|
||||||||
|
||
Mula Nobyembre 5 hanggang 10, 2019, idinaos sa Shanghai, Tsina ang Ika-2 China International Import Expo (CIIE).
Nagtanghal sa 6-araw na ekspong ito ang 181 bansa, rehiyon, at organisasyong pandaigdig, kasama ang mahigit 3,800 kompanya.
Bumisita naman sa ekspo ang mahigit 500 libong propesyonal na mamimili mula sa loob at labas ng Tsina.
Ayon kay Sun Chenghai, Pangalawang Puno ng China International Import Expo Bureau, nalagdaan sa kasalukuyang ekspo ang mga kasunduan at kontrata ng intensyon na nagkakahalaga ng mahigit $US71 bilyong dolyares, na mas malaki ng 23% kumpara sa unang CIIE.
Para sa ilang susunod na episode ng DLYST, ilalahad po namin sa inyo ang ilang mahahalagang pangyayaring naganap sa Ika-2 CIIE para sa mga Pilipino at Tsino, kabilang na ang mga pakinabang na dalang pauwi ng ating mga eksibitor at ang mga positibong epekto nito sa paggawa ng trabaho para sa mga Pilipino at pagpapasulong ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ipinadala ng Pilipinas sa Ika-2 CIIE ang delegasyong binubuo ng 139 na kinabibilangan ng 32 eksibitor na kompanya.
Noong Nobyembre 6, 2019, pinangunahan ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Abdulgani M. Macatoman ang pagbubukas ng pabilyon ng Pilipinas na tinaguriang "Food Philippines Pavilion."
Undersecretary Abdulgani Macatoman (kanan) habang kinakapanayam ni Rhio Zablan (kaliwa)ng Serbisyo Filipino
Pagbubukas ng Food Philippines Pavilion
Tampok nito ang malulusog at organikong produktong pagkain at produktong Halal ng Pilipinas.
Sa kanyang pambungad na talumpati, sinabi ni Usec. Macatoman na sa pamamagitan ng partisipasyong ito, ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pagpapabuti ng bilateral na relasyong pangkalakalan sa Tsina, kasabay ng pagpapanday ng mas matibay na bigkis ng pag-uunawaan, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mayamang kultura ng pagkain.
Ipinagmalaki rin niyang, sa 32 eksibitor, 19 sa mga ito ang nagtatampok ng produktong Halal.
Ipinakikita ng mga eksibitor ng "Food Philippines Pavilion" ang ibat-ibang dekalidad at inobatibong produktong naaayon sa pangangailangan ng kasalukuyang pandaigdigang merkado, na tulad ng mga produktong mula sa niyog at saging na siyang pangunahing produktong iniluwas ng bansa sa Tsina noong 2018, ani Macatoman.
Bukod dito, idinaos din sa pabilyon ang araw-araw na demonstrasyon ng pagluluto sa booth ng Fisherfarms, kung saan, ipinamalas sa mga kaibigang Tsino kung paano wastong lutuin ang mga produktong bangus at iba pang pagkaing-dagat.
Samantala, ayon naman kay Ana GM. B. Abejuela, Agriculture Counsellor ng Pilipinas sa Tsina, sinabi niyang layon ng "Food Philippines Pavilion" na bigyang-pagkakataon ang mga kaibigan at mamimiling Tsino na matikman ang mga produktong alok ng 32 Pilipinong kompanyang eksibitor sa Ika-2 CIIE.
Ana GM. B. Abejuela, Agriculture Counsellor ng Pilipinas sa Tsina (kaliwa) habang kinakapanayam ni Rhio Zablan (kanan) ng Serbisyo Filipino
Sa pamamagitan aniya nito, magtatagpo ang mga Pilipinong eksibitor at mga Tsinong mamimili upang magkaroon ng pagkakataong maisapinal ang mga kasunduan, o makapag-umpisa ng mga prospektibong kasunduan.
Kaugnay nito, isinaad niyang sa pangalawang araw pa lamang ng pagbubukas ng Ika-2 CIIE, mayroon nang 4 na kasunduan ang napirmahan.
Ani Abejuela, ang una ay sa pagitan ng kompanyang Eng Seng Food Products ng Pilipinas at China Artex Corporation Fujian Company ng Tsina; ang ikalawa ay sa pagitan ng kompanyang Eng Seng Food Products ng Pilipinas at kompanyang Sunlon ng Tsina; ang ikatlo ay sa pagitan ng Philippine Packing Corporation at kompanyang Good Farmer ng Tsina; at ang ikaapat ay sa pagitan ng kompanyang Yeung Marine ng Pilipinas at kompanyang Artex ng Tsina.
John C. Tan (likod) Presidente ng Eng Seng Food Products habang kinakapanayam ni Rhio Zablan (harap) ng Serbisyo Filipino
Ang lahat ng mga nabanggit na kasunduan ay tungkol sa pagluluwas sa Tsina ng mga sariwang prutas, na tulad ng pinya, mangga, saging, buko; at pagkaing-dagat.
Bagamat tumangging magbigay ng eksaktong presyo si Abejuela, ipinagmalaki niyang ang mga kasunduang ito ay nagkakahalaga ng multimilyong $US dolyar.
Aniya pa, ang mga ito ay magdudulot ng trabaho at pagkakakitaan para sa mga Pilipinong magsasaka, lalo na, sa rehiyon ng Mindanao.
Ito ay nakalinya sa kasalukuyang programa ng Department of Agriculture (DA) na "Ani at Kita," dagdag niya.
Kaya naman malaki ang pasasalamat niya sa CIIE dahil ito aniya ay napakainam na plataporma upang maipakilala sa mga Tsino ang mga dekalidad na produktong Pilipino.
Samantala, sinabi rin niya, na noong dumalaw si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Pilipinas noong nakaraang taon, sinaksihan nila ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpirma ng protocol sa pag-aangkat ng Tsina ng buko at pinagyelong prutas mula sa Pilipinas.
Kaya naman makikita na ngayon sa mga pamilihan ng Tsina ang mga produktong ito ng Pilipinas, pagmamalaki niya.
Sa katulad na pangyayari, sa pagbisita naman ni Vice Premier Hu Chunhua ng Tsina sa Pilipinas noong nakaraang Oktubre 2019, napirmahan din ang protocol sa pag-aangkat ng Tsina ng mga abokado mula sa Pilipinas.
"Lahat po ito, itong pagsali rin ng Pilipinas dito sa Ika-2 CIIE ay nakatuon sa layuning mabigyan ng mabuting 'Ani at Kita' ang mga Pilipino," aniya.
Mga mamimiling Tsino sa Food Philippines Pavilion
Kabilang sa 32 Pilipinong kompanyang eksibitor ay ang mga sumusunod: 1. 22 Propack Asia Corporation,
2. Agrinurture Incorporated,
3. Benevelle Corporation,
4. B-GFruits & Nuts Manufacturing Corporation,
5. Century Pacific Food Incorporated,
6. Eng Seng Food Products,
7. Excellent Quality Goods Supply Company,
8. Filifresh International Trading,
9. Fisherfarms Incorporated,
10. Fruits of Life Incorporated,
11. GSL Premium Food Export Corporation,
12. Jamla Corporation,
13. Magicmelt Foods Incorporated,
14. Magsasakang Progresibo Marketing Cooperative,
15. Mancoco Food Processing Incorporated,
16. Monde M.Y. San Corporation,
17. Monde Nissin Corporation,
18. Pasciolco Agriventures,
19. Pearl Foods International Incorporated,
20. Phil. Morinda Citrofolia Incorporated,
21. Philippine Franchise Association,
22. Pixcel Transglobal Foods Incorporated,
23. Primex Coco Products Incorporated,
24. Roxas Sigma Agriventures Incorporated,
25. S&W Fine Foods International Limited,
26. San Miguel Foods,
27. See's International Food Manufacturing Corporation,
28. SL Agrifood/Agritech Corporation,
29. Team Asia Corporation,
30. Trans Ocean Food Products Incorporated,
31. Tropicana Food Products Incorporated, at 32. W.L. Food Products.
Ang "Food Philippines Pavilion" ay nasa magkasamang pagtataguyod ng Department of Trade and Industry (DTI); Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM); Export Marketing Bureau (EMB); Foreign Trade Service Corps (FTSC); Philippine Trade and Investment Centers (PTIC) ng Beijing, Guangzhou at Shanghai; Department of Agriculture (DA); at Philippine Exporters Confederation Inc. (PhilExport).
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |