|
||||||||
|
||
20190124SpringFestivalI.mp3
|
Mga kaibigan, sa Pebrero 4, 2019 ay ipagrdiriwang ang Chinese New Year, o Chun Jie sa wikang Tsino. Sigurado akong nasa festive mode na ang ating mga kababayang Tsinoy, lalo na diyan sa lugar ng Ongpin at Sta Cruz.
Siyempre, hindi mawawala ang mga lion dance at pagkain ng tikoy, pansit, mga kakanin at marami pang iba.
Dahil sa nalalapit na pagdiriwang ng Chinese New Year o Chun Jie, isang espesyal na 3 serye ang ihahandog ng DLYST para sa inyong lahat, mula ngayong gabi hanggang sa Pebrero 7.
Ang Pestibal ng Tagsibol o Chun Jie ay ang unang araw sa Lunar na Kalendaryong Tsino.
Ito ang pinakamahalagang pagdiriwang para sa mga Tsino.
Sa mainland Tsina, kapag papalapit na ang Chun Jie,abala ang mga tao sa pagbili ng mga kagamitan, paglilinis ng bahay, pagluluto ng mga tradisyonal na pagkain, paggawa ng mga couplet, at pagsasabit ng mga dekorasyon. Ang pagsasalu-salo ng buong pamilya sa hapunan ay ang pinaka-importanteng aktibidad sa Chun Jie.
Ang dumpling o jiao zi ay esensyal na bahagi ng hapunan.
Kinakatawan ng dumpling o jiao zi ang pagsasama-sama ng pamilya at magandang hangarin.
Nagsasama-sama ang buong pamilya para magdiwang at magsaya.
Kapag Chun Jie, suot ang kanilang mga bagong damit, binibisita ng mga tao ang isat-isa, at binibigyan ng pera ang mga bata upang magpahayag ng mabuting hangarin.
Tuwing panahon ng Chun Jie, ibat-ibang selebrasyon ang idinaraos tulad ng mga perya sa templo, mga pagtatanghal, at mga eksibisyon ng parol, na tumatagal nang halos kalahating buwan.
Base sa Nong Li o Kalendaryong Tsino, ipinagdiriwang ang Chun Jie. Ano ba ang Nong Li o Kalendaryong Tsino?
Kalendaryong Tsino
Ang Nong Li o Kalendaryong Tsino ay ang tradisyonal na kalendaryo ng Tsina, at kadalasang ginagamit sa agrikultura.
Ayon sa Nong Li, ang buwang gasuklay o quarter moon ay lumilitaw sa unang araw ng kada buwan, at ang bilog na buwan naman ay lumalabas sa kalagitnaan ng kada buwan.
Ang siklong ito ay tumatagal ng tatlumpung araw.
Ayon sa magkakaibang posisyon ng araw, dalawamput apat na araw ang tanda ng dalawamput apat na dibisyon sa solar na taon ng Nong Li. Halimbawa, ang dibisyon na Li Chun o pagsisimula ng tagsibol ay nagpapaala-ala sa mga tao na parating na ang tagsibol.
Ang Jing Zhe o paggising ng mga insekto ay nangangahulugang magiging mainit na ang panahon.
Ang Li Xia o pagsisimula ng tag-init ay ang panahon ng pag-usbong ng mga pananim.
Ang Da Han o Dakilang Lamig ay ang katapusan ng mabagsik na taglamig.
Lahat ng mga ito ay bumubuo sa isang siklo. Ang ikatlumpung araw ng ikalabindalawang buwan ng Nong Li ay ang bisperas ng Bagong Taong Tsino; at ang susunod na araw ay ang Chun Jie/Pestibal ng Tagsibol?Bagong Taong Tsino.
Taun-taon, nararanasan ng mga mamamayan ang mga misteryo ng kalikasan dahil sa Nong Li. Sa puntong ito, narito ang isang pang-Spring Festival na awiting Tsino.
Ngayong taon ay taon ng baboy base sa Nong Li.
Paano ba nalalaman kung anong hayop ang nakatugma bawat taon, at saan ito nakabase? Ang sagot mga kaibigan ay ang Shu Xiang. Kung ang Europa ay may 12 konstelasyon, ang Tsina naman ay may Shu Xiang o 12 hayop na sumisimbolo sa labindalawang sangay na ginagamit sa pagtatalaga ng taon.
Tumatagal ng 12 taon ang buong siklo ng 12 hayop, at kada hayop ay nakatalaga sa isang taon.
Naniniwala ang mga Tsino, na minamana ng mga tao ang karakter ng nakatalagang hayop sa kanilang kapanganakan.
Ang mga ipinanganak sa taon ng daga ay matatalino at ang mga ipinanganak sa taon ng baka ay masisipag.
Ang mga ipinanganak sa taon ng tigre ay matatapang at ang mga ipinanganak sa taon ng kuneho ay mapagtimpi at maingat.
Ang mga ipinanganak sa taon ng dragon ay pinagpapala ng kasaganaan, samantalang ang mga ipinanganak sa taon ng ahas ay mga romantiko, tulad ng inyong lingkod
Ang mga ipinanganak sa taon ng kabayo ay mabibilis, at ang mga sa tupa naman ay matatapat.
Ang mga ipinanganak sa taon ng unggoy ay ismarte, samantalang ang mga ipinanganak sa taon ng tandang ay may angking kagandahan. Ang mga ipinanganak sa taon ng aso ay matatapat at ang mga ipinanganak sa taon ng baboy ay may karisma.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |