|
||||||||
|
||
20190418TourismPromotion.mp3
|
Sa pagtataguyod ng Kagawaran ng Turismo-Beijing (DoT)—Beijing Office at Tourism Promotions Board (TPB), idinaos Abril 17, 2019 sa Hilton Hotel, Liangmaqiao, Beijing ang Philippine Tourism Product Presentation and Business Matching 2019.
Bulwagan ng Philippine Tourism Product Presentation and Business Matching 2019
Sa ilalim ng kampanyang "Pinag-ibayong It's More Fun in the Philippines," layon ng pagtitipong i-promote ang turismo at kultura ng Pilipinas sa mga kaibigang Tsino.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Raphael S.C. Hermoso, First Secretary at Cosul ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing, na kasalukuyang nasa ginintuang panahon ang relasyong Pilipino-Sino.
Raphael S.C. Hermoso, First Secretary and Consul ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing
Aniya, kahit noong 1975 lamang pormal na naitatag ang Ugnayang Pilipino-Sino, ang aktuwal na pag-u-uganayan ng mga mamamayang Pilipino at Tsino ay lubhang mas matanda kaysa rito.
Noong panahon ng Dinastiyang Ming, nagbiyahe aniya papuntang Beijing si Paduka Pahala, ang Sultan ng Sulu upang bisitahin ang kanyang kaibigan, ang Emperador Yongle ng Tsina.
Sa kanyang pagbalik patungo sa Sulu nagkasakit ang sultan at ihinimlay ang kanyang labi sa Dezhou, probinsyang Shandong, sa dakong hilaga ng Tsina.
Nang malaman ng Emperador Yongle ang balita, lubha niya itong ikinalungkot, at upang alalahanin at parangalan ang kaibigan, inatasan ng emperador Tsino ang kanyang mga opisyal na magtayo ng musoleong nararapat para sa isang prinsipeng Tsino, salaysay ni Hermoso.
Dagdag niya, ang pagpapalitang tao-sa-tao ng Pilipinas at Tsina ay naitatag daan-daang taon na ang nakakalipas at ito ang sandigan ng relasyong Pilipino-Sino.
Kaya, napakahalaga aniya ng pagdaros ng aktibidad na ito upang lalo pang mapalakas ang pag-u-unawaan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Sa kanya namang hiwalay na talumpati, sinabi ni Tomasito G. Umali, Tourism Attache ng Pilipinas sa Beijing, na patuloy ang pagtaas ng kompetisyon sa larangan ng turismo sa buong mundo.
Tomasito G. Umali, Tourism Attache ng Pilipinas sa Beijing
Ayon aniya sa mga pag-aaral, nagkakaroon ng negatibong epekto sa kapaligiran ang turismo, tulad ng nangyari sa Boracay.
Dahil dito, gumawa aniya ng mga hakbang ang pamahalaang Pilipino upang mapangalagaan at maibalik sa dating kalagayan ang nasabing destinasyong panturista, at dahil sa mga ito, muling naibalik ang kagandahan ng Boracay, sa muli nitong pagbubukas noong huling bahagi ng 2018.
Dagdag ni Umali, isinusulong ng Pilipinas ang berde at sustenableng pagpapa-unlad ng industriya ng turismo.
Kahit patuloy aniya ang pagdami ng mga hotel, rutang panghimpapawid, at iba pang imprastrukturang panturismo sa ibat-ibang lugar sa Pilipinas, sinusunod aniya ng ibat-ibang ahensya ng pamahalaan ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na isulong ang sustenable at responsableng turismo na mgibibigay ng pangmatagalang benepisyo at mabuting kapakanan sa mga lokal na mamamayan.
Isinalaysay ni Umali, na sa kanyang pananatili sa Tsina bilang tourism attache, napasyalan niya ang maraming panturistang atraksyon ng Tsina, at kapansin-pansin ang sustenableng hakbang ng Tsina par protektahan ang mga lugar panturista, kasabay ng pagbibigay ng pangmatagalang benepisyo sa mga lokal na mamamayan.
Ito, ani Umali ay isang bagay na maaaring matutunan ng Pilipinas mula sa Tsina.
Inimbitahan ni Umali ang lahat ng dumalong kaibigan Tsino na subukan at bisitahin ang magagandang lugar ng Pilipinas sa ilalim ng kampanyang "Pinag-ibayong It's More Fun in the Philippines."
Samantala, sa isang hiwalay na preskon kaugnay ng nasabing aktibidad, ipinahayag ni Shalimar Hofer Tamano, Regional Director ng Rehiyon ng Gitnang Visayas, na upang maakit ang mas maraming turistang Tsino na bumisita sa kanyang rehiyon, maraming hotel at iba pang establisyemento ang nagsisilbi na ngayon ng agahang Tsino, mayroon na ring pagbabayad sa pamamagitan ng We Chat, mga staff na nagsasalita ng Mandarin, at nakikipagkoordina sila sa konsulada ng Tsina sa Cebu upang maisigurado ang kaligtasan at kapakanan ng mga Tsinong namamasyal sa Gitnang Visayas.
Shalimar Hofer Tamano, Regional Director ng Department of Tourism sa Gitnang Visayas
Dalawampung kompanya mula sa Pilipinas at Tsina ang kalahok sa Philippine Tourism Product Presentation and Business Matching 2019.
Kabilang dito, ang mga kompanyang panturismo, hotel, resort, at airlines, na tulad ng Philippine Airlines, Cebu Pacific, Xiamen Airlines, OK Air, Hennan Resorts and Spa, Azalea Resort and Spa, Legend Hotel, at marami pang iba.
Mga duumalo sa pagtitipon
Pang-engganyong paskil sa labas ng bulwagan
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |