|
||||||||
|
||
20180914melo.m4a
|
Signal Number 3, nakataas na sa maraming lalawigan sa Hilagang Luzon
ITINAAS na ng pamahalaan ang Storm Signal No. 3 sa Cagayan, kasama na ang Babuyan Group of Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Quirino, Northern Aurora at Isabela. Mararanasan ang hagupit ng bagyong "Ompong" sa hilangang bahagi ng Pilipinas.
Makararanas sila ng hanging mula 121 hanggang 170 kilometro bawat oras sa susunod na 18 oras. Kailangang nagtungo sa matitibay na gusali ang mga naninirahan sa mabababang pook at lumayo sa baybay-dagat at tabing-ilog. Mapanganib din ang paglalakbay sa mga pook na ito lalo na sa karagatan at sa himpapawid samantalang inaasahan ang pagkaputol ng kuryente at telekomunikasyon.
Nakataas ang Signal No. 2 sa Batanes, la Union, Benguet, Pangasinan, Tarlac, Nueva Ecija, Southern Aurora at Northern Zambales. Saklaw ng Signal Number 1 ang Southern Zambales, Pampanga, Bulacan, Bataan, Rizal, Metro Manila, Cavite, Batangas, Laguna, Quezon at Polillo Island, Northern Occidental Mindoro at Lubang Island, Masbate, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay Catanduanes, Sorsogon, Burias at Ticao Islands at Northern Samar.
Nakita ang mata ng bagyo kaninang ala-una ng hapon sa layong 470 kilometro sa silangan ng Baler, Aurora at kumikilos sa bilis na 25 kilometro bawat oras at may lakas na 205 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot naman sa 255 kilometro bawat oras.
Tatama ito sa Isabela-Cagayan area at siyang pinakamalakas sa 15 bagyong pumasok sa Pilipinas.
Nakahanda na ang relief at medical supplies na nagkakahalaga ng P1.7 bilyong piso upang tugunan ang pangangailangan ng mga masasalanta ng bagyong "Ompong.". Maraming mga paaralan, dalubhasaan at pamantasan ang walang klase mula kanina hanggang bukas.
Makalalabas sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong "Ompong" pagsapit ng araw ng Linggo.
Binalaan na ng PAGASA ang mga naninirahan sa baybay-dagat ng Cagayan at Isabela na posibleng tumama ang anim na metrong daluyong dala ng bagyo. Ang alon sa gitna ng karagatan ay posibleng tumaas sa 14 na metro sa pook na nasasaklaw ng Signal No. 3.
Magkakaroon din ng daluyong sa mga baybay dagat na saklaw ng Signal No. 2 na magmumula sa higit sa apat hanggang 14 na metro.
Samantala ang mga pook na saklaw ng Signal No. 1 ay posibleng makaranas ng along aabot sa apat na metro sa gitna ng karagatan.
Pinayuhan na ang mga mangingisda at mga nagbabangka na huwag na munang pumalaot dala ng panganib na dulot ng bagyong "Ompong."
Sa pananalasa ni "Ompong" sa hilagang Luzon, sisidhi naman ang Habagat sa Kabisayaan. Posible ring maging maulan sa ilang pook ng Kabisayaan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |