|
||||||||
|
||
20150813ditorhio.m4a
|
Noong taong 2008, ginanap sa Beijing ang Summer Olympic Games. Dahil dito, maraming oportunidad ang nakamtan ng lunsod: maraming imprastruktura ang naipatayo; bumuti ang transportasyon at kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayan; nagkaroon ng maraming oportunidad sa trabaho; at nagkaroon din ng pagkakataon ang bansa upang ipakilala sa mundo ang kultura nito. Sa pangkalahatan, masasabi nating nagkaroon ng positibo at pambihirang epekto ang nasabing Olimpiyada sa lunsod ng Beijing at buong bansa.
Noon pong ika-31 ng nagdaang Hulyo, muling napili ang Beijing upang i-host ang 2022 Winter Olympic Games. Sa ika-128 Sesyong Plenaryo ng International Olympic Committee (IOC) na idinaos sa Kuala Lumpur, Malaysia, ipinatalastas ni Pangulong Thomas Bach ng IOC, ang pagkakapili sa Beijing bilang host city ng 2022 Winter Olympics. Nasungkit ng Beijing ang karapatan sa pagtatayugod sa Olimpiyada, sa pamamagitan ng 44 na boto ng pagsang-ayon. Samantala, ang Almaty, Kazakhstan ay nagtamo naman ng 40 boto.
Ayon sa ulat ng China Radio International (CRI), isang magkasanib na news briefing ang itinaguyod ng Beijing at IOC sa Malaysia, pagkatapos ng anunsyo.
Binati ni Pangulong Thomas Bach ng IOC ang Beijing sa tagumpay sa pagbi-bid para sa 2022 Winter Olympics.
Sa kanya namang talumpati, sinabi ni Wang Anshun, Alkalde ng Beijing, na tutupdin ng kanyang lunsod ang lahat ng mga pangakong ginawa sa panahon ng pagbi-bid, para itaguyod ang isang kahanga-hanga, kagila-gilalas, at napakahusay na Winter Olympics.
Isiniwalat din ni Wang na idaraos ang naturang Olimpiyada sa panahon ng Spring Festival, pinakamahalagang tradisyonal na kapistahan ng Tsina. Inaanyayahan ko aniya ang mga kaibigan mula sa buong daigdig na pumunta sa Beijing sa panahong iyon, para i-enjoy ang naturang kapistahan at mapanood ang Winter Olympics.
Dahil sa pagkapili sa Beijing bilang host ng 2022 Winter Olympics, agarang kumambyo sa high gear ang lunsod upang isaayos ang mga kaukulang paghahanda.
Ayon kay Liu Yandong, Pangalawang Premyer Tsino, na ito ay umpisa pa lamang. Matibay aniya ang pananalig ng pamahalaan na maisasakatuparan ang mga pangako nito sa pagdaraos ng isang makulay, at matagumay na Winter Olympic Games.
Sinabi pa ni Liu na ang pagdaraos ng nasabing Olimpiyada ay magpapasulong ng pag-unlad ng kabuhayan, lipunan at industriya ng palakasan sa Tsina.
Dagdag pa niya, ito rin ay magpapalalim ng pagpapalagayan at pagkaunawaan ng Tsina at ibang mga bansa sa daigdig.
Kaugnay nito, nagpalabas ng mensaheng pambati si Pangulong Nursultan Nazarbayev ng Kazakhstan sa pagkapanalo ng Beijing bilang host ng 2022 Winter Olympics.
Ipinahayag ni Nazarbayev na ang pagkapanalo ng Beijing ay nagpapakita, sa daigdig, ng malaking potensyal ng Tsina. Naniniwala aniya siyang maitatanghal ng Tsina, sa abot ng makakaya, ang Olympics sa mataas na lebel. Idinagdag pa niyang ang Tsina ay mag-aambag para mapalaganap ang diwa ng Olimpiyada na nagtatampok sa kapayapaan at pagkakaibigan ng mga mamamayan ng buong mundo.
Ang Beijing, Tsina, at Almaty, Kazakhstan ay ang dalawang lunsod na kandidato para sa bidding sa 2022 Winter Olympics.
Kabilang sa mga priyoridad sa paghahanda para sa 2022 Beijing Winter Olympics ay pagpapabuti sa kalidad ng hangin sa lunsod at mga karatig lugar. Bukod pa riyan, ayon sa China Central Television News (CCTV News), pinaplano ng pamahalaan ng Beijing na gumugol ng 130 bilyong USD para labanan ang polusyon sa hangin. Gusto nitong bawasan ng 45% ang PM 2.5 sa hangin, o iyong mga airborne particle na may sukat na mas maliit sa 2.5 microns hanggang 2022.
Sa katotohanan, ang mga hakbang na ito ay unti-unti nang nagkakabunga. Ayon sa datos, noong unang hati ng 2015, ang density ng PM 2.5 sa Beijing at mga karatig na lugar ay bumaba ng 15%.
Bukod sa pagkontrol sa polusyon, isa pang larangan na pinagtutuunan ng pansin para sa nasabing Olimpiyada ay ang pagkokonekta o linkages sa pagitan ng Beijing at Zhangjiakou, dalawang host cities. Sa totoo lang po, kahit Beijing 2022 Winter Olympics ang pangalan ng Olimpiyada, 2 ang host cities nito: ang Beijing at Zhangjiakou ng Hebei province. Kaya, ang high-speed railway sa pagitan ng dalwang lunsod ay itinatayo na. Nakatakda itong makumpleto sa taong 2019. Paiikliin nito ng 50 minutos ang biyahe mula sa Beijing patungo sa Zhangjiakou.
Ayon sa mga opisyal ng bansa, ang 2022 Winter Olympic Games ay magpapasulong sa estratehiya ng integrasyon ng mga rehiyon ng Beijing, Tianjin, at Hebei. Ito anila ang sagot sa mga problema ng overcrowding, traffic congestion at development gap sa pagitan ng nasabing mga lugar.
Si Liu Yandong, Pangalawang Premyer Tsino
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |