Sa sidelines ng G20, idinaos kahapon sa Antalya, Turkey ang di-opisyal na Pulong ng mga Lider ng BRICS (Brazil, Russia, India, China, at South Africa). Dumalo rito sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina, Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, Punong Ministro Narendra Modi ng Indya, Pangulong Jacob Zuma ng South Africa, at Pangulong Dilma Rousseff ng Brazil. Malaliman silang nagpalitan ng palagay hinggil sa pagpapalakas ng pag-uugnayan at koordinasyon, at magkakasamang pagharap sa hamong pandaigdig.
Mahigpit na kinondena ng mga lider ang serye ng teroristikong pagsalakay sa Pransya, at sinabi nilang sila ay magsisikap para mapalakas ang kooperasyong pandigdig sa paglaban sa terorismo. Anila, dapat palakasin ang estratehikong partnership ng BRICS batay sa pagkakaisa, pagkakapantay-pantay, pagtitiwalaan, pagiging inklusibo, pagtutulungan, at pagkakaroon ng win-win situation. Patuloy anila silang magpalitan ng palagay at magkokoordinahan ng paninindigan hinggil sa agenda ng G20. Anila pa, pangangalagaan din nila ang ekonomiya ng mga bagong pamilihan at interes ng mga umuunlad na bansa, at itatatag ang inklusibo, maayos at bukas na kabuhayang pandaigdig. Pawang ipinahayag din ng mga lider ang pagkatig sa panunungkulan ng Tsina bilang tagapangulong bansa ng G20 sa taong 2016.
Salin: Andrea