|
||||||||
|
||
Papalapit na ang Pasko at Bagong Taon, kaya panahon na naman ng pamimili ng regalo para sa ating mga inaanak at mahal sa buhay. Sana naman ay natanggap na ninyo ang inyong mga bonus at 13th o 14th month pay para maging tunay na masaya ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. At speaking of Kapaskuhan at pamimili ng regalo, dito sa Tsina, parami nang parami na rin ang mga taong nagdiriwang ng Kapaskuhan, lalo na ang mga kabataan.
Alam po ninyo, hindi tradisyonal na piyesta opisyal sa Tsina ang Kapaskuhan, kaya ang mga nakakatandang henerasyon ay hindi nagdiriwang sa araw na ito. Pero, dahil sa globalisasyon at interkonektibidad ng mga tao sa daigdig sa pamamagitan ng mga bagong teknolohiya, nagsisimula na rin itong ipagdiwang sa bansa. Kaya, sa panahon ngayon, maririnig na rin sa mga mall ang mga kantang Pamasko, makikita ang mga Christmas tree, at siyempre, nakadispley na rin si Santa Claus.
Ang Tsina ay isa po sa mga bansa sa daigdig na may napakalaking pag-unlad sa larangan ng e-commerce. Sa pamamagitan ng pagpupunyagi ni Ma Yun o Jack Ma, na kamakailan ay nag-viral sa social media kasama ang ating pambansang kamao na si Manny Pacquiao, naitayo ang Alibaba, na siya namang naging simula ng higanteng pag-unlad ng Tsina sa e-commerce.
Si Ma Yun o Jack Ma
Sa ngayon, halos lahat ng mga Tsino ay hindi na nagdadala ng pisikal na pera kapag namimili, dahil sa pamamagitan ng cellphone na konektado sa kanilang mga bank account, nabibili nila ang lahat ng kanilang naisin, maging sa online store man, o aktuwal na tindahan, mall, at kung saan-saan pa.
Sa katunayan, kahit sa Pilipinas ay nagsimula na ring makilala sa ibat-ibang tindahan at mall ang Alipay at We Chat, ilan sa mga e-commerce application na kilala at malawakang ginagamit ngayon sa Tsina.
Nang magpunta ang inyong lingkod diyan sa Boracay at Manila kamakailan, nakita po natin na karamihan sa mga establisyemento ay mayroon nang Alipay at We Chat.
Sa tingin ko, ito ay ang mga unang hakbang ng Pilipinas tungo sa tamang direksyon, pag-unlad ng komersyo, interkonektibidad at globalisasyon. Sana sa mga susunod na taon ay lalo pang mapa-unlad ang sistemang ito, at nang sa gayon ay mas mapaginhawa, mapabilis at maging kombinyente ang pagnenegosyo, at pamimili ng ating mga kababayan.
Tuwing Disyembre kada taon, mayroong online shopping spree na ginaganap dito sa Tsina, at ito ay tinatawag na "12.12." Sa araw na ito lahat ng mga produktong ibinibenta sa mga online na tindahan at ilang offline na tindahan ay may napakalaking diskuwento, kaya naman, karamihan sa mga Tsino ay namimili ng kanilang mga kinakailangang kagamitan.
Taun-taon, ito ay nagdudulot ng milyun=milyong kita para sa mga negosyante at nagiging lakas-panulak ng panloob na konsumo ng Tsina, na siya namang isa sa mahahalagang elemento sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Narito ang ilan sa mga importanteng impormasyon tungkol sa "12.12."
1. Ang 12.12 ay ginawa ng Alibaba Group, na itinayo ni Jack Ma.
2. Ang Alipay ang pangunahing tagapagsulong ng 12.12 at ito'y nakapokus sa maliliit na e-tailer o nagtitinda online at offline shop. Ito rin ay bilang isang promosyon sa naturang maliliit na tindahan, para makilala sila ng mas maraming mamimili.
3. Ang 12.12 ay nagsimula noong 2014, at sa ngayon, hindi lang maliliit na tatak ang sumasali rito, ang malalaking kompanyang tulad ng KFC, McDonalds, Carrefour, Wal-Mart, Family Mart, 7/11, Uniqlo, at marami pang iba.
4. Ang 12.12 ay hindi lang sa Tsina. Sa ngayon ang mga bansang gaya ng Australia, Thailand, Korea, Japan at marami pang iba ay kalahok na sa 12.12 sale. Isinulong din ng Alipay ang internasyonal na kooperasyon upang makapamili rin ang mga dayuhan sa ibang bansa, at mga Tsinong namumuhay at nagtatrabaho sa ibang bansa na gaya ng Pilipinas.
5. Ito'y nagbunsod ng bagong phenomena. Dahil sa pagkakalunsad ng 12.12, ipinaplano na ngayon ng mga mamimiling Tsino ang kanilang iskedyul sa buong araw upang kumain, uminom, mamili, manood at maglaro, dahil sa malalaking diskuwentong alok ng ibat-ibang establisyemento. Ang mga taong ito ay tinatawag ngayon bilang "Doble 12 Estratehista."
6. Ang bolyum ng pagtangkilik ng mga Tsino sa 12.12 ay nasa kamangha-manghang lebel. Nasa 28,000,000 katao ang pagtasa sa mga bumibili ng voucher at discount coupon online. Bukod dito, mayroong 30,000,000 iba pa ang gumamit ng 12.12 deal ng Alipay sa mga pisikal na tindahan. Ito ay nagreresulta sa kamangha-manghang bolyum ng kita para sa mga negosyong ito. Kaya, ang 12.12 ay napakaganda sa ekonomiya ng bansa dahil pinapasigla nito ang panloob na konsumo, pinapataas ang produksyong panloob, at pinapaganda ang ekonomiya ng Tsina.
7. Ang 12.12 ay isang napakainam na araw para sa mga sinehan. Ayon sa pagtasa, nasa mahigit 50,000,000 tiket sa sinehan ang naipagbibili sa 12.12, Taobao online store pa lamang.
Ang Tsina ang siyang bansa na may pinakamalaking bilang ng middle class sa mundo. Ito'y dahil sa mga programang isinulong ng bansa laban sa karalitaan. Sa ngayon, malaking bilang ng mga Tsino ay may kakayahan na upang bumili ng mga produktong may mataas na kalidad at primera klase. Ang 12.12 ay isang bahagi ng e-commerce ng Tsina at ito'y mahalagang tagapagsulong ng ekonomiya ng bansa. Bukod diyan, ito'y isa na ring phenomena na nagpapakita ng kagustuhan ng mga mamimiling Tsino para sa mga dekalidad at maaasahang produkto mula sa loob at labas ng bansa.
Para sa ating mga Pilipino na mahilig din sa pamimili, dahil sa unti-unti na ngayong pag-ahon ng ekonomiya ng Pilipinas mula sa karalitaan, sa tingin ko, malaki ang pag-asang tumungo rin ang Pilipinas sa ganitong direksyon.
Ang ekonomiya ng Pilipinas sa ngayon ay ang ikalawang pinakamabilis lumago sa timogsilangang Asya, na nasa 6%, at ito ay pumapangalawa sa Vietnam.
Dahil na rin sa pagpupunyagi nina Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Xi Jinping, patuloy ang pagbuti ng relasyon ng Pilipinas at Tsina sa napakaraming larangan. Hindi malayong sa malapit na hinaharap, susunod ang Pilipinas sa hakbang ng Tsina sa larangang pang-ekonomiya. Naniniwala po ang inyong lingkod na mangyayari ito.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |