|
||||||||
|
||
20181220PaglalakbayGuangxi.mp3
|
Kung kayo ay dadalaw sa Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi ng Tsina, siguradong makikita ninyo ang maraming kabigha-bighaning mga tanawin na talaga namang magpapa-wow at pupukaw ng inyong damdamin.
Ang rehiyong ito ay maituturing na tagpuan ng kultura ng Timogsilangang Asya at Tsina, kaya naman napakamakulay ng kagawian, pananamit, sayaw at siyempre, pagkain dito.
Bukod pa riyan, ang Guangxi ang siya ring permanenteng tahanan ng China-ASEAN Exposition (CAExpo) at ginaganap ito tuwing Setyembre o Oktubre kada taon, kaya hindi lang ito tagpuan ng kultura ng Tsina at Timogsilangang Asya, kundi plataporma rin para sa pagpapalitang pang-ekonomiya ng dalawang panig.
Kamakailan ay ipinagdiwang ng Guangxi ang ika-60 anibersaryo ng pagkakatatag nito, kaya, noong nakaraang linggo inihatid namin sa inyo ang ilang mga bagay tungkol sa mga kilalang pagkain at meryenda ng rehiyong ito.
Para naman sa ating episode ngayong gabi, hain ng DLYST ang mga nakakatuwang impormasyon tungkol sa mga kahanga-hanga at kabigha-bighaning pasyalan sa lugar na ito.
1. Nanning
Ang lunsod ng Nanning ay ang kabisera ng Rehiyong Awtonomo ng Lahing Zhuang ng Guangxi at matatagpuan sa timog na bahagi ng rehiyon.
Ang Nanning ay may kaaya-ayang heograpikal na lokasyon, at nagkokonekta sa Peninsula ng Indo-Tsina sa kanluran at probinsya ng Guangdong, Hong Kong, Macao at Probinsya ng Hainan sa silangan.
Ito ay hindi lamang mahalagang sentro ng ekonomiya sa kahabaan ng Gulpo ng Beibu, kundi, ito rin ay isang daanan at pasukan para sa mga bansa ng Timogsilangang Asya sa timog at timogkanlurang bahagi ng Tsina.
Sa gitna ng mabilis nitong urbanisasyon, pinahahalagahan ng Nanning ang pagpapa-unlad ng natural nitong kapaligiran at tinaguriang "Berdeng Lunsod ng Tsina," dahil sa malawak nitong kagubatan.
2. Lugar Pasyalan ng Burol Qingxiu
Sa gawing timog ng Nanning at 5 kilometro mula sa sentro ng lunsod, matatagpuan ang Lugar Pasyalan ng Burol Qingxiu, na kulay berde sa buong taon at isa sa 8 lugar pasyalan ng sinaunang Nanning.
Ang Puting Templo ng Ulap sa loob ng lugar na ito ay itinayo noong Dinastiyang Song (960–1279) CE; samantalang ang Pagoda ng Dragon at Elepante ay ginawa naman noong panahon ng Dinastiyang Ming (1368 – 1644) CE.
Ang nasabing pagoda ay nasira dahil sa digmaan, pero, noong 1985, muli itong pinag-ibayo ng lokal na pamahalaan, kasama ang Makalangit na Lawa, Bukal ng Dong, Pagoda ng Phoenix, Templo ng Tubig at Buwan, Pasilyo ng Stele, at iba pang pasyalan.
Ang Makalangit na Lawa sa gitna ng burol ay may mga pabilyon at pasilyo sa pampang.
Sa timog nitong pampang, makikita ang ang mahabang pasilyo patungo sa Pagoda ng Dragon at Elepante sa tuktok ng burol.
Sa kabilang dako, ang 99 na palapag na oktagonal na pagoda ay may taas na 60 metro, at ang diametro nito sa paanan ay 12 metro.
Mayroon itong paikot na hagdanang may 207 bahagdan.
Ito ang pinakamataas na pagoda sa Guangxi.
Kung kayo ay maglalakad mula sa Pagoda ng Dragon at Elepante makikita ang Bukal ng Dong.
Dito madalas magkita-kita ang mga sinaunang iskolar ng Tsina mula sa ibat-ibang paaralan.
Isang opisyal ng Dinastiyang Ming na may apelyidong Dong ang madalas magpunta at magbasa ng mga tula rito.
Kinalaunan, gumawa ng bukal ang mga tao bilang paggunita sa kanya at tinawag itong Bukal ng Dong.
3. Paseo ng Pagkakaibigan
Marilag na nakatayo sa hanggahan ng Tsina at Biyetnam, ang Paseo ng Pagkakaibigan ay Kategorya-I Puwerto ng Tsina.
Matatagpuan, 17 kilometero sa may bandang timogkanluran ng Pingxiang, ang paseo ay mainit na destinasyong panturista, kung saan makikita ang magagandang natural na tanawin ng kalupaan at mararanasan ang kakaibang kagawian at pagkain ng mga nlokal na mamamayan.
Ito ay inilakip sa listahan ng Pambansang AAAA na Atraksyong Panturista ng Tsina noong 2006.
Ang dating pangalan ng paseong ito ay Zhennan (South Pacification), at isa ito sa 9 na mahalagang paseo ng sinaunang Tsina.
Dito nagkaroon ng mahalagang tagumpay ang sandatahang-lakas ng Dinastiyang Qing (1644 – 1912) noong Digmaang Tsino-Pranses.
Ang kasalukuyang gusali sa paseo ay pinanibago noong 1957.
Ito'y may 4 na palapag, 22 metro ang taas at sumasakop sa mga 180 metro kuwadradong lupain.
Ang pundasyon nito ay gawa sa batong may 10 metrong taas, at may daanang arko sa may bandang gitna.
Ang ikalawang palapag ay ginagamit bilang silid-pang-eksibisyon para ipakita ang mga relikya at larawang may historikal na halaga.
Samantala, ang ikatlong palapag naman ay silid para sa pagpupulong, at ang pinakataas na palapag ay lugar kung saan nakasabit ang Pambansang Sagisag at nakawagayway ang Pambansang Watawat.
4. Guilin
Matatagpuan sa hilagangsilangang bahagi ng Guangxi, ito'y sumasakop sa 4,195 kuwadrado kilometrong lupain at may populasyong 1.2 milyon. Ito'y may pangkaraniwang temperaturang nasa 20 digri sentigrado.
Ang Guilin ay isang kilalang historikal at kultural na lugar.
Ito'y nangangahulugang "Gubat ng Acasia," dahil maraming puno ng Acasia na makikita rito, na nagiging mahalimuyak tuwing taglagas. May kasabihang "ipinagmamalaki ng Guilin ang pinakamagandang tanawin sa ilalim ng kalangitan."
5. Ilog Li
Ang kahanga-hangang Ilog Li ay mahalagang bahagi ng tanawin ng Guilin.
Ito'y may habang 170 kilometero, at dumaraan sa Guilin, Yangshuo, at Gongchen.
Makikita sa gilid ng ilog ang mga bundok at burol, mga bangin, berdeng tanawin and malinis na tubig.
Hindi lamang berdeng burol, malinis na tubig, at kahanga-hangang kuweba at bato ang makikita sa Ilog Li, narito rin ang nakakahalinang malalalim na bukal at talampas.
Kapag nariyan ang araw, masasalamin sa berdeng tubig ang mga burol, samantalang kapag maulan at mahamog, ang lugar ay mukha namang engkantadya.
6. Yangshuo
Ang Yangshuo ay isang county sa loob ng prefecture ng Guilin. Ito'y madalas na puntahan ng mga turistang nagtutungo sa Guilin.
Ang Yangshuo ay may maraming Karst formation. Ang Burol ng Buwan at Ilog Yulong, na tinagurian ding "Little Li River," ay dalawa sa pinakapanghalinang tanawin ng county.
May isang kilalang pagtatanghal na ginaganap mismo sa may pampang ng Ilog Li at ito'y tinatawag na Sanjie Liu. Ito'y kumuha ng inspirasyon mula sa natural na tanawin ng lugar.
Ang Sanjie Liu ay isang alamat mula sa Etnikong Zhuang, kung saan itinatampok ang mga kanta ng isang batang babae na patuloy na humahalina sa maraming turista.
Ang Yangshuo County ay may 1,400 taong kasaysayan.
Bukod pa riyan, ito rin ang tahanan ng 11 etnikong nasyonalidad ng Tsina, na kinabibilangan ng Han, Zhuang, Yao, Miao at marami pang iba.
Ang mga eksotikong kasuotan, ibat-ibang kagawian, at makukulay na pestibal ay napakarikit, lalung-lalo na ang kanilang mga awit at sayaw.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |