|
||||||||
|
||
20180509Palakasan.mp3
|
Prof. Zhong Bingshu, President ng CUPES
Prof. Zhou Qingjie, Director ng Sports Exchange Research Center ng China Foreign Affairs University
Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina
Ivan Frank M. Olea, Minister at Consul General ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing
Sa "Sports Forum for Ambassadors to China from Belt and Road Countries," sa Capital University of Physical Education and Sports (CUPES), na idinaos kamakailan sa Beijing, ipinahayag ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na mayroong Memorandum of Understanding (MOU) ang Pilipinas at Tsina hinggil sa kooperasyong pampalakasan, na nag-e-enkorahe sa mga organisasyong pampalakasan ng dalawang bansa na pahigpitin ang kanilang kooperasyon sa internasyonal na usaping pampalakasan, pagsali ng mga atleta ng dalawang panig sa mga internasyonal na kompetisyong idinaraos sa Pilipinas at Tsina, at palakasin ang pagpapalitan sa pagitan ng mga espesyalista sa palakasan ng dalawang bansa.
Naniniwala si Sta. Romana na magandang plataporma ang nasabing MOU para matutunan ng mga coach at atletang Pilipino ang mga pag-unlad at kaalaman mula sa Tsina, palakasin ang pagpapalitan ng mga atleta ng dalawang bansa, at marami pang iba.
Bagamat, sumasali ang Pilipinas sa mga internasyonal na kompetisyong pampalakasan, at magagaling at pursigido ang mga atletang Pilipino upang magkamit ng medalya at karangalan para sa Pilipinas, hindi aniya sapat ang mga ito upang masungkit ang pinaka-inaasam na medalyang ginto mula sa Olimpiyada.
Dagdag pa niya, sa 2017 Southeast Asian Games na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia, pang-anim lamang ang Pilipinas sa talaan ng medalya.
Samanatala, sa huling Asian Games na idinaos sa Timog Korea noong 2014, 15 medalya lamang aniya ang nakuha ng Pilipinas at ito ay ika-22 sa talaan ng medalya.
Ang Tsina ang nasa unang puwesto sa talaan ng medalya, sa kompetisyong iyon, anang embahador.
Dagdag ni Sta. Roaman, isa sa mga nangungunang bansa sa daigdig, sa larangan ng palakasan ang Tsina, at marami aniyang kailangang matututunan ang Pilipinas sa mga karanasang natamo ng Tsina sa larangan ng palakasan.
"Ang Tsina ay maikokonsidera bilang sports superpower," sabi ng embahador Pilipino.
Makikita aniya ang malaking pag-unlad na nakamtan ng Tsina sa maraming internasyonal na kompetisyon, tulad ng Summer at Winter Olympics, Asian Games at marami pang iba.
Ang pagtutulungan ng Pilipinas at Tsina sa larangang ito ay makakapagsigla nang malaki sa pag-a-upgrade sa abilidad at kaalaman ng mga coach at atletang Pilipino, at makapagbibigay-daan sa pagtatayo ng mga makabagong pasilidad na pampalakasan sa Pilipinas, aniya.
Dagdag ni Sta. Romana, ito ay magtataas sa kalidad ng abilidad ng mga atletang Pilipino na sumasali sa mga internasyonal na kompetisyon.
Samantala, ipinahayag naman nina Professor Zhong Bingshu, Pangulo ng CUPES at Professor Zhou Qingjie, Direktor ng Sports Exchange Research Center ng China Foreign Affairs University, ang malugod na pagtanggap sa pagdaraos ng nasabing aktibidad.
Anila, makakabuti ang pagdaraos ng ganitong mga porum upang mapalakas ang pag-uunawaan at pagpapalitan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas sa larangan ng palakasan.
Nakahanda anila ang kanilang mga institusyon upang sumuporta at magbigay-tulong sa mga atletang Pilipino.
Arnis/Eskrima/Kali, itinuro sa mga mag-aaral ng CUPES
Sa kanyang hiwalay na presentasyon, ipinaliwanag at ipinakita naman ni Ivan Frank M. Olea, Minister at Consul General ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing sa mga mag-aaral at propesor ng CUPES ang Arnis/Eskrima/Kali, na kilala rin sa tawag na Filipino Martial Arts (FMA).
Ani Olea, dahil sa dami ng isla at wika sa Pilipinas, ang FMA ay kilala sa maraming tawag, kabilang na rito ang Arnis, Eskrima at Kali.
Pero, aniya, kahit anuman ang tawag dito, ang FMA ang tradisyonal na sining sa pakikipaglaban ng mga Pilipino, at ito rin ang pambansang laro ng bansa.
Ipinaliwanang ni Olea, na gumanap ng maraming papel ang FMA sa kasaysayan ng Pilipinas, tulad noong 1521, nang subukang sakupin ng kongkistador na si Ferdinand Magellan ang Mactan, digmaan sa pagitan ng Pilipinas at Espanya, digmaan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, Ika-2 Pandaigdig na Digmaan, at ngayon, ginagamit ito bilang mabisang kagamitan sa pagtatanggol ng mga sundalong Pilipino laban sa mga terorista sa katimugan ng Pilipinas.
Dagdag ni Olea, ang FMA ay kumakatawan sa totoong kulturang Pilipino at sumisimbolo sa pag-asa at aspirasyon ng bawat Pilipino upang maging malaya at maunlad.
Sa pangunguna naman nina Rhio Zablan, mamamahayag ng Serbisyo Filipino at Punong Guro ng Balintawak Kali China; Huo Yanjie, Guro ng Balintawak Kali China at kauna-unahang Tsinong Guro ng FMA sa Tsina; at Carla Zhang, itinuro at ibinahagi sa mga mag-aaral ng CUPES ang ilan sa mga pundamental na galaw at teknik ng FMA.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |