|
||||||||
|
||
May nakapagsabi sa akin na kung ikaw ay mapapadpad sa Tsina, may tatlong bagay ka na kailangang gawin: akyatin ang Great Wall, bisitahin ang Forbidden City, at tikman ang Peking Roast Duck o ang Peking Duck.
Peking Duck sa Quanjude Restaurant
Sa kabutihang palad, nagawa ko ang isa sa mga iyan kanina: ang matikman ang sikat na Peking Duck ng Tsina nang kami ay pumunta sa isa sa mga pinakasikat na kainan ng nasabing putahe: ang Quanjude sa Hepingmen.
Ang Peking Duck ay isang putahe na inumpisahang lutuin sa Beijing sa Tsina noong panahong imperyal at inumpisahang makilala sa pangalang tangan niya ngayon noong panahon ng Ming Dynasty. Ito ay ang paraan ng pagluluto ng pato kung saan tinatanggalan ito ng balat, laman, at balahibo pagkatapos ay pinapakuluan sa tubig, pinapatuyo, pinapahiran ng matamis na sawsawan, at niluluto sa pugon.
Bukod sa sarap ng lasa ng nasabing pagkain, ang nakakamangha ay kung paano walang nasasayang na karne o parte ng pato sa pagluluto nito. Sa aking obserbasyon ay maaari itong makain sa tatlong paraan: ang isa ay ang hiniwang parte ng karne ng pato ay ibinabalot sa repolyo, ang isa pa ay ang paghihiwa sa maninipis na parte ng dibdib ng pato at ang huli ay ang paghihiwa nang maninipis ng laman at balat ng pato na ibinabalot sa manipis na harina at nilagyan ng matamis na sawsawan.
Barbecue sa Shichahai
Ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan, hindi lamang ang Peking Duck ang sikat na putahe sa Beijing. Ang aking tinutukoy ay ang barbecue na kambing sa Fanzhuang sa Shichahai.
Ang kakaiba sa pagluluto ng putahe na ito, na ipinasa na sa loob ng 160 na taon, ay iniluluto ang karne ng kambing sa ibabaw ng malaking pabilog na pugon. Sa nasabing lutuan din diretsong idinadagdag ang mga gulay na ihinahalo sa karne ng kambing, na pagkaluto ay ipinapalaman sa tinapay.
Ngunit hindi lamang ang Fanzhuang na natuklasan kong naghahain ng tunay na pagkaing Beijing. Ang aking tinutukoy ay ang Schichahai Courtyard Hotel kung saan natikman ko ang isang putahe ng usa, tiyan ng isda, at dila ng pato.
Sa kabilang banda, hindi lamang pagkain ang dapat ninyong sadyain kung balak ninyong dayuhin ang Beijing.
Sa loob ng Bird's Nest
Sa Beijing din makikita ang sikat na Bird's Nest Stadium, kung saan ginanap ang 2008 Olympics. Sa ngayon ay madalang nang dausan ng mga palarong pampalakasan ang stadium, na binuo sa loob ng apat na taon sa halagang mahigit sa $200 milyon, ngunit nananatili pa rin itong isang magandang lugar para sa mga turista.
Mga rickshaw sa Hutong
Ngunit kung mas interesado ka sa kasaysayan at pamumuhay sa Tsina, partikular na sa Beijing, magandang bisitahin ang Hutong, na maiikot lamang sa pamamagitan ng mga rickshaw.
Ang mga rickshaw ang mag-iikot sayo sa mga bahay na karaniwang tahanan ng tipikal na pamilyang Tsino. Makikita mo rin dito ang Yinding Bridge, na tumatawid sa katubigan ng Schichahai.
At kung nais mo ng magandang pangtapos sa iyong araw sa Beijing, maaari kang sumakay sa isa sa mga bangka sa Schichahai habang nakikinig sa isang mahusay na tumutugtog ng pluta.
Beijing International Tourist Festival
Subalit hindi lamang ang mga ito ang matatagpuan sa Beijing, kaya't inilunsad ng lokal na pamahalaan ang Beijing International Tourist Festival, upang ipakita na handa na ang Beijing makipagsabayan sa pagbubukas ng sarili nito sa mundo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |