SINABI ni Economic Planning Secretary Arsenio M. Balisacan na pinag-aralang mabuti ng pamahalaan ang Flood Management Master Plan para sa Matro Manila at mga kalapit-pook.
Sa isang pahayag bilang tugon sa pagkabahala ni UP Professor Carlo A. Arcilla, ipinaliwanag ni G. Balisacan na ang master plan ay ipinasa ng NEDA Board ayon sa impormasyong nakamtan noong ginawa ang palatuntunan. Nagsimula umano ito noong 2011 sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways upang mapigil na ang pagbaha sa Metro Manila. Ginawa ito sa tulong ng consultants sa pamamagitan ng official development assistance at pinag-aralang muli ng mga dalubhasa sa Department of Public Works and Highways at kumilala sa mga rekomendasyon ng international at local flood management experts bago dinala sa NEDA Board noong 2012.
Ayon kay G. Balisacan ang master plan ang naglalaman ng policy directions at mga paraan tungo sa pagkakaroon ng mga proyektong dadaan sa hiwalay na pagsusuri. Maaaring umabot ng hanggang 2035 ang pagpapatupad ng palatuntunan na kailangang masuri sa iba't ibang antas.
Ang nilalaman ng master plan ay maaaring magkaroon ng pagsasaayos sa paglipas ng mga panahon sapagkat nagbabago ang larawan ng kapaligiran mula ng mabuo ang pag-aaral ayon sa datos na nakamtan noong 2011.
Maliwanag umano na ang mga proyektong mula sa master plan ay daraan sa Investment Coordination Committee bago pag-usapan ng NEDA Board. Ang salaping gagamitin sa mga proyektong ito ay hindi nangangahulugan na sa utang magmumula, dagdag pa ni Kalihim Balisacan.