|
||||||||
|
||
Tulad ng sinabi natin noong nakaraang linggo, sa mga susunod na episode ng DLYST, ilalahad namin sa inyo ang ilang tampok at mahahalagang pangyayaring naganap sa Ika-2 China International Import Expo (CIIE), kabilang na siyempre ang mga pakinabang na dalang pauwi ng ating mga eksibitor at ang mga positibong epekto ng nasabing ekspo sa pagkakaroon ng trabaho ng mga Pilipino, pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas, at pag-angat ng relasyong pangkalakalan ng Pilipinas at Tsina.
Mula Nobyembre 5 hanggang 10, 2019, idinaos sa Shanghai, Tsina ang Ika-2 CIIE.
Nagtanghal sa 6-araw na ekspo ang 181 bansa, rehiyon, at organisasyong pandaigdig, kasama ang mahigit 3,800 kompanya.
Bumisita rito ang mahigit 500 libong propesyonal na mamimili mula sa loob at labas ng Tsina.
Ayon kay Sun Chenghai, Pangalawang Puno ng China International Import Expo Bureau, nalagdaan sa kasalukuyang ekspo ang mga kasunduan at kontrata ng intensyon na nagkakahalaga ng mahigit $US71 bilyong dolyares, na mas malaki ng 23% kaysa unang CIIE.
Ipinadala ng Pilipinas sa Ika-2 CIIE ang delegasyong binubuo ng 139 na kinabibilangan ng 32 eksibitor na kompanya.
Mga pagkaing eksibit sa Food Philippines Pavilion
Rhio Zablan ng Serbisyo Filipino habang kumakain ng bangus mula sa Fisherfarms, isa sa mga eksibitor ng Food Philippines Pavilion sa Ika-2 CIIE
Samantala, sa pabilyon ng Pilipinas na tinaguriang "Food Philippines Pavilion," bukod sa malulusog at organikong produktong pagkain, tampok din ang mga produktong Halal ng Pilipinas. Maliban pa riyan, isinulong din ng Center for International Trade Expositions and Mission (CITEM), sa pangunguna ni Executive Director Pauline Suaco-Juan ang mga disenyo at modang Pinoy.
CITEM Executive Director Pauline Suaco-Juan (kanan) kasama si Rhio Zablan (kaliwa) ng Serbisyo Filipino
Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Food Philippines Pavilion, sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Abdulgani M. Macatoman, na sa pamamagitan ng partisipasyong ito, maipagpapatuloy ng Pilipinas ang pagpapabuti ng bilateral na relasyong pangkalakalan sa Tsina, kasabay ng pagpapanday ng mas matibay na bigkis ng pag-uunawaan, sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mayamang kultura ng pagkain.
DTI Undersecretary Abdulgani M. Macatoman (kanan) habang kinakapanayam ni Rhio Zablan (kaliwa) ng Serbisyo Filipino
Undersecretary Abdulgani M. Macatoman
Undersecreatry Abdulgani M. Macatoman (kaliwa) at Executive Director Pauline Suaco-Juan (kanan)
Ipinagmalaki niyang, sa 32 eksibitor, 19 sa mga ito ang nagtatampok ng produktong Halal.
Ipinakikita aniya ng mga pagkaing naka-eksibit sa Food Philippines Pavilion ang ibat-ibang dekalidad at inobatibong produktong naaayon sa pangangailangan ng kasalukuyang pandaigdigang merkado, na tulad ng mga produktong mula sa niyog at saging na siyang pangunahing produktong iniluwas ng bansa sa Tsina noong 2018.
Sa ating hiwalay na panayam kay Usec. Macatoman, sinabi niyang ang insdustriya ng Halal ay isa sa mga pinakamabilis lumaki sa buong mundo, at sa kasalukuyan, ito'y nagkakahalaga ng mga $US3.2 trilyong dolyar.
Aniya pa, kapansin-pansin na rin ang pagiging espisipiko ng mga Tsino sa kanilang mga kinakain, kaya ito ang kasagutan ng Pilipinas sa pangangailangang ito.
Dagdag pa niya, ang produktong Halal ay hindi lamang para sa mga Muslim, kundi para rin sa mga taong naghahangad ng mataas na kalidad, masustansya at malusog na pagkain.
Ani Macatoman, napakataas ng potensyal ng produktong Halal ng Pilipinas sa merkado ng Tsina, dahil bukod sa humigit-kumulang 29 milyong Muslim na Tsino sa bansa, marami ring mga Muslim mula sa ibat-ibang panig ng daigdig, particular mula sa Gitnang Silangan ang nagpupunta sa bansa para sa turismo.
Bukod sa produktong Halal, sa pangunguna ni Center for International Trade Expositions and Mission (CITEM), Executive Director Pauline Suaco-Juan, ipinakilala rin, kasabay ng pagdaraos ng Ika-2 CIIE ang mga disenyo at modang Pinoy.
Sa ating eksklusibong panayam kay Juan, sinabi niyang ang mga Tsino ngayon ay mahilig sa mga produktong may mataas na kalidad, lalung-lalo na ang batang henerasyon, dahil may akses sila sa pinakamahuhusay, pinakamagaganda, at pinakamagagarang bagay mula sa buong mundo.
Kaugnay nito, sinabi ni Juan, na dahil ang mga Pilipino ay tunay na malikhain, at dalubhasa sa paggamit ng mga katutubong materyales, tulad ng kawayan, rattan, buri at marami pang iba, malaki ang potensyal na tatangkilikin ng mga Tsino ang disenyong Pilipino.
Bagamat walang kasaling eksibitor ng disenyong Pinoy sa Ika-2 CIIE, dahil ang tema ng eksibisyon ngayon taon ay umiikot sa sariwa at naprosesong produktong agrikultural at pandagat, Halal at malulusog na pagkain, umaasa si Juan na sa susunod na taon, maisusulong ang disenyong Pinoy sa Tsina, sa pamamagitan ng partisipasyon sa kaganapang "Interior Lifestyle Shanghai," na gaganapin sa Setyembre 2020.
Tungkol naman sa pahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na mag-aangkat ang bansa ng mas marami pang produkto mula sa ibat-ibang panig ng mundo, partikular mula sa mga nasa kahabaan ng Belt and Road at magtatayo ng mga free trade zone sa Timogsilangang Asya, sinabi ni Juan na, maigi ito para sa Pilipinas, dahil mas magkakaroon ng pagkakataon ang mga produktong Pinoy na makapasok sa merkado ng Tsina.
"Pagkamalikhain," ito ani Juan ang gusto niyang maisip ng mga Tsino kapag sinabing disenyong Pinoy.
Sinabi ni Juan na ang CIIE ay isang oportunidad para sa mga Pilipino upang ipakita sa Tsina ang pinakamagaling at pinakamaganda nitong kulay. Isa rin aniya itong oportunidad para sa Tsina upang malaman ang mas maraming bagay tungkol sa Pilipinas. Ito'y pagkakataon upang magbahaginan ng kultura.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |