|
||||||||
|
||
20190425Cebu.mp3
|
Sa loob ng daan-daang taon, ginamit ng mga ninunong Pilipino ang KALI/ARNIS/ESKRIMA bilang pangunahing panangggalang laban sa mga mananakop.
Bago pa man dumating ang mga Kastila noong 1521, ganap nang buo at mayaman ang sining na ito, na sumisimbolo sa tunay na kultura at uri ng pamumuhay nating mga Pilipino.
Ang Itak o Bolo ay siyang kagamitan ng ating mga ninuno upang makakuha ng ikabubuhay at pantaguyod sa pamilya at pamayanan.
Ang Itak o Bolo ang siyang sagisag ng katapangan, katalinuhan, kakisigan, at pagmamahal sa Inang Bayan ng mga Pilipino.
Ito ang gamit upang makakuha ng mga materyal sa paggawa ng matitirhan, pagsasaka, pangingisda, pangangahoy, pagbubungkal at marami pang iba.
Siyempre, sa panahon ng digmaan, ang Itak o Bolo ang siya ring pangunahing sandata ng mga ninunong Pilipino upang ipagsanggalang ang kanilang mga pamilya, pamayanan, at kaharian.
Kaya naman, ang Itak o Bolo ang siyang tunay at di-nagmamaliw na sagisag ng wagas at dalisay na kultura ng Lahing Malayo.
Sabi nga ni Tinyente Manuel S. Prado Jr. (retirado), isa sa mga pinakadekorado at pinakamagiting na sundalo ng Philippine Marines Special Operations Group (MARSOG), "BOLO IS MY LIFE."
Si Tinyente Prado ay bayani ng maraming digmaan laban sa mga terorista sa Mindanao, at isa sa mga grandmaster ng kauna-unahang lehitimong grupong nagbabahagi ng KALI/ARNIS/ESKRIMA sa Tsina: ang Balintawak Kali China.
Insignia ng Balintawak Kali China
Mga miyembro ng Balintawak Kali China
Nang dumating si Fernando Magallanes dala ang armada ng Espanya noong 1521, sinubukan niyang sakupin ang Mactan, Cebu, ngunit siya'y nabigo, dahil hindi kailanman pumayag magpasakop ang ating ninunong si Kalipulaku o Lapu-lapu sa sinumang dayuhang hari.
Maaalalang sinabi niyang, "I bow to no King; I owe my allegiance only to my people." "Hindi ako yuyukod sa sinumang hari; ang aking katapatan ay nasa kamay ng mga mamamayan."
Ang mga sumunod na yugto, ay bahagi na ng ating kasaysayan.
Dahil sa kabayanihan ni Kalipulaku, nailagay sa nakasulat na kasaysayan ng sangkatauhan ang KALI/ARNIS/ESKRIMA bilang isa sa mga pinaka-episyenteng sistema ng pakikipaglaban at pananggalang na nagmula sa Lahing Malayo.
Bukod kay Kalipulaku, marami pang mga Pilipino ang gumamit ng KALI/ARNIS/ESKRIMA sa pagtatanggol ng Inang Bayan; nariyan ang Hari ng Maynila at Tondo na si Rajah Sulayman; ang batang Laksamana (Admiral) na si Tarik Sulayman ng Pampanga: Supremo ng Katipunan (Andres Bonifacio) at kanyang magigiting na Katipunero; mag-asawang Diego at Gabriela Silang, mga bayani ng Ilocos; Francisco Dagohoy, Mandirigma ng Bohol na Hindi Sumuko, at marami pang iba.
Sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano at Ikalawang Digmaang Pandaigdig, muli't muling ginanit ng mga maggiting na kawal Pilipinong ang KALI/ARNIS/ESKRIMA laban sa mga mapanakop na puwersa; mapabundok man, kagubatan at kapatagan.
Sa mga pangyayaring ito, makikita ang pagpapatunay na ang KALI/ARNIS/ESKRIMA ay isang di-maihihiwalay na bahagi ng kulturang Pilipino at pinakadakilang kontribusyon ng Pilipino sa mundo ng sining, pang-araw-araw na pamumuhay at pagtatanggol sa Inang Bayan.
Mapapansin ninyo na kanina ko pa sinasabing KALI/ARNIS/ESKRIMA; dahil ang kahulugan ng tatlong pangalan na ito ay iisa lamang.
Ang KALI ay nagmula sa salitang Kalis, na nangangahulugang espada. Sa paglipas ng panahon, tinanggal ang letrang "s" at naging Kali na lamang.
Sa kontekstong ito, ang KALI ay nangangahulugang "kakayahan sa paggamit ng kalis o espada."
Ang ARNIS naman ay nagmula sa salitang Espanyol na "arnes," na ang ibig sabihin ay armor o baluti.
Dahil ang ating mga ninuno ay walang masyadong baluti o armor, ang kanilang pinakabaluti ay ang kanilang espada o kalis.
Sa tingin ng mga Espanyol, ang kalis ng ating mga ninuno ay ang kanilang baluti, kaya naman, tinawag nila itong Arnes.
Sa paglipas ng panahon, ginawa itong Arnis ng mga Pilipino upang tumugma sa wikang Filipino.
Sa kontekstong ito ang ARNIS ay nangangahulugang "baluti sa pamamagitan ng kalis o espada."
Sa kabilang dako, ang ESKRIMA naman ay salitang Espanyol na tumutukoy sa sining ng paggamit ng espada.
Ang ating mga ninuno ay gumagamit naman ng kalis na isang uri ng espada, kaya naman, tinawag ng mga Espanyol ang ating sining na Escrima, upang ilarawan ang kahusayan sa paggamit ng espada.
Di-naglaon, ang letrang "c" sa escrima ay pinalitan at ginawang "k" upang tumugma sa wikang Filipino.
Sa kontekstong ito, ang ESKRIMA ay nangangahulugang "kakayahan sa paggamit ng kalis o espada."
Sa panahon ngayon ang KALI o ARNIS o ESKRIMA ang siya nang pambansang sining ng pakikipagtunggali at palakasan ng Pilipinas sa pamamagitan ng Republic Act 9850, o mas kilala sa tawag na Arnis Law.
Ito rin ang basehan ng pagkakatatag ng Philippine Eskrima Kali Arnis Federation (PEKAF) na pinamumunuan ni Senador Miguel Zubiri.
Si Zubiri ay minsan nang naging pambansang kampeon ng KALI/ARNIS/ESKRIMA noong dekada 80.
Layon nitong palaganapin ang pamanang kultural ng mga ninunong Pilipino sa mga kabataang Pilipino at sa buong mundo sa pamamagitan ng KALI/ARNIS/ESKRIMA.
Nabanggit natin kanina na si Kalipulaku ay mula sa Mactan, Cebu, at dahil dito, kilala ang Cebu sa KALI/ARNIS/ESKRIMA.
Marami rin namang magagaling na guro ng KALI/ARNIS/ESKRIMA mula sa ibang dako ng Pilipinas, pero, ang mga taga-Cebu ang siyang naunang nagpalaganap ng ating sining sa buong mundo.
Kaya naman, kumpara sa ibang mga probinsya ng Pilipinas, mas kilala ang Cebu sa larangang ito.
Nasa Cebu ang mga punong himpilan ng mga grupong tulad ng World Original Teovel's Balintawak Arnis Group (WOTBAG), Doce Pares, Lapunti Arnis De Abaniko, Baraw Sugbo, Kutsilyo Cebu, at marami pang iba.
Kaugnay nito, dahil sa pagpapalaganap at pagtuturo ng KALI/ARNIS/ESKRIMA ng Balintawak Kali China, parami nang paraming Tsino ngayon ang nakakakilala sa sining na ito.
Bukod pa riyan, dahil sa pagpasok ng relasyong Pilipino-Sino sa bagong ginintuang panahon, at dahil sa mga pagpupunyagi nina Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Xi Jinping, parami nang paraming Tsino ang nagpupunta sa Pilipinas upang bisitahin ang magagandang dalampasigan ng gitnang Visayas at magsanay sa KALI/ARNIS/ESKRIMA.
Nagkaroon po ng pagkakataon kamakailan ang inyong lingkod na makapanayam ang regional director ng Department of Tourism sa Central Visayas na si Shalimar Hofer Tamano, at inilahad niya ang kanyang plano upang i-promote ang Central Visayas Region upang maging sentro ng "Turismo ng Arnis" ng Pilipinas.
Shalimar Hofer Tamano
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |