|
||||||||
|
||
Mga terorista, naghahanap ng mapagkukutaan sa Mindanao
SAMANTALANG walang direktang koneksyon ang kahirapan sa paglaganap ng violent extremism, kailangang tumugon ang iba't ibang pamahalaan sa mga nagaganap sa kani-kanilang nasasakupan.
HAMON NG VIOLENT EXTREMISM, KAILANGANG TUGUNAN. ito ang sinabi ni G. Irfan Saeed, director ng Office of Countering Violent Extremism sa isang teleconference na kinatampukan ng mga mamamahayag mula sa timog silangang Asia kagabi. (Asia-Pacific Regional Media Hub photo)
Ito ang sinabi ni Ginoong Irfan Saeed sa isang teleconference sa mga mamamahayag sa timog-silangang Asia kagabi.
Nagmula si G. Saeed sa Office of Countering Violent Extremism sa US State Department.
Ayon sa kanya, noong nakalipas na taon ay nabatid na higit sa 1,000 mga mandirigma mula sa timog silangang Asia ang nakarating sa Syria at Iraq at sumabay sa mga mandirigmang ISIS. Wala na umanong nababalitang mga nagmumula sa rehiyon subalit nananatili pa rin ang panganib.
Sa pinsalang tinamo ng ISIS sa Syria at Iraq, naghahanap na sila ng mapapagkublihan at ligtas na pagkukutaan sa mga pook sa Mindanao, sa mga kalapit-bansa sa Asia.
Ipinaliwanag niyang hindi nakasalalay sa kahirapan ang dahilan ng paglahok ng mga mandirigma sa violent extremist activities sapagkat mayroong mga kabataang may matatatag na hanapbuhay at sapat na pinag-aralan na nakakasama sa pakikidigma.
Kailangan umanong manaliksik ang mga pamahalaan upang mabatid ang mga dahilan ng paglahok ng kanilang mga mamamayan sa pakikidigma. Kailangang mabatid ang mga hinaing ng mga mamamayan upang matugunan ito. Makakaiwas ang mga pamahalaan sa pagkakaroon ng mga mandirigma sa pagkakaroon ng mahahalagang palatuntunang pangkaunlaran. Kailangan ding makialam ang pamahalaan sa larangan ng rehabilitasyon at pagbalik na muli sa lipunan ng mga naging mandirigma.
Isang mahalagang bagay, dagdag pa ni G. Saeed ang pagkakaroon ng mga pangtapat na mensahe mula sa mga pamahalaan upang masugpo at matapatan ang propaganda ng mga violent extremist groups.
Kailangang tugunan ang mga matatamis ng kataga ng mga ito na siyang nakatatawag pansin sa mga kabataan.
Higit sa lahat, ani G. Saed, kailangan ng national action plan na maipatutupad sa pagtugon sa mga mapaghimagsik na grupong alyado sa mga terorista.
Magtatagumpay ang mga programang ito sa pamamagitan ng bilateral at multi-lateral agreements, dagdag pa ng dalubhasa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |