|
||||||||
|
||
20190110Rizal.mp3
|
Beijing --- Sa pangunguna ni Ministro at Konsul Heneral Ivan Frank M. Olea, idinaos ngayong araw sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing ang paggunita sa Ika-122 anibersaryo ng pagkamartir ni Dr. Jose Rizal.
Sa kanyang pambungad na talumpati, sinabi ni Olea, na si Rizal ay may dugong Tsino, at ang kanyang ninuno sa ama na si Ginoong Domingo Lamco ay isang Tsinong tubong Jinjiang, lalawigan ng Fujian.
Si Consul General Olea
Aniya, si Rizal ay isang di-natitinag na testamento ng matibay na ugnayan ng mga Pilipino at Tsino.
Dagdag pa ni Olea, sa pamamagitan ng kanyang matapang na panulat, malinaw na pananalita, at makatotohanang mga ideya, iniwan ni Rizal sa mga Pilipino at mga mamamayan ng buong mundo ang makabuluhang karunungan at di-nagmamaliw na katapangang nagpabago sa kinabukasan ng Pilipinas at naging inspirasyon sa maraming bansa sa buong mundo.
Sinipi rin ni Olea ang mga kataga ni Rizal, na "ang buhay ay walang saysay kung hindi ito alinsunod sa isang paninindigan. Ito'y tulad ng isang batong nasa lupa na hindi bahagi ng anumang gusali."
Tulad aniya ng mga Pilipinong nasa ibat-ibang sulok ng daigdig, natutunan ni Rizal na ipasa sa mga susunod na salinlahi ang kalayaang produkto ng karunungan, at karunungang mula sa kalayaan.
Sa pamamagitan ng mensaheng ito, ipinagdiriwang ang Ika-122 Anibersaryo ng Pagkabayani ni Rizal, aniya.
Tulad ng sabi ni Consul Genereal Olea, ang great great grandfather sa ama ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal (Pepe) ay isang Tsino.
Si Domingo Lamco, o Ke Yi Nan sa Wikang Tsino ay ang great great grandfather ni Pepe sa kanyang ama, at siya ay nagmula sa Shang Guo Village ng County-Level City ng Jinjiang, Probinsyang Fujian, sa dakong timog silangan ng Tsina.
Dahil sa kabayanihan at dakilang sakripisyo ni Pepe upang mapalaya ang mga Pilipino sa kamay ng mga mapang-alipustang Kastila, si Pepe ay ipinagmamalaki ng mga Tsino, saan mang dako ng mundo dahil ang kanyang ninuno ay nanggaling sa Tsina.
Sa pagtutulungan ng mga pamahalaan ng Pilipinas at Tsina, ipinatayo noong 2003 ang monumento ni Pepe sa lupang tinibuan ng kanyang ninuno, Shang Guo Village, Jinjiang, Probinsyang Fujian, Tsina.
Ang monumentong ito ay isang dakila, di-matitinag at maningning na simbolo ng di-mapaghihiwalay na pagkakaibigan ng mga Pilipino at Tsino.
Bukod pa riyan, ang Jinjiang, ay ang lugar kung saan nagmula ang mga angkan ng karamihan sa mga Pilipinong may dugong Tsino, na gaya ng mga Filipino-Chinese business tycoon na sina Henry Sy, Andrew Chan, Lucio Tan, Tony Tan Caktiong, Carlos Chan, Lucio at Susan Co, at Emilio Yap.
Kaya naman, napakalaki ang papel na ginagampanan ng lugar na ito sa pag-unlad ng relasyon at pagpapalitan ng Pilipinas at Tsina nitong ilang daang taon nakalipas.
Bagamat naninirahan at namumuhay na sa Pilipnas, hindi pa rin nakakaligtaan ng mga Tsinoy ang lugar na pinanggalingan, at ipinagpapatuloy pa rin nila ang ugnayan sa Jinjiang, maging sa panahon ngayon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |