|
||||||||
|
||
Bago ang lahat, nais ko po munang bumati ng Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!
Sana'y naging maluwalhati ang pagsalubong natin sa Pasko at naging masagana ang ating Noche Buena. Eh, kumusta naman iyong ating mga inaanak dyan?
Naibigay na po ba ang kanilang aginaldo?
Naku! Sigurado akong abala ang mga bata sa paghahanap ng kanilang mga ninong at ninang.
At speaking of ninong at ninang, para sa aking mga inaanak, pasensya na at nasa Beijing pa ang inyong ninong.
Pero, huwag kayong mag-alala, sa oras na makauwi ako sa Pilipinas, siguradong magkikita tayo at ibibigay ko ang inyong aginaldo
Alam po ninyo, dito sa Beijing at pangkalahatan, sa buong Tsina, hindi po tradisyonal na piyesta opisyal ang Pasko at Bagong Taon.
Ito'y dahil sa ibang nakagisnan, paniniwala at kultura ng mga Tsino. Pero, nitong ilang taong nakalipas, at dahil na rin sa globalisasyon, interkonektibidad, umuunlad na turismo at internet, nagsisimula na ring ipagdiwang ang Pasko at Bagong Taon sa Tsina.
Makikita na ngayon ang mga Christmas Tree at imahe ni Santa Claus sa mga mall, tindahan at iba pang establisyemento sa Beijing at iba pang malalaking lunsod ng bansa.
Maririnig na rin ang mga kantang Pamasko sa ibat-ibang pampublikong lugar. Pero, siyempre, dahil, ang Pasko at Bagong Taon ay hindi tradisyonal na pagdiriwang sa Tsina, karamihan sa mga nagdiriwang nito ay mga kabataan.
Sa tuwing panahon ng Kapaskuhan, makikita ang mga kabataan, kasama ang kanilang mga kaibigang namamasyal, namimili, kumakain, nanonood ng sine at nagsasaya.
Sa mga pribadong institusyon, makikita rin ang mga Christmas at New Year Party at pagpapalitan ng regalo.
Taun-taon sa Beijing ay nagdiriwang din ang mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa lunsod.
Sa pagtataguyod ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing, nagtitipun-tipon, nagsasaya at nagsasalu-salo ang mga Pinoy, at siyempre, ginugunita ang pagkabayani ni Dr. Jose P. Rizal.
Para sa taong ito, muling nagtipun-tipon kamakailan ang mga Pilipino dito sa lunsod para sa nasabing taunang pagdiriwang at pagpupugay kay Rizal.
Bukod sa mga Pinoy, dumalo rin ang ibat-ibang mga kaibigan mula sa pamahalaang Tsino, mga diplomata mula sa 13 bansang binisita ni Dr. Rizal, representante mula sa mga internasyonal na organisasyon, mga Tsinong propesor sa wikang Filipino, mga estudyanteng Tsino na nag-aaral ng kultura at wikang Filipino mula sa Peking University at Beijing Foreign Studies University at marami pang iba.
Embahador Sta Romana kasama ang ilang diplomata mula sa ibang bansa, opisyal Tsino at iba pang espesyal na panauhin
Mga propesor at propesora sa wika at kulturang Pilipino mula sa Peking University at Beijing Foreign Studies University
Embahador Sta Romana (gitna) kasama ang mga propesor, mag-aaral ng wika at kulturang Pilipino mula sa Peking University at Beijing Foreign Studies University. Kasama rin sa larawan ang ilang Pilipino
Kahit payak handa lamang, pinagsaluhan ng mga dumalo ang mainit at masarap na putahe.
Sa panahong ito, kahit man lang sa maikling sandali, naramdaman ng mga Pinoy sa Beijing, kasama ang mga kaibigang Tsino ang diwa ng Kapaskuhang may katangiang Pilipino, at ginunita ang kontribusyon ni Dr. Rizal sa pagiging bansa ng Pilipinas at pagiging Pilipino ng Lahing Kayumanggi.
Tungkol naman sa pag-alala sa kabayanihan ni Dr. Rizal, sinabi ni Jose Santiago Sta Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na tuwing magtatapos ang buwan ng Disyembre kada taon, ginugunita ng mga Pilipino ang pagkamartir ni Dr. Jose Rizal noong 1896.
Embahador Sta Romana kasama ang isang propesor sa wika at kulturang Pilipino ng Beijing Foreign Studies University
Embahador Sta Romana (kaliwa) kasama ang isang mag-aaral ng wika at kulturang Pilipino ng Peking University
Ito ay isang pangyayaring naging mitsa ng pagsisimula ng rebolusyong Pilipino laban sa Espanya, at sa bandang huli, nagbigay-daan sa pagkakatatag ng unang konstitusyonal na demokrasya ng Asya.
Ani Sta Romana, si Rizal ay may dugong Tsino.
Embahador Sta Romana habang nagtatalumpati
Ang kanyang lolo at lola sa tuhod, na sina Siang Co at Zun Nio ay mga mandarayuhan sa Pilipinas mula sa Jinjiang County, lalawigang Fujian ng Tsina.
Dagdag ng embahador, nabuksan at lumawak ang pag-iisip ni Rizal sa panahon ng kanyang pagbibiyahe sa buong mundo.
Sa panahong nasa Hong Kong si Rizal, siya ay nanggamot, at sa parehong panahon, nandoon din sa Hongkong si Dr. Sun Yatsen, isa sa mga kilalang personahe, na naging instrumental sa pagkakatatag ng bagong Tsina, ngunit, sa kasamaang palad, hindi sila nagtagpo.
Kuwento ni Sta. Romana, sa Hapon, tinanggap ni Rizal ang esensiya ng pilosopiyang silanganin; sa Amerika, natutunan ni Rizal ang idealismo ni Jefferson; sa Europa, ipinakita niya ang kahusayan sa sining.
Ayon kay Sta Romana, si Rizal ay isang taong tunay na nagmahal sa Sambayanang Pilipino at isang internasyonalista, o isang humanista sa kasalukuyang panahon.
Higit sa lahat, naniwala siya sa dignidad ng tao at sa karapatan ng bawat tao upang isulat ang sariling tadhana.
Naniwala aniya si Rizal na ang bawat tao ay karapat-dapat lamang na may akses sa edukasyon, ang buong lipunan ay kailangang magpunyagi upang makamtan ang hustisyang panlipunan, at walang sinuman ang may-karapatang magpawalang-bisa sa kalayaan ng bawat nilalang.
Dagdag ng embahador, walang kakulangan ang Pilipinas sa mga bayaning nagpamalas ng kamangha-manghang kagitingan sa larangan ng pakikipagdigma, at sila'y laging pinararangalan at ikanararangal ng Pilipinas.
Ngunit, ang mga paniniwala ni Rizal aniya ay nakakataas sa lahat nang ito.
Ang mga ipinamalas ni Rizal ay ang mga pagpapahalagang magpahanggang ngayon ay nagsisilbing bigkis na nagbubuklod sa lahat ng Pilipino at matibay na muhon ng pagiging bansa ng Pilipinas.
Ipinagmalaki ng embahador Pilipino sa lahat ng dumalo sa pagtitipon, na ang diwa ng kalayaan at hustisyang patuloy na gumagabay sa indipindiyenteng polisiyang panlabas ng Pilipinas ay mula sa ideya ng kalalayan, pagpupunyagi, pag-unlad, katapangan at pagmamahal sa inang bayan na ipinamalas ni Dr. Rizal..
Mga diplomatang Pilipino habang iniho-host ang pagtitipon
Siya nga pala mga kababayan, sa ating pakikipag-usap sa mga propesor ng Beijing Foreign Studies University, sinabi nilang ang kanilang mga estudyanteng nag-aaral ng kultura at wikang Filipino ay kasalukuyan ngayong nasa Pilipinas upang mas maiging maunawaan ang ating wika at kultura.
Sa kasalukuyan, mayroon nang, hindi lang isa, hindi lang dalawa, kundi tatlong unibersidad sa mainland Tsina ang nag-aalok ng kursong pambatseleriyang ito, at ito ay ang mga sumusunod: Peking University, Beijing Foreign Studies University at Yunnan Minzu University. Ito po mga kababayan ay isa na namang testamento sa positibong pag-unlad na dulot ng pagbuti at pagbalik sa tamang landas ng relasyon ng Pilipinas at Tsina; at matibay na bigkis ng pagpapalagayan ng mga Pilipino at Tsino.
Para makita po ninyo ang ilang mga larawang kuha mismo ng inyong lingkod, magtungo lamang sa aming website na filipino.cri.cn o hanapin lamang ang official facebook page ng Serbisyo Filipino, na CRIFILIPINOSERVICE.
Muli, Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa ating lahat! Ito po sa Rhio Zablan, ang guwapong Tarlakenyo!
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |