|
||||||||
|
||
20181129JackI.mp3
|
Katatapos lang ng makasaysayang pagbisita ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Pilipinas, at dahil dito, 29 na landmark na kasunduang pangkooperasyon ang nalagdaan.
Dahil din sa naturang pagbisita, naitaas ang relasyong Sino-Pilipino sa "Komprehensibong Estratehikong Partnership." Ang ibig pong sabihin niyan, pumasok na ang relasyon ng Pilipinas at Tsina sa lebel, kung saan ang lahat ng mga kasunduan at detalye ng mga ito ay titimbangin, nakabase at nakapokus sa positibong resulta para sa kapuwa panig.
Halimbawa, lahat po ng kasunduang papasukan ng Pilipinas at Tsina, simula ngayon ay nakapokus sa benepisyong matatamo ng mga mamayang Pilipino at Tsino.
Kasama sa mga napirmahang bilateral na kasunduan ng dalawang panig ay hinggil sa ekplorasyon ng langis at gas. kooperasyon sa trade at investment, pagdedebelop ng imprastruktura, agrikultura, edukasyon, memorandum of understanding (MOU) sa kooperasyon sa Belt and Road Initiative (BRI), kasunduang kultural, at marami pang iba.
Tungkol sa pagpapalakas ng kooperasyon sa edukasyon, alam ba ninyong may kompanyang Tsinong nakabase sa Beijing ang may halos 17,000 empleyadong Pinoy?
Ano itong kompanyang ito? Ito ang 51 Talk. Eh, ano naman ka n'yo itong 51 Talk? Ang 51 Talk ay isang kompanya ng pagtuturo ng Ingles sa platapormang online.
Binisita po kamakailan ni Embahador Jose Santiago Sta. Romana ang punong himpilan ng kompanyang ito sa Beijing at pinalad po ang inyong lingkod na makasama sa pagbisitang ito. Sa pakikipag-usap ni Sta. Romana kay Jiajia Huang, Tagapagtatag at Chief Executive Officer (CEO) ng 51 Talk, pinapurihan niya ang mga proaktibong hakbang na ginagawa ng kompanya upang bigyan ng disenteng trabaho ang mga Pilipino.
Ang 51 Talk ay isang kompanyang Tsino, kung saan halos 16,000 Pilipino ang nagtatrabaho bilang online na tagapagturo ng Ingles sa mga Tsino.
Bukod dito, mayroon pa itong halos 1,000 full time na empleyadong nasa mga tanggapan sa Pilipinas.
Ito'y nakabase sa Beijing at may mga opisina sa mga lunsod ng Tsina na gaya ng Shanghai, Wuhan, Guangzhou, at Shenzhen.
Sa Pilipinas, ang 51 Talk ay may mga tanggapan din sa Manila, Baguio at Bacolod.
Bilang bahagi ng 29 na kasunduang napirmahan sa pagbisita ni Pangulong Xi sa Pilipinas, at pagkakalagda ng MOU ng Pilipinas at Tsina hinggil sa pagpasok ng mga Pilipinong guro ng Ingles sa Tsina, sa 2018 Bo'ao Forum for Asia (BFA), pumasok din ang di-masukat na posibilidad sa pagkakaroon ng kolaborasyon ng mga talento ng dalawang bansa.
Samantala, ang naturang MOU ay magsisilbing katalista upang lalo pang mapalakas ang pangangailangan para sa mga Pilipinong guro ng Ingles sa Tsina, dagdag ni Sta. Romana.
Ayon naman kay Jiajia Huang, kapana-panabik para sa 51 Talk ang pagkakalagda ng nasabing MOU, dahil sa pamamagitan nito, makikilala ng mga Tsino ang abilidad ng mga Pilipino sa wikang Ingles, at magbibigay rin ito ng lehitimasiya sa pagkakaroon ng mas marami pang Pilipinong tagapagturo ng Ingles sa Tsina.
Para kay Huang, ang mga Pilipino ang pinakamagaling na tagapagturo ng Ingles sa buong mundo, kaya naman gustung-gusto niyang magkaroon pa ng mas maraming Pilipino sa 51 Talk.
Aniya, ang 51 Talk ay nagsisilbing tulay ng edukasyon, kultura at pagkakaibigan sa pagitan ng mga Tsino at Pilipino.
Dagdag pa niya, sa ngayon, halos 1,000 tagapagturong Pilipino ang natatanggap sa 51 Talk kada buwan, at para sa mga gustong subukang maging aplikante, magtungo lang sa 51talk.ph, magrehistro at sundin lang ang mga direksyon.
Captions:
Ang empleyado ng 51 Talk na kinausap ni Embahador Jose Santiago Sta. Romana
Embahador Jose Santiago Sta. Romana (kaliwa) habang kinakausap ang isa sa mga empleyado ng 51 Talk
Embahador Jose Santiago Sta. Romana (kanan) at Jiajia Huang (kaliwa) habang umaakyat ng hagdan
Embahador Jose Santiago Sta. Romana, sa kanyang pagdating sa tanggapan ng 51 Talk sa Beijing
Jiajia Huang, Tagapagtatag at CEO ng 51 Talk
Opisyal na logo ng 51 Talk
Paskil bilang pagtanggap kay Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina
Pintuan ng isa sa mga silid ng 51 Talk na pinangalanang Manila
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |