Nag-usap sa Beijing kahapon, Enero 27, 2016 sina Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina at at John Kerry, dumadalaw na Kalihim ng Estado ng Amerika. Nagpalitan sila ng kuru-kuro hinggil sa relasyong Sino-Amerikano at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan.
Ipinahayag ni Wang ang pag-asang mapapasulong ang talastasan hinggil sa "Kasunduan sa Pamumuhunan ng Tsina at Amerika," mapapahigpit ang koordinasyon ng dalawang panig sa patakaran ng makro-ekonomiya, pinansya, at pangangasiwang pangkabuhayan ng buong mundo, at mapapalawak ang pagtutulungan sa aspektong militar, cyber security, paglaban sa korupsyon, pagbago ng klima, pagpapalitan ng mga tauhan at iba pa. Ipinaliwanag din aniya ni Wang ang paninindigan ng Tsina sa isyu ng South China Sea.
Ipinahayag naman ni Kerry na magsisikap ang Amerika para palalimin ang pakikipagtulungan sa Tsina sa kabuhayan, kalakalan, larangang militar, kultura, at palawakin ang koordinasyon ng dalawang panig sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig. Binigyang diin din ni Kerry na suportado ng Amerika ang patakarang "Isang Tsina" at patuloy na pagkakaroon ng diyalogo sa pagitan ng magkabilang pampang ng Taiwan Straits. Hindi nito susuportahan ang "kasarinlan" ng Taiwan, dagdag pa ni Kerry.