Noong Hulyo 12, 2016, inilabas ng Arbitral Tribunal (AT) sa Hague ang umano'y resulta ng hatol ng arbitrasyon sa isyu ng South China Sea na inihain ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III, na ikinagulat ng iba't-ibang panig. Sa panayam noong Huwebes, Hulyo 21, 2016, sa China Radio International (CRI), ipinahayag ni Xiao Jianguo, Pangalawang Puno ng Departamento ng Hanggahan at Suliraning Pandagat ng Ministring Panlabas ng Tsina, na hinding hindi tatanggapin ng Tsina ang anumang paninindigan at aksyon ng Pilipinas na nababatay sa nasabing hatol.
Idinaos sa Beijing nitong Huwebes ang talakayan ng mga dalubhasang pambatas hinggil sa South China Sea arbitration, at ipinahayag dito ni Xiao na ang arbitrasyong ito ay magiging isang negatibong kaso ng pandaigdigang batas. Aniya, sa anggulong pambatas, mula simula hanggang katapusan, ang nasabing arbitrasyon ay "ilegal na produksyon" sa tatlong aspekto: ibig sabihin, ilegal ang arbitrasyong inihain ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III, walang karapatan ang AT sa pagsasagawa ng pangangasiwa, at ilegal din ang inilabas na hatol.
Pagkaraang ilabas ng AT ang umano'y resulta ng hatol, posibleng mas maraming aksyong gawin ng panig Pilipino batay sa nasabing hatol, halimbawa, ang paghiling ng umano'y mga mangingisdang Pilipino sa panig Tsino na talikuran ang pinag-aagawang karagatan. Kaugnay nito, ipinahayag ni Xiao na dahil ilegal at walang bisa ang hatol, hindi ito kikilalanin at tutupdin ng Tsina. Maraming beses na aniyang inulit ng Pamahalaang Tsino ang nasabing posisyon. Kung nais isagawa ng panig Pilipino ang umano'y talastasan sa panig Tsino sa pundasyon ng nasabing hatol, hindi ito tatanggapin ng panig Tsino, aniya pa.
Salin: Li Feng