anak na babae ay dumadalaw sa kanilang mga magulang.

Ang ika-15 araw ng unang lunar na buwan ay ang pagdiriwang ng Pestibal ng mga Parol o Lantern Festival. Ito ang huling araw ng Panahon ng Chun Jie. Sa araw na ito, kumakain din ng palitaw o yuan xiao ang mga Tsino at pinapanood ang mga napakagandang inilawang parol o deng long. Ito'y simbolo ng pagsasama-sama ng pamilya.

Ang Deng Long ay ang tradisyonal na kagamitang pang-ilaw ng Tsina, na kumakatawan sa kahalagahan at kaligayahan.

Ang tradisyonal na Deng Long ay nababalutan ng manipis na papel at may nakasinding kandila sa loob.

Tumatagos ang sinag ng kandila mula sa manipis na papel.

May ibat-ibang disenyo ang Deng Long.

Ang mga Deng Long ay pinipintahan ng magaganda at masusuwerteng kulay.

Sinisindihan ng mga Tsino ang ilang Deng Long bilang simbolo ng kaligayahan at suwerte sa ika-15 araw ng unang lunar na buwan. Pinapanood din nila ang mga palabas ng Deng Long kasama ang pamilya tuwing Pestibal ng Parol.

Lumalaganap ang kahalagahan at kaligayahan sa ibat-ibang pamilya sa pamamagitan nito

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>