|
||||||||
|
||
Taon ng Daga
Sa Enero 25, ipagdiriwang po ng mundo ang Bagong Taong Tsino, o Pestibal ng Tagsibol.
Sa wikang Tsino, o Mandarin, ito ay tinatawag na Chun Jie (春节), at ito ang ang pinaka-importanteng pagdiriwang ng Nasyong Tsino.
Di tulad sa atin, dito sa Tsina, ang selebrasyon ng Chun Jie o Bagong Taong Tsino ay mas mahaba, at ito ay tumatagal ng halos isang linggo.
Kaya naman maraming Tsino ang nagbabakasyon para makasama ang kani-kanilang mga pamilya sa panahong ito.
Base sa aking sampung taong paninirahan dito sa Tsina, masasabi kong ito ay katumbas ng pinagsamang Pasko at Bagong Taon sa atin.
At tulad ng Pasko at Bagong Taon, ang Chun Jie o Bagong Taong Tsino ay panahon upang muling makasama ang pamilya at mga kaibigan; magsaya; magpanibagong simula; at harapin ang kinabukasan, nang may pag-asa at optimismo.
Samantala, sa Pilipinas, taun-taon nating nakikita ang mga kababayang may-dugong Tsino, na nagsasaya, nagpaparada, nagtatanghal ng Sayaw ng Leon, at nagbibigayan ng hong bao (pulang pakete na may lamang pera para sa suwerte).
Bukod diyan, makikita rin natin sa mga pamilihan ang mga pagkaing tulad ng Tikoy, mga bilog na prutas, mga Chinese Couplet, mga damit na kulay pula, at marami pang iba.
Walang duda, ang Bagong Taong Tsino o Chun Jie ay isang pagdiriwang na integral nang bahagi ng kulturang Pinoy.
Sa kabila ng lahat ng ito, ano nga ba ng Chun Jie? Ano nga ba ang kahulugan nito para sa mga Tsino? At ano nga ba ang kahulugan nito para sa ating mga Pilipino?
Para maipaliwanag ang tungkol sa Chun Jie o Bagong Taong Tsino, at kahalagahan nito sa mga Pilipino at Tsino, kailangan muna nating balikan ang tungkol sa kasaysayan ng relasyong Pilipino-Sino.
Para riyan, susulyapan natin ang mga opisyal na tala ng Dinastiyang Song (960AD- 1279AD) at Dinastiyang Ming (1368AD – 1644AD).
Lipunan noong Dinastiyang Ming
Ang mga tala noong panahon ng Song-Ming ay makakapagbigay ng tamang kontekstong mahalaga para sa pag-unawa ng relasyon ng Pilipinas at Tsina.
Ayon sa pananaliksik ni Wang Zhenping na pinamagatang "Reading Song-Ming Records on the Pre-colonial History of the Philippines," nagsimula ang relasyon ng Pilipinas at Tsina sa pamamagitan ng kalakalan.
Ayon sa opisyal na tala ng Hilagang Dinastiyang Song, naglayag sa lalawigang Guangdong ng Tsina ang mga taga-Mayi 麻逸 (posibleng Mait ng Mindoro, o Bai ng Laguna) upang makipagkalakalan noong 971AD.
Dahil sa tagumpay ng misyong ito, muli silang tumungo sa Guangdong para sa parehong layunin noong 982AD.
Ayon pa rin sa nasabing pananaliksik, sa unang bahagi ng ika-11 siglo, nagtungo rin ang mga mangangalakal ng Puduan 蒲端 (Butuan, hilagang Mindanao) at Sanmalan 三麻蘭 (Zamboanga, timogkanlurang Mindanao) sa Tsina.
Sila ay nakipagkalakal sa Dinastiyang Song noong 1004AD, 1007AD at 1011AD, ayon sa pagkakasunod.
Dahil dito, dala nilang pauwi sa Pilipinas ang mga bagay na tulad ng seramiko, seda at marami pang iba.
Sa panahon ng Katimugang Dinastiya ng Song (1127AD – 1279AD), ini-ulat ng mga opisyal ng Bureau of Maritime Trade ng lalawigang Fujian, Tsina ang pagdating ng mga mangangalakal mula sa ibat-ibang isla ng Pilipinas, na gaya ng Mayi, Baipuer 白蒲邇 (kasalukuyang Babuyan Islands), at Sandao 三嶋, o Sanyu 三嶼, isang katagang tumutukoy sa tatlong isla na: Jamayan 加麻延 (kasalukyang Calamian), Balaoyou 巴姥酉 (kasalukuyang Palawan), at Pulihuan 蒲裏喚 (posibleng Pulilan, Bulacan).
Ang mga aktibidad pangkalakalan ng mga sinaunang Pilipinong ito ay nagpatuloy hanggang sa panahon ng Dinastiyang Yuan (1368AD) ng Tsina.
Ang naturang mga mangangalakal Pilipino ay di-lamang mga pribadong indibiduwal, kundi mga kinatawan din ng mga lider ng mga kahariang Pilipino, o mismong mga kandidato sa pagkahari.
Ibig sabihin, ang pakikipagrelasyon ng mga sinaunang Pilipino sa mga sinaunang Tsino ay nagtataglay ng napakahalagang katuturan, kapuwa pang-ekonomiya at politikal.
Dagdag pa ng "Reading Song-Ming Records on the Pre-colonial History of the Philippines," nagpunta rin ang mga mangangalakal na Tsino sa Pilipinas.
Opisyal Tsino sa panahon ng Dinastiyang Song-Ming
Anito, nang dumating ang mga barkong pangalakal ng Tsina sa Mayi (posibleng Mait ng Mindoro, o Bai ng Laguna) pinayagan sila ng Pilipinong datu, na bumaba sa kanilang mga barko at makihalubilo sa mga lokal na mamamayan.
Ang paraan ng pangangalakal sa Mayi ay walang katulad, dahil ito ay nakabase sa mutuwal na tiwala, at hindi sa purong benepisyo lamang, anang nasabing pananaliksik.
Anito, pupunta ang mga Pilipino sa mga barkong Tsino at kukuhanin nila ang mga produkto, nang walang kolateral, o anumang seguro ng kapalit: ito ang kaparaanan ng sinaunang pagkakaibigan ng mga Pilipino at Tsino.
Sa panahong ito, walang anumang produkto ang mawawala o mananakaw.
Matapos ito, tutungo na sa ibat-ibang isla ang mga mangangalakal na Pilipino upang ipagpalit ang mga produktong Tsino na kanilang nakuha, at matapos ang ilang linggo o buwan, babalik sila sa mga barkong Tsino upang ibigay ang mga kapalit at para makipagnegosasyon sa kita ng kanilang mga aktibidad.
Ganyan ang klase ng pagtitiwalaan at pagkakaibigang nabuo ng ating mga ninuno, mahigit libong taon na ang nakalipas.
Sa pamamagitan ng kanilang pagkakaibigan, maraming kaugalian at kultura ang naibahagi ng kapuwa panig sa isat-isa.
Dahil sa pakikipagkalakalan, ang mga ninunong Pilipino at Tsino ay nagpalitan ng wika at kultura; kaya naman napakaraming salitang Tsino, pagkaing Tsino, sining Tsino, at siyempre kagawian at tradisyong Tsino ang matatagpuan ngayon sa Pilipinas.
Isa sa mga naibahagi sa atin ng mga Tsino ay ang pagdiriwang ng Chun Jie.
Dagdag pa riyan, dahil din sa kalakalan, maraming Tsino ang nanirahan sa Pilipinas, at nakapag-asawa ng mga Pilipino.
Ayon sa pananaliksik, maaaring nasa 25% ng mga Pilipino ay may dugong Tsino.
Makikita natin sa mga nabanggit na lubhang malalim at malawak ang relasyon ng Pilipinas sa Tsina, at ito ay mayroon nang mahigit 1,000 taong kasaysayan.
Sa totoo lang, nang dumating ang mga Kastila sa dalampasigan ng Pilipinas, ang relasyong Pilipino-Sino ay mayroon nang mahigit 500 taon.
Ngayong alam na natin kung paano nakarating sa Pilipinas ang mga kagawian, kultura, at wikang Tsino; kasama na siyempre ang pagdiriwang ng Chun Jie.
Ngayon, dumako naman tayo sa isa pang mahalagang may-kaugnayang bagay sa Chun Jie, ang Nong Li.
Nong Li
Ang Nong Li ay ang tradisyonal na kalendaryo ng Tsina, at kadalasang ginagamit sa agrikultura.
Ayon sa Nong Li, ang buwang gasuklay o quarter moon ay lumilitaw sa unang araw ng kada buwan, at ang bilog na buwan naman ay lumalabas sa kalagitnaan ng kada buwan.
Ang siklong ito ay tumatagal ng mga (humigit-kumulang) tatlumpung araw.
Ayon sa magkakaibang posisyon ng araw, dalawamput apat na araw ang tanda ng dalawamput apat na dibisyon sa solar na taon ng Nong Li. Halimbawa, ang dibisyon na Li Chun o pagsisimula ng tagsibol ay nagpapaala-ala sa mga tao na parating na ang tagsibol.
Ang Jing Zhe o paggising ng mga insekto ay nangangahulugang nagiging mainit na ang panahon.
Ang Li Xia o pagsisimula ng tag-init ay ang panahon ng pag-usbong ng mga pananim.
Ang Da Han o Dakilang Lamig ay ang katapusan ng mabagsik na taglamig.
Lahat ng mga ito ay bumubuo sa isang siklo ng pag-ikot ng mundo sa araw.
Eh, ano naman ang kaugnayan nito sa Chun Jie?
Ang ikatlumpung araw ng ikalabindalawang buwan ng Nong Li ay ang bisperas ng Bagong Taong Tsino; at ang susunod na araw ay ang Pestibal ng Tagsibol o Chun Jie.
Ang Pestibal ng Tagsibol/Chinese New Year o Chun Jie ay ang unang araw sa Kalendaryong Tsino, at ito ang pinaka-importanteng araw o pagdiriwang para ng Nasyong Tsino.
Kalendaryong Tsino
Iyan po ang kahalagahan ng Nong Li, dahil iyan ang nagsasabi kung kailan ipinagdiriwang ang Chun Jie.
Pagsasalu-salo ng Pamilya
Pagsasalu-salo ng pamilya
Kapag dumarating ang panahong ito, tulad din nating mga Pilipino tuwing sumasapit ang panahon ng Kapaskuhan, nagiging abala ang mga Tsino sa pagbili ng mga kagamitan, paglilinis ng bahay, pagluluto ng mga tradisyonal na pagkain, paggawa ng mga couplet at pagsasabit ng mga dekorasyon at pinta.
Ang pagsasalu-salo ng buong pamilya ay ang pinaka-importanteng aktibidad sa Chun Jie.
Sa araw ng Chun Jie, kailangang magsalu-salo ang buong pamilya para magdiwang at magsaya.
Ang mga magulang, anak, at iba pang miyembro ng pamilya ay kailangang umuwi sa kanilang mga probinsya upang bisitahin ang kanilang mga mahal sa buhay.
Kapag Chun Jie, suot ang kanilang mga bagong damit, binibisita ng mga tao ang isat-isa, at binibigyan ng pera ang mga bata upang magpahayag ng mabuting hangarin.
Sa panahong ito, ibat-ibang selebrasyon ang idinaraos tulad ng mga perya sa templo, mga pagtatanghal, at mga eksibisyon ng parol, na tumatagal nang halos kalahating buwan.
Kapag Chinese New Year sa Pilipinas, kadalasang makikita ang mga parada sa China Town, mga lion dance, paputok at ibat-ibang palabas; at siyempre, hindi mawawala ang tikoy at hopya.
Pero, rito sa Mainland Tsina, lalo na sa bandang hilagang Tsina, iba po ang kagawian.
Sa ika-24 na araw ng huling lunar na buwan, naglilinis ng bahay at kapaligiran ang mga Tsino. Ito'y simbolo ng pagwawaksi ng mga di-kanais-nais, at paghahanda sa pagpasok ng bagong taon.
Sa ika-26 at ika-27 araw ng lunar na buwan, namimili o nag-sha-shopping ang mga Tsino, bilang paghahanda sa mga bisita.
Ang masaganang hapag-kainan ay simbolo ng suwerte sa pagpasok ng bagong taon.
Kagaya ng nasabi natin kanina, ang huling araw ng lunar na buwan ay ang bisperas ng Chun Jie.
Dito, nagsasalu-salo sa hapunan ang buong pamilya, nanonood ng Spring Festival Gala sa CCTV, at pinapanood ang mga paputok.
Ang unang araw naman ng unang lunar na buwan ay panahon ng pagkain ng dumpling, pagbisita sa bahay ng mga kamag-anak, pagbibigay ng regalo sa mga bata at pamamasyal.
Sa ikalawang araw ng unang lunar na buwan, nagninilay at bumibisita sa mga templo ang mga Tsino. Sa panahong ito, ang mga may-asawang anak na babae ay dumadalaw sa kanilang mga magulang.
Ang ika-15 araw ng unang lunar na buwan ay ang pagdiriwang ng Pestibal ng mga Parol o Lantern Festival.
Ito ang huling araw ng Panahon ng Chun Jie.
Ang Chun Jie ay hindi lamang pagdiriwang ng Tsina. Dahil sa mahabang panahon ng kasaysayang Pilpino-Sino, sa pundasyon ng pagtitiwalaan at pagkakaibigan, isa ang Chun Jie sa mga kaugalian na naibahagi ng mga sinaunang Tsino sa mga sinaunang Pilipino, bilang tanda ng mabuting pakikisama. Kaya, ang Chun Jie ngayon ay isa na ring kaugaliang Pilipinong sumisimbolo sa maningning na nakaraan, pagsasama-sama ng pamilya, pagkakaibigan at mabuting hangarin para sa kinabukasan.
Captions:
1 2 3 4 5
6
7
8
9
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |