|
||||||||
|
||
20151112ditorhio.m4a
|
Sa kauna-unahang pagkakataon, lumahok kamakailan ang Pilipinas sa Ika-7 International Culture Festival na idinaos sa Tsinghua University Campus sa Beijing.
Sa pamamagitan ng suporta ng Embahada ng Pilipinas sa Beijing at pangunguna ng Pilipinong estudyante na si Princess Grace Villegas Lam, naitayo ang cultural exhibit booth ng Pilipinas, kung saan, ipinakita sa mga mag-aaral na Tsino at mga dayuhan ang mga tradisyonal na kasuotan, laro, at sayaw ng Pilipinas: at siyempre, itinuro rin sa mga bumisita sa booth ang ilang salitang Filipino, ba gaya ng mabuhay, kumusta, tuloy po kayo, at marami pang iba.
Bukod diyan, nagkaroon ng pagpapatikim ng mga tradisyonal na pagkaing Pilipino, na gaya ng sinigang, adobo, pansit canton, sinangag, polvoron, at dried mangoes.
Ayon kay Princess Grace, nagtulung-tulong ang mga Pilipinong estudyanteng mula sa Beijing Language and Culture University (BLCU), Peking University (BeiDa), Tsinghua University at iba pang kaibigang Pilipino upang ihanda at iluto ang mga ipinatikim na pagkain.
Dagdag pa niya, mayroon ding mga kaibigan na nagdala pa ng polvoron at dried mangoes mula sa Pilipinas para sa event na ito.
Sabi ni Princess Grace, napakaganda ang naging pagtanggap ng mga estudyanteng Tsino at foreign students sa Philippine Culture. Sabi pa niya, maraming tao rin ang bumalik-balik sa booth ng Pilipinas dahil sa dried mangoes, dahil gustung-gusto nila ito.
Aniya pa, marami sa mga dayuhang pumasyal sa Philippine booth ang nagsabing "Philippines is the best country that I have ever been to."
Samantala, malaking pasalamat din ni Princess Grace sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing sa kanilang suporta at tulong.
Lahat ng mga materyal na ineksibit sa Philippine booth, na gaya ng table runner, watawat, costume, at marami pang ibang dekorasyon ay galing sa Embahada ng Pilipinas.
Sa ating panayam kay Princess Grace, sinabi raw ng isang opisyal ng Embahada ng Pilipinas na kapag mayroon siyang iba pang aktibidad, huwag siyang mag-atubiling humingi ng suporta.
Bukod sa Pilipinas, marami ring ibang international student ang nagtayo ng cultural booth para sa kanilang bansa. Ilan sa mga ito ay Singapore, T. Korea, Hapon, Pakistan, at marami pang iba.
Ang Ika-7 International Culture Festival ay itinataguyod taun-taon ng Association of International Cultural Exchange (AICE) ng Tsinghua University.
Layon nitong palakasin ang pagkakaibigan ng mga international student at palalimin ang pakaka-unawa ng lahat ng mag-aaral sa kultura ng bawat bansa.
Mga kaibigan, naimbitahan po ang inyong lingkod sa nasabing activity at nakapanayam po natin si Princess Grace at nakausap din ang ilan pang Pilipinong estudyante na nag-organize nitong Philippine Culture Booth. Narito po ang maikling panayam natin kay Princess Grace.
Princess Grace Lam (kaliwa) at Karl Tan-Afuan (kanan) kasama ang ibang kalahok sa Ika-7 International Culture Festival
Princess Grace Lam
Michael Lao Ban Teng, Princess Grace Lam, Karl Tan-Afuan
Princess Grace Lam habang isinisilbi ang mga pagkaing Pinoy
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |